Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pluma Apr 2015
Kling Klang....  Kling.. Klang..

Tunog ng kampana'y sumisigaw ng kagalakan,
Amihan hanging sumisimbolo ng isang Banal na kaarawan.

Saanman pumaroo't-pumarito'y puno ng kasiglahan;
Mga hapag-kaina'y dinadagsa ng iba't-ibang kasaganaan,
Mumunting kislap sa bawat bahay ay pawang madadaanan,
At mga magigiliw na parol sa bawat poste'y isa-isang nagtitingkaran.

Habang ang lahat ay masiglang nagkakantahan,
Isang lalaki ang naglalakad sa makipot na eskinitang daanan,
Maruming damit, gusgusing katawan,
Balbasing mukhang mistulang mga puno sa isang mayabong na kabukiran.

Pasuray-suray n'yang tinahak ang kadiliman,
Dala ang isang boteng alak na kanyang nag-iisang kasamahan.
Mga lasing na hakbang ay pilit binibitawan,
Mumunting yapak patungong bahay na kubli sa kasayahan.

Pagdating sa bukana, bote'y itinapon sa pintuan.
Nagsusumigaw at pilit humihiyaw na siya'y agad na pagbuksan.
Isang babaeng puno ng pasa't sugat ang kanyang naalinagan;
Mayuming mukhang naging busangot ng dahil sa kahirapan.

Ilang minuto pa'ng nakakaraan,
Isang nakakakilabot na sigaw ang pumagitna sa masasayahang kantahan,
Iyak na pilit tinatago, pinipigilan ngunit sa huli'y sumuko't mabilis na nagsilabasan.

Ang katanungan, ano nga ba ang dahilan ng kasuklam-suklam na sigaw na nasaksihan?

Mistulang iyak ng pagkahabag ng kalangitan
Ang unti-unting nagsipatakan.
Ulang nakisabay sa nakakakilabot na kalagayan -
Binubugbog ng lalaki ang asawa; ang kanyang pinangakuan ng pag-iibigan,
Isang taon pa lamang ang nakakaraan!

Dugo'y nag-unahan sa pagpatak,
Nagsimula sa kanyang kaibuturan binaybay hanggang sa kanyang talampakan.
Babae'y nanghina't nagsumamo
Na tigilan na ng kabiyak ang pambababoy dito at sa *anghel
sa tiyan nito.

Ngunit ang tainga niya'y nagmistulang sungay;
Walang bahid ng pag-aalinlangang pinagpatuloy ang maling labanan.
Tengang-kawali't pinag-igihan pa'ng pagsipa't pagsuntok sa tinuturing n'yang kalaban.

Dala ng matinding droga, ang haligi ng kabahayan ay naging sundalo't kaaway sa sarili niyang tahanan.
Mistulang militar na naging ispeya't traydor sa dapat sana niyang pinagsisilbihang kaharian.

Ilang araw pa'ng nakalipas, isang nakakabangungot na kaganapan,
Ang naging usap-usapan sa pamayanan.
Isang inang nilapastangan ang nakitang walang malay, duguan at butas ang sinapupunan.

Sa gitna ng pighati't panlulumo,
Ang kampana'y muling umiyak ng pakikiramay.
Tunog ng madamdaming dalamhati.
Musikang malumanay,
.......dahan-dahang naghahatid sa inosenteng sumakabilang buhay.


*
Kling Klang... Kling.. Klang..
Bells and their ironies.
alvin guanlao Oct 2010
Gumising ng maaga para sa pagsusulit
sinumpa ang pagpupuyat at hindi na uulit
sa tabi ng kalye ako'y nagaabang ng jeep na masasakyan
isang istudyante lang po, bicutan bababa kaya sais lang yan

sa pagbagtas ng hari ng kalsada sa daan
papalapit sa simbahan at huminto ng marahan
isang babaeng grasa  sa jeep ay sumampa
sa sobrang payat daig pa ang isang batang lampa

mata'y nanlilisik at nagsusumiksik sa gilid
sa utak ay may pitik ng takot at kwentong nakakaantig
dumi sa katawan hindi mawari kung sinong nagpahid
o babaeng grasa sa akin ngayon siya'y nakatitig

hindi natuwa ang piloto ng sasakyan
minura ang babae sabay dampot ng kawayan
sa tanranta ng babae, di alam ang kalalagyan
isang mabilis na habulan!, isang matinding awayan!

sinambit ng maruming labi ang bawal na salita
mapanghamon ang babaeng grasa, tila nagbanta
walang laban sa piloto parang gulay na lanta
may pagmura sa pagbaba, sabay banat ng isang kanta

ang istorya sa jeep para sa akin ay tapos na
kalbaryo ng babaeng grasa patuloy na naguumpisa
wala sa katinuan, di nawawalan ng gana
pagtahak sa magulong buhay siya ay nagiisa

babaeng grasa
may babaeng grasa sa bawat isa sa atin
astroaquanaut Oct 2015
"bakit 'di mo pa binuhos ang lahat?" nagtatakang tanong sa akin ni inay. inutusan niya akong diligan ang alaga niyang santan sa bakuran. "nagtira ka pa. 'di naman na kailangan," at sabay niyang kinuha ang balde na naglalaman ng tubig na galing sa kanyang pinaglabhan. walang pagdadalawang-isip at bigla na lang niya itong itinapon sa sementadong daanan papunta sa aming bakuran.

sa malayang pagdaloy ng tubig, napaisip ako kung bakit ganoon na lang itapon ni inay ang tubig. pwede pa namang ipandilig iyon sa ibang halaman na nasa tabi-tabi. pero bakit hindi ko man lang din yun naisip na gawin? para nga naman hindi nasayang ang tubig. para may iba pang halaman na pwedeng makinabang at hindi ang walang buhay na sementadong daanan.

oo nga naman, ang tubig na galing sa labada ni inay ay marumi na. umitim at dumumi dahil sa pinaghalo-halong sabon at mantsa ng mga naiwang alaala sa damit. kung nakakapagsalita nga lang din naman ang halaman, hindi niya gugustuhin ang maruming tubig na galing sa labada ni inay.

pero hinuha lang naman ang lahat. paano kung ang mga halaman sa tabi-tabi, ay parang katulad lang din ng patubong santan na alaga ni inay...

nangangailangan
at sadyang nauuhaw.
katrina paula May 2015
Tulad ng kinimuyos na papel
Sinta, kaya kitang isantabi
sa mga botelya ng alaala ng hikbi
Isasalampak sa isang sulok
Pabubulukin sa tagal ng panahon

Tulad ng maruming basahan
Puso, kaya kitang itapon
Sa'king labahan ng paglimot
Doon kita'y ikukula sa mga buntong hininga
Patutuyuin hanggang muling mapakinabangan

Marahil ito na nga ay pagtanggap
Na tulad ng maraming bagay na napaglumaan
Kaya kitang limutin at talikuran
Sa lupa, doon ang pinaglibingan
Ng ikaw at ako na walang patutunguan.

— The End —