Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Jan 2019
Ang matamis na lunggati
Debosyon sa dapithapon
Ang pagkurap ng liwanag na  kuyad-kuyad ay
sinapupo ang emosyon

Sa paglakad ng relo -
bilog na mayroong guhit ng oras
Gabing panaginip ay umimbulog
Sa malamayang tanawin
Naka sambalilo nang nanood

Nang natawid ang gabi't araw
Nasilayan ang bagong buhay
Regalo ng Panginoon
Sa bintana hinintay
ang muling pag-ahon ng ilaw

Sa pagtutungka na parang lango
Wari'y gumapang sa kalawakan
Pagawpaw ng pangarap
Di maabot kahit sa panaginip man lang
Nakasalubong si Dessa ngunit kagyat nang lumisan

Ang kanyang mabuhaghag na buhok
humahaba nang malubay, medyo pakulot
Naniniwala kahit sa kalagimlagim na sandali
Na ang mga nakaraan ay maalala muli
kate Apr 2022
habang naglalakad ako sa lupain ng mga sirang pangarap, mayroon akong pangitain sa napakaraming bagay. ang mga paghihinagpis tila baga'y tumutulong upang madagdagan ang aking pasan sa mundo. aking napagtanto na ang kaligayahan ay isang kalinlangan lamang. sa aking pagkalumbay at pakiramdam ng disorientasyon, buong buhay ko'y nabuhay sa takot. ang mundo'y pinamumunuan ng mga batas ng poot na matatagpuan sa iba't ibang dako. kaya naman ay ang mga nakararanas ng dalisay na kaligayahan ay isang hindi pangkaraniwang pangyayari.

sa bawat araw ng aking paghihirap, umaasang makakaahon sa ilang butil ng kasaklaman ngunit sa kaibuturan ko, wala akong ibang makikita kungdi ang kasuklaman ng buhay. patuloy akong naglalakad sa mga anino upang maghanap ng liwanag ngunit aking napagtanto'y malinaw kong nakikita na wala nang ibang paraan upang makalabas pa sa suliraning ito.

sa aking buong pagkabuhay, dala-dala ko ang mga basag na pag-asa't mga tipak na salamin. ang tanging sinag ng araw ang natitirang kislap ng aking mga masidhing lunggati sa rurok ng tagumpay. kung iyong titignan ang marikit na lilim ng gintong apoy na nagngangalit sa kanluran, ito ay ang aking mga minimithi na nakalilim sa puwang ng kalangitang asul. nais kong lumipad nang malaya tulad ng isang ibon sa kalawakan. sa mga kislap ng mga tala'y nakatingin, hinihiling na sana ang panagimpan ko'y dinggin. lahat ng iya'y hindi makakamtan sapagkat ako'y isang hamak na bata lamang na nangangarap ng imposible. pinapanood malunod ang aking sariling mundo mula sa aking bintana'y natatanto, mga pangarap ko'y dahan-dahang inaanod.
sa araw-araw na aking paglalakbay sa mga repleksyon ng kadiliman, isa lang ang aking katanungan, isang ilusyon lamang ba ang kapayapaang aking matagal nang inaasam?
may mga pangarap talaga tayong mahirap makamit at ito'y hanggang ilusyon na lamang.
kingjay Dec 2018
Ang maikling kasaysayan ay pilit kinakalimutan
Nang nahulog sa bangin ng nakaraan
itinali sa leeg ng walang pag-aalinlangan
ang maiksi na lubid na pinanghahawakan

Kumikinang na perlas ng silangan
namumukod-tanging mutya sa dalampasigan
Nang makatakas sa karagatan
Di na bumalik sa kinagisnan

Papalubog na ang araw nang hindi namamalayan
Ang liham nito'y kanyang huling alab
Yugto ng masamang pangitain
kung kailan dadapo ang mga paniki

Nagsilbi na piring sa pagsapit ng Biyernes ang takipsilim
Sa walang pakundangan pugon
Nagliyab ang lunggati ng pangangalit
Marahas na pagbati nito ay pasakit

Ang simpatiya ay kumukupas
Sa trahedyang sumira
Nang wala na makakapitan sa pag-aagaw buhay
Walang paghikbi sa kapaligiran
Labis na kasawian
kingjay Feb 2019
"Matamis na lunggati
sa bumubusilak na bukang-liwayway
Nasnaw sa bibig at dila
ang pita sa lilim ng Pinya"

Lunggati't bukang-liwayway sa wikang Ingles ay isalin
Kapag naisalin na ang lunggati ay dagdagan ng "e"
Gawing "e" ang letrang "i" sa salita sa dulo ng huling dalawang taludtod
Palitan ng "ñ" ang baybay ng katapusan na salita na kasintunog
Doon lamang malalaman ang buong pangalan ng irog

Ngayon isulat kung ano ang ibinuo...
kingjay Apr 2020
Sa ulan naligo nang nagagalak
Bawat patak sa pisngi ay parang biyayang inihahatid
At sa sandaling paghinto ay ang pagbabalik
Paggugunita sa mga araw ng paggiliw

Noong kami pa ay parang langit
Ulap sa paa ko' t bituin sa panaginip
Walang gabi na tahimik
Sapagkat parating may malamyos na awit

Ang pakiramdam ko sa panganorin
Walang hanggan-kataasaan ay di malirip
Ngunit unti-unting nawawari
Kalangitan ay isa lamang bahagi

Kung ituturing ay isangpanig-ibig
Pagkat ang pag-irog ay ganap na pagmamartir
Tinakasan na nakalupasay sa pananabik
Ang sinta ko sa iba kumapit

Naaalala pa nang nakadantay ang kanyang binti
Sa hita ko' t sabay ng masuyong paghalik
Yakap niya sa akin ay napakahigpit
Ngayon bakit kay dali lang sa kanya ako' y ipagpalit

Binigyan man ng malapad na bagwis
Ang bawat wasiwas naman ay dulot pighati' t
Nagpapahiwatig ng pamamaalam na nalalapit
Isang beses lang lumipad, sampung ulit ang hilahil

Tinuring na reyna sa kahariang panaginip
Kahit na inaalila niya' t inaalipin
Para sa akin isa siyang prinsesa na handang isagip
Sa mababangis na lobo' t mga tigreng sakim

Kung maparool man ay hindi itatanggi
Na minamahal siya' t itinatangi
Mapalayo man sa pamilya' t kaibigan siya pa rin ang pipiliin
Namumukod tangi siya, walang kahulilip

Huli na nang malaman ang ibig
Ako' y pala kasangkapan lang sa kanyang ninanais
At upang sa isang tao' y mapalapit
Ginawa niya akong tulay - pantawid

Ano mangyayari sa pakikipagsapalaran sa pag-ibig
Tiyak na maluluray, at dadaing
Dahil sa antak na di naiibsan at naaalis
Duro sa puso' t wasak na damdamin

Nararamdaman ang masidhing lunggati
Na sinilsilyaban sa tuwing ako' y nilalambing
Nasang na sana ay laging magkapiling
Dumadarang na nakatiwangwang di mailihim

Larawan niya' y kinikimkim
Tampalasang kataksilan nailimbag sa isip
Sa mapanlinlang na anyo ng bahaghari
Hubog nito' y lumbay hindi aliw

Hanap-hanap pa rin ang silay ng giliw
Masasadlak man sa landas muli ng pag-ibig
Kung may pagkakataon ay aking hihilingin
Saktan niya sana ako, isa pa at siya' y mamahalin
kingjay Dec 2019
Kay sarap ng buhay
Sa matimyas na bukang-liwayway
May gintong kumikinang
Kasabay ng liwanag ng araw

Kay gaan bumangon
Aligaga sa sandali
Na makita ang natatanging
Mata niya't mga labi

Ang lunggati sa mga alapaap
Panganorin ay maabot
Nang sunggaban ang mga bituin
Para sa tulad niya - siya ang hiling

Bago pa ang dapit-hapon
Ang takipsilim na inaabangan
May pinapangarap na sa kinabukasan
At panaginip na mapapanaginipan

Sa pagpikit ng mata
Ay nakahilata sa paraiso
Itinuturing katotohanan
Ang panaginip
Ang tanghaling hiraya ay pangyayaring hihintin

Hinga ng anghel
Ang dapyo ng hangin
Luha ng kaligayahan
Sa pagpupunyagi sa karalitaan

Walang tumitagatig
Sa gitna ng kawalan
Noong ako'y umiibig
Ang ngiti ay walang-hanggan
kingjay Jan 2020
Sa ngalang makahiya ay nawawari
Palaging nag-iisa at nangingimi
Daho'y tumitikom kapag nasasagi
Kahiman sa patak ng ulan sa gabi
ay tila may alerhiya't pangangati

Di nababatid kung mayro'ng ipagsabi
Dalawin ng hangi'y siya rin magtimpi
Sinanay na pumipinid ang sarili
Kaya lubhang masukal maiintindi
Nakikitang walang pahayag 't lunggati

Sa banayad na sanggi'y humahapdi
Ang buong tangkay ay parang nababali
Sinadya na labis ang sanggalang dagli
Sapagkat takot na mahipo parati
At sa kinabukasa'y bubuka muli

Matampuhing halamang namamalagi
Sa diwa'y natigalgal nang kumukubli
Anong alamat 't  pinanggalingang uri
Bakit ang iba ay ayaw kumandili
Sa lalang ng D'yos nasasaktan sa anggi

Lapain man ng pantas ang mga bahagi
Ay di matalos kung bakit tumutupi
Ang kaganapan ng agham 'y lumalapi
Sa pagkagulumihanan ng pagsuri
Guwang sa bahay ng dunong nanatili

Yaon taglay na mga tinik ay mumunti
Madalas nagagambala't inaapi
Ng mapangahas na palad at daliri
Dahil sa tingi'y manunusok ang gawi
Tinuring kapintasa'y ikinamuhi

Kung hahawaka'y nangungulubot dali
Umuurong ang awra kahit tanghali
Duwag sa damdamin - puro atubili
Nagbabantulot ang kilos at ugali
Balasik na katangia'y itinanggi
Alerhiya - allergy

— The End —