Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Jul 2019
Sa madilim na sulok ay inaalala
ang mga sandaling noon pa'y sa eskwela
at nahuhumaling sa kamag-aral na dalaga

Lipos ng rosas ang kapaligiran
Kapag siya'y nakikita sa paaralan
Sa isang sulyap niya'y ako'y parang sa ibang kalawakan

Hinati na ng imahinasyon
ang daigdig ko na may limitasyon
Itinago muna ang katotohanan
Para sa kanya'y handang ipagpalit maging ang kinabukasan

Sa alon ay nagpapaanod
Sa hangin ay naninikluhod
Ibinulong ang tanging hangarin
na sana sa isang araw kami'y magkapiling

Anong saya sa tuwing pasukan
Singko kong baon ay iniipon
Upang sa pagdating ng tamang panahon
Makabili ng bagong damit nang siya'y ligawan

Bakit ko pa ikinakahiya
ang maging isang dukha
Hindi na nga makakain
Nagsusumikap pa rin kahit hinahamak pa ng iba

Marupok ang aking katatagan
Ang dibdib ko'y may malumanay na damdamin
Ni ayaw magsalita at ayaw pumansin

Duwag kapag ako'y salingin
Nanginginig ang himig
Sa gabi'y pinapangarap
si Dessa na nagluningning

Siya'y prinsesa na nakahilig
Sa luklukan
Haring handang pagsisilbihan
Walang mali sa kanyang kagustuhan

Kapag lumalayo na ang araw
na tila pumapa-kanluran
Alaala'y ibinabalik - mahapdi na katotohanan

Sana'y noong nagkakatitigan
Lumapit kapagdaka'y nagpakilala
Kung sakaling ngumiti
Hindi na siya pakakawalan

Sana'y sa simula pa lang
niligawan na ang Paraluman
Kahit tumanggi sa pagmamahal
Mas mabuti na ang umibig kahit nabigo
Kaysa hindi nakaranas ng pagsuyo
Mahirap man - tumanda nang
nagagalak kahit sa isipan

Ngunit ang salamisim kay Dessa ay ayaw ako tigilan
Lumiligalig sa gitna ng aking kahimbingan
Kung mangyari'y maninirahan sa Panganorin ng nakaraan
Mahilig akong manood ng pelikula
Sisiyasatin ko ang bawat balangkas
Panonoorin mula sa simula
Papunta sa kasukdulan ng kwento
Hanggang sa katapusan ng kwento

Isa sa paborito kong kategorya nito
Ay ang pag-ibig

Napakasayang manood ng pelikulang pag-iibigan ang tema
Dahil kahit minsan ay katulad din ito ng nararanasan natin

Magsisimula sa pagpapakilala
Sa “ako nga pala si..”
“At ako naman si..”
Sabay ngiti na tila titigil ang mundo
Bibilis ang pintig ng puso
At mapupuno ang tiyan
na tila nakalunok ng sangkatutak paruparo
At nanirahan sa ilalim ng mga kalamnan mo

Napakatamis ng mga simula
Ang mga panahong ang mga mata
Ang nagsisilbing daluyan
Ng enerhiya na nagpapasabay ng tibok
ng puso niyong dalawa
Ang mga panahong ang mga kamay
Ang nagsisilbing hawakan sa pinakamalayong paglalakbay

Kikiligin ka sa simula

Magpapatuloy sa kasukdulan
Magpapatuloy
Sa “Bakit hindi mo agad sinabi?”
Sa “Bakit ka nagsinungaling saakin?”
Sa “Ano bang nagawa ko sa’yo”
Sa “Saan ba ako nagkamali?”

Matututunan mo na ang pag-ibig pala ay nagbabago
Ang dating matamis ay naging mapait
At tila isang kape na dating kumukulo sa init
Ay nanlamig bigla
Sa di inaasahang panahon

At sa katapusan ay makikita mo ang dulo
Ang pagpapaalam
Ang mga salitang “Hanggang dito na lamang tayo”
Na kahit na ipinangako niyo sa isa’t isa ang walang hanggan
Ay naabot niyo pa rin ang dulo

At kahit na masakit ay tatanggapin mo
Dahil ang katotohanan ay
Ang pag-ibig ay nagwawakas

Mahilig ako sa mga kwento
Dahil dito umiikot ang mga pelikulang sinusubaybayan ko
Ang simula, kasukdulan at pagtatapos

Ang paborito kong istorya
Ay ang pag-ibig

Pag-ibig
Na nagsimula sa pagpapakilala
Sa pagtanggap ng katotohanan
na hindi ko kakayanin mag-isa
Sa pagsambit na ikaw lamang
ang kayang magligtas
sa kaluluwa kong ligaw

Hindi man puno ng tamis
Pero puno nmn ng tunay na pagsinta
Ng totoong nagmamahal

Ang mga mata niyang magbabantay saakin
Sa tuwing ako’y nag-iisa’t nasa panganib
Mga labi, na hindi mo man nakikita ang ngiti
pero ramdam ang pagmamahal sa tamis ng salitang sinasambit
Mga kamay, na hindi nagsisilbing hawakan, pero gabay
At sa tuwing naliligaw na ako’y andyan ka pra itama ang aking landas

Pag-ibig
Na ang kasukdulan ay
Naganap sa krus
Kung saan ipinakita ang tunay na kilos ng pagmamahal;
Sakripisyo
Kahit na hindi ako nararapat sa pag-ibig mo’y
Ibinigay mo ang lahat
Para lamang maibalik ang ako, na minsan nang naglibot papalayo
Sa kasabikan na mahanap ang dulo
Kasama ang mundo
pero nagkamali ako

Ang mundo ay iiwan kang lagalak
Sa kalsada
Humahanap ng titirhan
Humihingi ng makakain
At nanlilimos ng ng salapi

Pero ikaw ang pumulot saakin
Sa pagkaalipin ko sa mapanlinlang mundo
Iniangat mo ako sa kahirapan ko
Kahit na tila kapeng nanlamig ako
Ay hindi mo isinantabi
Pinaranas mo ang tunay na pag-ibig
Na hindi kayang ibigay ng kahit sino

At tulad ng mga pelkulang paborito ko
Hilig kong sinusubaybayan ang kwento
Ang paborito kong kwento ay ang pag-iibigan nating dalawa, Panginoon.

At magtatapos ito sa…
Mali.
Hindi pa rito nagtatapos ang kwento
Kym Relo Jun 2020
Ang lakas ng ulan
Pero, nandito pa rin ako
Naghihintay.
Ang lakas ng paghampas ng ulan sa aking likod
Pero, nandito pa rin ako
Naghihintay

Ang unang tingin niya sa akin,
Noong pinanganak pa lang ako
Ay hindi tinging na ibinibigay ng nanay
Ang mga mata niya
Punong-puno ng alat na makikita mo lang sa dagat
Dahil, hindi ako parte sa mga balak niya.

Pero, baka dahil lang sa kanyang konsensya
Pumunta siya sa ibang bansa.
Niyuko niya ang kanyang ulo para maitaas ko ang akin.
Binuhos niya ang kanyang pagkatao para ako’y makakain.
Kahit hindi ako parte sa mga balak niya
Minahal pa rin niya, ako.

Kaya, nandito ako, naghihintay.
Sa harap ng libingan ng kanyang nanay.
Ang lakas ng ulan
Pero, nandito pa rin ako
Parang noong
Nandoon siya para sa akin.
This is my first poem in Tagalog.
derek Feb 2016
Naalala mo pa ba, noong magbukas ang Nagi?
Pagkahaba pa ng pila, umabot ng Yabu dati.
Kahit pa nga yata Yabu, ay kayhaba din ng pila
Araw-araw laging ganyan, kaya dapat maaga ka.

Sa katagalan pagdaka ay nagkaupuan na nga
Ang babae ay sisigaw, at susundan ng iba pa
Bigay todo ang pagbigkas, tila baga walang bukas
Rinig mo ang tinig nila kung ikaw ay nasa labas.

Sunud-sunod na araw pa, na kami ay nasa Nagi
Itanong mo pa kay amo, siya po ang aming saksi.
Kung paanong alas-onse'y, naghihintay na ng taxi
para sa pila'y mauna, at nang makakain kami.

Ilang buwan din siguro ang sa mundo ay dumaan
na ang pagdalaw sa Nagi ay biglang naging madalang
Na mula sa bawat araw, ito'y naging linggo-linggo
Kalaunan pa ay naging Enero, Pebrero, Marso.

Lumipas ang mga taon, at ngayo ay Pebrero na.
Ngayon na lang uli kami doon sa Nagi nagpunta.
Ang dating mahabang pila, ngayon ay tila wala na
Alas-dose na noon, tanghali na po partida.

Noong pumasok na kami'y sumisigaw pa rin sila
ngunit dinig mo sa boses na ang sigla ay wala na.
Kahit yung pitsel ng house tea na laging inihahanda
Ngayon baso-baso na lang, tapos manghihingi ka pa.

"Nakakain na po kami, puwede bang bukas na lang?"
"Mayroon na n'yan sa Mega, pati na sa Katipunan"
"Huwag ka nang magmadali, hindi na dapat agahan"
"Kahit anong araw pwede, kasi nandyan lang naman 'yan".

Tayo'y magaling lamang ba, kapag bago at simula
kapag bago sa paningin, kapag bago sa panlasa?
Na 'pag nilamon ng oras o kinasanayan mo na
ay tila pinagsawaan at pinagwalang bahala.

Kailan kaya darating, ang sa aki'y tinadhana
na sa aking pagtangkilik, hindi ako magsasawa?
Na kapag nakita ako'y ramdam ko ang galak niya
at ang puso ko'y lulukso marinig lang ang ngalan n'ya.

Malamang ay naglalaro ngayon sa iyong isipan
"Tungkol pa rin ba sa Nagi, ating pinag-uusapan?"
Huwag mo na itong isipin, sagutin mo na lang ako
may pila pa kaya ngayon, sa bagong tayong Ippudo?
It's been a while since I wrote a metered poem. This one has 16 syllables per line. Not really a big deal, but I hope you enjoy.

UPDATE:

When Ramen Nagi first opened in SM Aura (a mall in Manila), it was really popular. Imagine long lines of people waiting to get a seat and try their ramen (especially during lunch). I think they were really popular somewhere, that people were really that excited that a store opened up in Manila. We usually went earlier than your usual lunch time just so the line won’t be that long. We loved their ramen so much that we ate there as often as we could.

It’s been a while since we last ate there. I tried to contemplate in this poem how much has changed since it opened, how the long lines of people are no longer present, how the enthusiasm of its staff was not as great as when they first started serving ramen. Then I realised how similar the situation was with relationships — feels like sometimes we only show our “maximum effort” at first, which diminishes over time. I sure hope that at some point in my life I would find the one that I won’t get tired of loving.
w Dec 2019
94
Ubos na ang mga panahong hindi kailangan magmadali
Yung pagising sa umaga na hindi na kailangan ng nagwawalang awtomatikong orasan

Sa kakamadali ay nalilimutan nating magsoot ng pambahay na tsinelas pagbangon sa kama,
Maging ang pagharap sa salamin at pagbati ng "magandang umaga" ay lipas na

Ang mga pandesal at almusal na dati'y pinagsasaluhan sa lamesa, ngayo'y sa umaandar na sasakyan na inuubos okaya naman minsan ay dumadaan sa isang kainan para doon makakain

Kung noon ay sinusulit ang bawat hakbang ng mga lakad at napapansin ang mga bulaklak at dahon sa iyong paligid
Nalipasan na ng oras ang dati'y hindi ka tumatakbo at nagkukumahog, pinabilis ang pag-asam ng panahon

Kung babalik pa sa kahapon,
Lumipas na ang kapeng ilang beses **** hinalo't di na alam kung tunaw na ba ang bawat piraso ng oras kaya't di na napansing lumamig na sa paglipas ng oras

At sana, sa bawat pagmamadali at takbong gawin para makarating
Huwag mo sanang kalimutan
Na oras man ang kaaway,
Nakadikit ito sa ala-alang bumuo sa pagkatao natin

Muli, ipapa-alala ko na huwag mo sanang kalimutang pwede ka magdahan-dahan
Ipahinga mo ang iyong mga paa
Dahil ubos na ang panahong hindi tayo nagmamadali

Kaya  sana, hayaan mo munang mag-isa ang mundo at umupo ka muna sandali
Gumising kang hindi gula't sa nagwawalang orasan at isoot ang sapin sa paang sabik nang ihatid ka sa hapag-kainan
Timplahin mo ang kapeng mainit at hintaying matunaw ang bawat piraso
At doon, malalasahan mo, ang tunay ng sarap ng bawat segundong matagal mo nang hindi napapansing pinapalipas mo
Manunula T Apr 2018
Pag-ibig na ito’y pagkagulo-gulo,
Kung minsa’y baluktot, kung minsan ay wasto,
Bulag ang katulad, tila nalilito
Kung minsa’y may sakit ng pagkasiphayo.

Ngunit kung tunay nga, wagas at dakila,
Madarama nama’y kilig sa simula,
Sa gitna ay ngiti at dulo’y may tuwa,
Kung magmamahal ka ng tapat at akma.

Sa daraang araw, oras at sandali,
Kahit na mag-isa, ikaw ay ngingiti,
Kung maaalala ang suyuang huli,
At ang matatamis na sintang mabuti.

At ang minamahal kung makakapiling
Ay tila kaybilis ng oras sa dingding
Hahalik sa pisngi at saka yayakapin,
Limot ang problema, hindi makakain.

Kung ika’y iibig, tandaan mo lamang,
Ang tunay na kulay, sikaping sulyapan,
Pagkat marami diya’y nagpapanggap lamang,
Sa baba ng lupa ang pinanggalingan!
#pagmamahal at Panganib
yndnmncnll Aug 2023
Hindi makatulog sa wastong oras
Hindi rin makakain sa saktong oras
Laging walang gana
Tanging ikaw na lamang ang natitrang pag-asa

Upang manumbalik sa dating sigla
Ang babaeng minahal ka ng sobra
Ngunit pinili **** iwanan siya
Sinaktan at pinaluha mo siya

Ang babaeng tulad niya ay walang ibang ginawa
Kundi intindihin at pakinggan ka
Ngayon hindi mo magawa iyong hinihiling niya
Sapat na sa kanya na makita kang masaya

Ngunit siya kaya niyang gawin lahat
Kaya niyang tiisin yung sakit
Minahal ka niya ng tapat
Ngunit ang iyong isinukli ay walang iba kundi sakit

Ngayon, iiyak siya ng biglaan
At ikaw ang tanging dahilan
Gigising siya ng alas tres ng umaga
Upang tanungin sa sarili niya

Bakit mo ba siya iniwan?
Dahil hindi niya ito dapat ngayon nararamdaman
Kahit masakit tinuturuan ko ang sarili ko
Na kalimutan kita kahit hindi ko kaya

Darating rin ang tamang tao
Na sa akin ay nakatadhana

— The End —