Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Gat-Usig Oct 2013
Mahal ko ang Filipino, pagdiriwa’y walang plano
Malaking palaisipan pag-alala ng gobyerno
Samantalang ‘di naisip prayoridad wala rito,
Pagpapayaman sa Ingles hindi na magkandatuto.

Paggunita anong saysay, pagsasabuhay sa wikà
Makakapagpamulat ba lalo na sa mag-aaral;
Pagsambit sa mga ito maging sa mga parangal,
Ito ba’y nakagugulat isang buwang itinakdà.

Totoo namang ginamit sa pakipagtalastasan
Filipino’y instrumento sadyang hindi matumbasan;
Kahit na karamihan pa napagkakamalang Kanô
Pakikinig sa istasyong bumibilib na napunô.

Ang tanong sa puntong ito, napapayaman ba kayâ?
Sa mga naging konteksto, ang masa ba’y nakukutyâ?
Sa mga nakakarinig, nahalua’y kabaduyan
Maging mga komentaryo, kalaswaa’y kinantsawan.

Kung bastos ang naging dating, anong magiging termino?
Ang mga dapat ilimbag sa papel ng mga dyaryo;
Sa pagbibigay ng aliw,ito’y pulos kababawan
Inisip ng mamamayan, may ganitong katangian.  

Kapuri-puri ang iba, may mahahalgang paksà
Ito’y kinakikitaan na may seryosong diskurso;
Sa kabilang banda pala, ito’y nawalan ng bisà,
Tulog na ‘pag pinalabas, ito’y kadalasang kaso.

Paano papaunlarin kung iba’y pinagpilitan
Tunay na nakalulungkot ito’y naging panambitan;
Sa halip pa ngang gamitin bilang makatwirang midyum,
Sa mga usap-usapan, maging sa mga simposyum.

Ang pagpapaunlad nito ay hindi sa balarila
Hanggang sa pag-uunawa pati ng ortograpiya;
Kinailangang mawala ang mga maling pananaw,
Ito’y nangangahulugang pagkilatis ‘di papanaw.


Ang natanging lingua franca nagbibigay identidad
Sambayanang sumasambit pagka- Pinoy lumalantad;
Sa bansa’y nagbigay-linaw, paggamit ng isang wikà,
Kaysa sa salitang- dayo, nagturan ng hakahakà.

Oo, Agosto na naman, dapat pa bang magkamayan?
Wika nati’y maging ilaw siyang magsisilbing lakas,
Juan, gumising ka naman, kamtan mo’y tuwid na landas;
Kung hindi tayo kikilos, mayroong paglalamayan.
Katryna Mar 2018
Walang salitang “sayang”

Hindi tayo sayang,
Dahil may mga panahon na tayo lang ang nakakaintindi sa isat-isa.
Hindi alintana ang alingawngaw na dala ng lipunan,
Mga bibig na hindi magkamayan sa pagtutol.

Hindi sayang ang mga panahong sabay nating tinahak ang mundo
imbes pakanan ang ikot ay mas pinili natin ang pakaliwa.

Hindi natin nasayang ang mga oras ng katahimikan,
dahil sabay natin itong sinalin sa musika at sabay nating sinayaw ang tugtog ng ating mga puso.

Sabay nating niyakap ang kahinaan ng bawat isa,
nagsilbi tayong lakas na kayang pumawi ng panghihinang hatid ng mga mapangahas na hamon.

Walang lakad na nasayang,
dahil sabay nating hinakbang ang ating mga paa patungo sa di malamang dito, doon, d’yan at kung saan man.

Walang takot na naramdaman dahil sabay nating sinilip ang kung anong merong hatid ang kabilang daigdig.

Walang sayang,
Kahit sabay nating kinumpas ang ating mga kamay upang magpaalam.

Walang sayang.

Dahil sa mga oras na iyon alam natin,
ang kabilang mundo ay pansamantala lamang.

Alam natin na ang mundo ay iikot muli sa atin,
at sa pangalawang pagkakataon.

Magtatagpo tayong muli,

Hanggang sa susunod nating pagkikita.

Paalam. ­­­­
2 months from now, your getting married. With this, Our time will no longer be timeless. - Kimi No Nawa

— The End —