Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
AnxiousOcean Mar 2018
Ngingiti ka na naman;
Lolokohin mo na naman ang buong mundo,
Paniniwalain ang lahat ng tao,
Uutuin maging ang sarili mo--
Na ayos ka lang,
Na wala kang problema,
Na patuloy kang lumalaban
Sa buhay kung sa’n
Ang sarili ang iyong kalaban.
“Ayos lang” ang iyong sagot sa tanong na “kamusta ka?”
At ngayon ko lamang napagtanto na palabiro ka pala.
Lahat nang ‘yan, iyong itatago sa iisang ngiti.
At sa iyong pagkukubli,
Lahat ay napaniwala.

Tatawa ka na naman;
Muling ipaparinig ang iyong halakhak.
‘Yung tipong mabibingi silang lahat
At masasabing ikaw ay masaya at tapat.
Pero ang bawat ritmo ay kumpas ng kasinungalingan
Na hindi namamalayan dahil sa lakas ng tawanan.
Itutuloy ang tawa hangga’t ang kasiyahan ay maisilang.
Pambihirang panlilinlang.
Daig mo pa ang hunyango pagdating sa pagtatago.
Lahat idaraan mo sa tawa, hindi dahil masaya ka,
Kundi dahil wala kang mukhang maihaharap.
At sa iyong pagpapanggap,
Lahat ay napaniwala.

Mananahimik ka na naman;
Mambibingi gamit ang saradong bibig.
Sasampalin ang buong mundo ng kantang walang ritmo,
Walang liriko, at walang nota.
Dahil hindi tengang handang makinig ang iyong kailangan,
Kundi pangunawa at ang maintindihan.
Mahirap bang gawing salita ang iyong nadarama?
Hirap ka bang magsabi ng kahit ano sa kanila?
Kaya’t mananahimik ka na lang
At paparoon sa isang sulok.
Aawit nang pabulong,
Rinig lamang ang iyong suntok.
At sa iyong pananahimik,
Lahat ay napaniwala.

Mangangamba ka na naman;
Matutulog na lang, sasaktan pa ang sarili mo.
Titingin sa paligid at magiisip nang kung anu-ano.
Kahit ano.
Kahit masakit.
Hanggang sa maaawa ka sa kalagayan mo ngayon
At Iiyakan ang sariling takot bumangon.
Malulungkot, magagalit
At mapapatanong kung bakit.
Bakit ganito? Bakit ganyan?
Bakit ang mata mo ngayo’y luhaan?
Minsan tulog na lamang iyong hiling,
Pero pagod ka pa rin maging sa paggising.
Mangangamba at iisipin ang lahat.
Lahat sila,
Lahat ng iyong napaniwala.

Pero hindi ako.
Ibahin mo ako,
Simula’t sapul, hindi mo ‘ko maloloko.
Hindi mo ‘ko mapapaniwala, hindi mauuto,
Dahil kilala kita,
At alam ko ang pinagdaraanan mo.
Alam kong hirap ka na sa pagsubok ng buhay.
Mistulang ang bawat araw ay pare-pareho na lamang,
Walang bago, puro tabang.
Maaaring tensionado ka, dulot ng paaralan.
O ‘di kaya’y dahil diyan sa mga tinatawag **** “kaibigan.”
Pwede ring dahil sa iyong tahanan.
Dahil sa sakit na dulot ng kung ano man.

Kilala kita.
Alam ko ang nararamdaman mo.
Alam kong gusto mo nang huminto,
Gusto mo nang itigil ang laro,
Pagod ka nang bumangon,
At takot nang umahon.
Tulad ng isang dahon na kahit kalian
Ay ‘di maibabalik sa punong pinanggalingan.
At iyo na lamang inaantay ang iyong paglanta.
Sa isang lugar, inirereklamo ang tagal ng pagkawala.
Dahil ikaw ay sawang-sawa.
Paulit-ulit na lamang.
May galit, may pait pagkatapos ng hagupit.
Babangon, sasaya, at muling babalik sa sakit.
Alam kong luha ang ‘yong nais ipabatid,
At hindi ang iyong mga tawa.
Dahil dama ko ang iyong lungkot sa tuwing ika’y masaya.
Alam kong hirap ka na.
Alam ko, alam ko.

Kilala kita.
Alam ko ang pagkatao mo.
Hirap ka nang kumapit, alam ko.
Dahil mahina ka,
At ‘di mo kailangang magpanggap;
Alam ko ang iyong hanap.
Ngunit nawa'y maintindihan mo,
Tanggap kitang buo at totoo.
Pwede ka nang umiyak,
Pwede mo nang bitiwan ang 'yong sandata,
Pwede mo nang ibaba ang iyong kalasag,
Pwede ka nang maging totoo.
‘Wag nang magpanggap na malakas ka,
Pwede kang maging mahina.
Pwede mo nang burahin ang iyong ngiti.
Pwede kang umiyak,
Hayaan **** dumaloy ang mga luha.
Sige, isumbong mo lahat,
Sabihin mo ang lahat sa akin,
Akala mo ba’y ‘di ko napapansin?
Sumuko man ang araw at nagdulot ng dilim,
‘Di kita susukuan at mananatiling taimtim.
Patuloy na kumakapit,
Inaantay ang 'yong paglapit.
Alam kong mapapatanong ka na naman kung bakit.
Bakit alam ko, at bakit ganito.
Pasensiya kung may pagkukulang man ako,
Ngunit hiling ko lamang na ikaw ay magkwento.
At sabay tayong ngingiti at tatawa,
Saba’y tayong iiyak sa drama.
Yayakapin kita,at patuloy na uunawain,
Dahil 'yun lang din naman ang gusto kong gawin.

Sabi ko nga sa’yo, kilalang-kilala kita.
At ‘di tulad ng iba,
Hindi mo 'ko mapapaniwala.
Dahil siyempre, ako ang 'yong ina.
G A Lopez Mar 2020
Nakakatakot na ang mamuhay sa mundo ngayon.
Ang nasa isipan ay baka kinabukasan,
Hindi na makakabangon, walang kasiguraduhan.
Laganap na ang mga nakakamatay na sakit,
Mga sakit na walang lunas
At kaunti lang ang nakakaligtas.

Mayroon pa ring sakit sa lipunan
Na hanggang ngayo'y hindi pa rin naaagapan.
Ang hindi pagkakapantay-pantay, Kahirapan at kamang mangan.
Dulot nito'y pagbagsak ng ating Inang Bayan.


Lahat ay isinisisi sa gobyerno
Kanilang buhay na sila mismo ang nagplano.
Bakit ka gagawa ng isang bagay na sa huli ay iyong pagsisisihan?
Hindi dahilan ang kahirapan
Upang gumawa ng kasamaan.


Dahil sa salot na sakit,
Maraming nagtatanong kung "bakit"
Panay ang pag-aalala
Hindi na mapakali sa kanilang mga lungga.
Utos ng pamahalaan ay binabalewala.


Tahimik ang kalsada
Walang sasakyang pumaparada
Ang mga pamilihan ipinasara.
Ang mga tao'y nagsisiwelga
Dahil daw ito'y pang aabuso at hindi pagpapahalaga.


Halos wala nang makitang tao sa mga bahay-sambahan
Ani nila'y ayaw mahawaan.
Naniniwala pa rin ako sa kasabihang,
Kung ayaw, may dahilan
Kung gusto'y, maraming pwedeng paraan.


Tanong kaibigan,
Bakit mo iiwan ang pagsamba?
Bakit ka mangangamba?
Ang Panginoong Diyos ang pinakamakapangyarihan
Siya ang sagot sa lahat ng ating kabalisahan.
Ang buong tiwala'y ibigay sa Panginoong Diyos na siya dapat nating pagkatiwalaan.
Kung ika’y nawawala
'di malaman kung nasaan ka
bumulong lamang sa hangin
sa bituin ika’y tumingin
...ako ay darating

Inuulan ka man ng luha
dumungaw man ang kaba
darating din ang umaga
kaya’t wag kang mangangamba
….nasayo ang aking puso.

Huwag, huwag kang mangamba
may kasama ka sa pag-iisa
mundo man may lumbay
huwag kalimutang may kulay.

Huwag kang mangamba
dahil buhay ay may pag asa
kasama sa pag-lalakbay
bigyang saysay ang buhay.

Mabagal man ang hating-gabi
narito lamang sa iyong tabi
pakinggan ang sigaw ng iyong puso,
naroon lamang ako
salubungin natin ang bukas
huwag kang mangangamba
pagkat 'di ako mawawala.

— The End —