Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
012917

Naisip kong magpatangay sa hanging kumot sa aking paggising. Naisip kong hamunin ang araw ng mga talatang pasalaysay at huminto gamit ang panalangin.

Isa, dalawa, tatlo: oo, ito na ang ikatlong araw nang tayong ipinalipad sa iba't ibang dako -- patungo sa bawat sulok ng mga pangarap at doo'y sabay-sabay nating maitataas ang Kanyang Ngalan.

Di ko kayang amuhin ang bawat petsa sa kalendaryo para lang maggising tayo't muling mabuo. Di ko kayang sipulan ang ulap na kukumpas sa kalangitang hindi naman nagbabago.

Sa bawat pangarap na minsang natabunan ng ating mga mapapait na nakaraan -- mga pangarap na ni minsa'y di sumagi sa isipang mabubuo natin nang sabay; oo, posible palang maitagpi-tagpi ang bawat istorya para sa mas malaki pang larawang ni minsa'y di natin nasilayang mag-isa.

Marahil napuno tayo ng takot na muling humakbang sa bukas pagkat nahihila tayo ng dilim. Marahil kinain tayo ng sakit, kirot at alalahanin kaya naman tila kayhirap nang lakaran ang tubig ng pagpapala. Pero kahit na -- kahit na lumubog pa tayo sa kumunoy ng distansya't walang kasiguraduha'y may iisa pa rin tayong di dapat na bitiwan -- na patuloy tayong kumapit sa iisang Ngalang titingalain natin hanggang sa Kanyang pagdating.

Siguro nga mapapagod tayo pagkat taksil ang landas o ang pagkakataon pero hindi pa ba ito sapat na dahilan para muling masubok at tayo't tuluyang magpasakop? Kung ang lupa nga'y kayang sakupin ng mga dayuhan lang; ano pa't ang puso't buhay nating tanging hiram lang? Kakatok hindi ang pangarap bagkus ang may dala ng mga ito; ilapit mo ang mga kamay sa puso at doo'y mabubuksan ang pintong may sagot sa mga hiling at dasal mo. Mabuhay si Kristo! Buhay Siya sa iyo!
Para sa mga kaibigan ko sa Brave Heart! Mabuhay si Lord sa puso ng bawat isa!
kingjay Oct 2019
Unti-unting naghahari ang dilim
Sa sulok ng lumang kamalig
Isang papel at lapis
na hinahawakan nang mahigpit

At ang buwan ay sumisilong
Sa anino ng mundo
Batbat ng bituin ang langit
Sa bulag na panganoorin

May galak na maiguguhit
Sa kapintasan ng tinta
Ang saysay ng buhay malilirip
Sa kumukutitap na lampara

Lahat ay nakapiring
Habang sa luklukan ang gabi
Nalilingid ang katotohanan
Ngunit maaaring isulat ng pipi

Luluha ang birhen
Sa awit ng mga pipit
Ang pagsasalaysay sa buhay
Ay kapana kapanabik
Kung may hirap at pasakit

Ngunit hanggang kailan ang pagtitiis
sa lumulubog na kapalaran
Umaaninag sa pawid at
Sa mukhang nagugululumihanan

Lumilipas ang sandali nang marahan
Mahirap suyuin ang hangin
Hindi madali ang mabuhay
Magpatangay sana upang makalaya
gaya ng lumulutang na saranggola
sa habag ng gabi't tala
020917

Heto, magsisimula na naman ako sa dulo
Sa dulo kung saan ako mismo ang nagbigay katapusan
Nagbigay katapusan sa sanang "tayo."

Ako naman yung bumitaw
Sa akin naman nanggaling yung mga katagang
"Wag muna, huminto muna tayo."

Pero gaya ng ulan, di ko kayang pahintuin ang lahat
Gaya ng buhangin sa tabing-dagat,
Di ko kayang buohing muli ang sanang "tayo"
Kung ito'y gumuho na sa mismong mga kamay ko.

Parang mas di ko ata kaya --
Di ko kayang wala ka
Di ko kayang mag-isa
Na alam ko namang isa ka sa kalakasan ko.

Gusto kong ibaon ang sarili ko sa buhanginan
Sa buhanginan at magpatangay sa tubig ng dagat
At baka sakaling makabuo tayo ng "tayo"
Baka sakaling maging matatag ang "tayo"
Baka sakaling hindi na tayo sumuko sa isa't isa.

Paulit-ulit kong iniisip kung ba't ko nasambit ang lahat
Akala ko, namanhid ako sayo
Pero yung totoo, di ko man lang masabi sayo
Di ko masabi sayong ayokong bitiwan ka
Na ayokong pakawalan ka.

Gusto kong ihagis ang sarili ko sa dagat
At magpalunod hanggang sa sagipin mo ako
At buhatin mo ako sa pampang
At saka mo muling sabihing di mo ko iiwan
At saka mo sabihing mahal mo pa rin ako.

Gusto kong maggising sa mga bisig mo
Masilayan ka, makita ka, mayakap ka
Kasi di ko alam kung kaya ko pa
Kung kaya ko pang mawala ka ulit.

Pasensya kung nasasaktan kita
Kung nanghihina ako kapag wala ka
Na lagi ko sayong ibinubuhos ang bawat daing ko
Na halos manghina ka na rin dahil sakin.

Pasensya kasi sobrang mahal kita
Na sa halos tatlong taon,
Hindi kita binitawan
Pero ngayon, nagtataka ako
Nagtataka ako sa sarili ko
Ba't ba kita pinakawalan?
Ba't ba hinayaan kong maglaho na lang ang lahat?
Ba't ba pinahihirapan ko pa ang sarili ko?
Ba't ba di ko masabi sayong kailangan kita?

Oo, kailangan kita at oo, mahal kita
Hindi naman ako nagbibiro
At wala sa bukabularyo kong iwan ka at paasahin ka lang.

Di ko mabilang kung ilang beses kong hindi nasalo ang bawat luha
Ang bawat luha sa mga mata kong parang pawis
Parang pawis na dumidilig sa tigang na lupa
Hanggang sa masaksihan kong iba na ang ruta ko --
Na tila ba ang layo mo na
Na tila ba ang layo ko na sayo.

Siguro nga, natuto ka kaagad
Natuto ka kaagad na bitiwan ako
At sobrang sakit
Eh akala ko namanhid na talaga ako sayo
Pero alam mo, ngayong wala ka na
Ngayong wala ka na sa mga kamay ko
Parang mas di ko na kaya.

Ewan ko, basta
Basta lang --
Sana bumalik ka na
Balikan mo naman ako.
013017

Gusto kong umiyak -- gusto kong ipasalo Sayo ang bawat luha, bawat luhang matagala nang gustong bumaha -- gustong bumaha at magpatangay Sayo.

Sa bawat pagkakataong ibinubuhos Mo ang Iying presensya -- mga pagkakataong lumayo ako Sayo -- lumayo ako sa kabila ng pag-ibig **** pang-walang hanggan. Oo, oo at sigurado akong patuloy akong kakapit Sayo gaya noon -- noong unang beses kong pinanghawakan ang bawat pangako **** kailanma'y hindi pumalya. Mga pangakong akala ko noo'y hindi na mangyayari -- pagkat noo'y nagpatalo ako sa sarili kong panahon at binalewala ang oras **** mas mahalaga.

Mahal Kita at walang katapusan ang alay Mo. Ni hindi ko kayang palitan o mapantayan o higitan ang pag-ibig Mo.

Kailan Ka ba sumuko? Wala akong matandaan kahit ang tanda ko na -- kahit ang tanda ng orasan sa tabi ko. Napapagod ako, nanghihina ako at bumibigay ako pero kahit kailan, Ika'y patas -- patas ang pag-ibig Mo.

Kanina ko pa gustong ituntong ang mga paa ko sa hagdan -- sa hagdang patungo Sayo. Na kahit di Kita masilayan ngayo'y aabangan Kita at hihintayin Kita. Gusto kong iluhod ang lahat, ilatag sa paanan Mo ang bawat sakit kasi hindi ko kayang mag-isa. At kung pupwede lang na bumaba Ka ngayon, kung pwede lang -- ay yayakapin Kita.

Ama, kung ganito man ang tamang pagsambit ng Ngalan Mo; yakapin Mo ang anak **** lantang-lanta na't uhaw sa presensya Mo. Kung ganito ang paghihintay na kailangan kong maramdamang may mga bagay na hindi kayang ayusin, hihintayin pa rin Kita.

Wala, wala na akong masasambit pa. Tinig Mo pa lang, kahit simpleng bulong lang, ako'y napaluluhod sa galak. Iiyak na naman ako at mismong sa harapan Mo, ibibigay ko ang lahat -- Sayo ang lahat, Ama. Sayo, oo Sayo.
kingjay Aug 2019
Muling hahanapin ang ningning ng bituin
At ipapanalangin sa langit
Na sana'y may gintong rosas
Sa likod ng kulimlim

At may katiwasayan sa alapaap
Para doon humimpil
Ang mga pagod na bagwis,
Ang hangarin na pinagbubuntunan ng pag asa

Nanaisin na mamahinga sa disyerto
Kaysa lumanghap ng samyo
Ng mga dawag
Sa paraiso sa ibabaw ng lupa

Kung may araw na sisikat
Sa silangang kong mahal
Kapag nang aakit na ang yaong liwanag
Tatalikod at magtatago

Sapagkat madaling mabulag sa kanyang kasikatan,
Mahumaling sa kanyang kariktan
Maglulumbay din sa wakas

Kung saan ililihim ang kapanglawan
At titiisin ang kahapdian
Kung mabanayad na ang pakiramdam
Ay dadalawin naman ng kahapisan

Talastas ng mga mata
Ang anyong nakikita
Ngunit di matatarok
Parang ang kati ng lawang malinaw

Susuungin ang daloy ng ilog
O magpatangay sa alon
Ang buhay na pinag iingat ingatan
Ay nililisan ng katatagan

Kaya ang bawat pag ngiti
May luhang sinusukli
Ang kaginhawaan may pawis na pinupuhunan

Sinasagap ng paningin
At ng nasa ang pagpahinuhod ng
Sandali
Sa kapalaran na pinaglilikatan ng mabuting halimuyak

Maglalakad na tangan ang lumbay
Tungo sa lugar na pinagmulan
Sa alabok babalik
Ang hiningahang buhay

Di na lilingon at mag alalala
Sana'y di na mabubuwal sa pag alis
Sa maluwalhating pagsalubong ng hangin
Mananahan sa likod ng mga ulap
083021

Lumilipas ang mga araw
Na tayo’y waring mga plumang
Nauubusan ng tinta.
At habang tumatagas
Ang huling patak sa ating mga timba’y
Ayaw pa rin nating magmadaling gumayak
At magpatangay sa mga sinag ng araw.

Sa unang mga paglisan ay nauubos pa ang ating mga luha
Ngunit sa mga sumusunod na kabanata’y
Tayo’y minamanhid ng tadhana.
Kasabay ng pag-usbong ng mga buhok na luma'y
Kumukupas ang mga larawang
Dati'y araw-araw na pinupunasan.

Ang bawat batiang noo'y nakatagas ang ngiti'y
Magiging pasalubong na may ibang palamuti.
Kaya naman ang hamon sa nalalabing panahon,
Ay ating sabayan ang agos
Habang ang lahat ay nakadilat pa.
Pag-ibig na laan at bihis sa ati'y
Maging kumikinang na diyamanteng
Sasalamin at aakap sa iba.
Lilisanin ko ang sarili
Madatnan lamang ang espasyo
Kung saan tayo’y magtatagpo’t magtatapat —
Magtatapat ng ating mga pangakong
Kailanma’y hindi nanaising mapako.

Ang bawat hakbang
Ay magsisilbing aking pagpupunla
Hindi lamang ng aking wagas na pag-ibig
At dalisay na pananampalatang
Kakayanin natin ang mga susunod pang dekada,
Mga dekadang sabay na mamumuti
Ang ating mga buhok
At sabay na malalagas
Patungo kung saan man tayo nagmula.

Wala akong ibang nais na masilayan
Kundi ang mga mata **** sining sa aking paningin.
Ang ngiti **** sana’y manatiling
Matatamis na alaalang
Ikaw at ikaw pa rin ang aking pipiliin.

At sa mga oras na ang mga pahina na ng kalendaryo
Ang kusang magpatangay sa hangi’y
Nanaisin ko pa ring manatili
Sa mga akap **** pinili kong maging kanlungan
At ang magiging sigaw ng aking puso’t damdami’y
Papuri sa Unang Umibig sa atin
Bago pa man mag-krus ang ating mga landas.
owt Jun 16
(Himig ng Kalikasan)


Sa mundong puno ng
kulang,
sapat,
at sobra —

tayo raw ay mga dahon.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.
N­awawala.

Ngunit sa ating pagkawala,
doon raw tunay
na matatagpuan ang sarili.

Sapagkat sa bawat pagkalagas,
ay simula ng panibagong pag-ugat.

At kung ako nga ay isang dahon,
siguro ako 'yung uri ng dahon na...

hindi basta bumibitaw, kahit taglagas.
Sumasayaw pa rin sa hangin, kahit lumakas.

Sinasalo ang patak ng ulan.
At sa araw —
nakikipagtitigan.

Ako’y lilim rin
sa liwanag ng buwan.

Aninong masisilungan
kapag kailangan.

Ngunit marahang kumakawala,
pag ang baha'y rumaragasa —

upang magpatangay sa agos,
habang nakalutang sa hangin.

Minsan lunod sa alon,
ngunit 'di salungat
sa lalim.

Ako’y dahon
na may sariling landas —
kahit malihis,
o maligaw
sa tatahakin.

Ikaw ba?

Anong klaseng dahon ka
sa panahon mo?

‘Yung madaling kumawala?
O 'yung pilit na kumakapit?

‘Yung natatangay?
O 'yung naglalakbay?

Basta ako —

ako ang kapirasong dahong ligaw.
Karugtong ng bawat hibla ng ugat.
Tinatahi ang tagpi-tagping mga sugat.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.

­At
nagtataka:

Na kung tayo’y mga dahon
sa iisang puno —

maaari kayang malaman
kung sino ang ugat,
at ano ang bunga
ng ating pagtubo?

Pero...

kailangan ba talagang
hukayin ang lalim ng ugat?

O mas karapat-dapat
na magpalago na lang sa sanga,
bago pa tuluyang matuyo
ang mga tangkay?

Kasi baka ang tunay na saysay —

hindi lang nasusukat
sa bunga,
o pakay —

kundi nasa halaga rin
ng ating paglalakbay
at
pagkabuhay.

𝒷𝓊𝓁𝑜𝓃𝑔 𝓃𝑔 𝒹𝒶𝒽𝑜𝓃,
ng damdaming
hindi mapa-amin —
sapagkat palaging
hinihipan ng hangin...

At marahil,
ang tugon sa lahat ng tanong —

ay hindi sa paghahanap,
kundi
sa pananahimik.

Kasama ng agos.
Ang ihip.
At ang malumanay na huni
ng mga ibon sa paligid.




𝒷𝓊𝓁𝑜𝓃𝑔 𝓃𝒶 𝒹𝒾𝓃𝒾𝑔 —
kailangan lang
pakinggan muli.
#2

— The End —