Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Ten Mercado Mar 2021
sayaw, Eriko

isayaw mo lahat ng
sinabi niyang “mahal kita”
na pakiramdam mo’y totoo
nung mga panahong
umaalis kayo ng
isang araw kada-linggo
kasi dinadayo ka pa niya
sa Maynila

sayaw, Eriko

iindak mo at
isigaw mo sa mikropono
ang pabulong niya pa
noong unang sinabi,
“ako na lang,
iingatan naman kita”
sa maulan na gabi na ‘yun
noong iniiyakan mo
pa ang mga pangyayari
na kinagigitnaan mo

isayaw mo, Eriko

itawa mo lang ang sinayaw
niya sa sala mo
noong gabi na ‘yun
mashed-potato lang kuno
‘di ba?

halakhak, napamahal
ka sa mukha niyang
parang pinigang tuwalya noon
hindi naman siya guwapo
gaya ng lagi niyang sinasabi

umaray ka, Eriko

nasipa ka ng katabi mo,
pero naalala mo lamang
ang mga oras na nagsisipa
ka ng bato sa Makati
habang naglalakad kayo,
at kinukwento niya
ang pamumuhay niya noon
sa malayong lugar,
pawis na pawis kayo
pero ngiti niyo’y abot langit

talon, Eriko
palakpak

ilang buwan na rin ang lumipas
noong huli kayo nagkausap
binati mo siya ng
maligayang kaarawan,
kahit ang araw mo nun ay
malayong-malayo sa maligaya,
kapos sa saya,
kapayapaa’y nahahanap
mo lamang pag nandiyan ang
barkada

kalma,
inom ng tubig,
Eriko, kawayan ang bote ng alak,
pero huwag kang lalaklak

hinga,

ipanalangin mo na lang na siya’y
maging masaya,
dahil alam mo naman na
iyon ang tama.
10/8/18
Christien Ramos May 2020
Kabado;
Habang ginagala ng sarili ko ang dalampasigan.
Ang malumanay na ihip ng hangin ang naging pampakalma.
Bawat buhangin na kumukulbit sa’king mga paa
ay seryoso.
Walang pagkukubli ang puso
Ang hindi mapirming mga yapak
ay katumbas ng pagkasabik sa’yong yakap.
Gabi, muli akong tumingala
Walang palya ang ihambing ka sa mga tala.
Kinukwento sa’kin ng mga kuliglig
kung paano tatahakin ang ‘yong pag-ibig.
Hindi ko kabisado;
‘Di alam kung pa’no babagtasin ang dagat na ito.
Wari nila’y diyan matatagpuan ang pagmamahal mo
ngunit, paano?
Sinasamahan akong maglakbay ng inggit at takot
Hindi madaling pamamangka ang sa aki’y bumabalot.
Ang bigat ng pag-aalala ang maaaring magpalubog
at malunod
sa luha at panaghoy.
Paano mapapanatili ang ningas ng apoy?
Ano’ng solusyon sa pagkabahala upang magpatuloy?
Hanggang sa itulak ako ng sapat na panahon.
Muling humakbang ang hindi mapirming mga paa
Humina panandalian ang ihip ng hangin
Marahan ang pagkulbit ng mga buhangin.
Matapang kong nilisan ang pampang
Lakas ng loob, isang bangka’t panagwan
Sabay naming idinawdaw ang aming mga sarili sa karagatan.
Hayagang ibinubulalas ng langit na ako’y maging handa
Malayo na ako sa pampang ngunit tanaw ko pa rin ang kaba.

Ang pagkulog ay nagsimula na.
Biglang pumatak ang ulan ng pagbabanta
Dinig ko ang bulungan ng mga isda.
Sambit nila’y masasayang ang pagbabakasakali
Hantungan ng pakikipagsapalara’y wala.
Galit na sumasayaw ang alon
Ang kidlat ng kawalan ng pag-asa’y sa aki’y humahabol
Pataas nang pataas ang sumasalubong na alon.
Ang ‘di mawalang pagdududa ay nakikipag-unahan
Umaakyat ang mga tanong sa’king isipan
Kailan ko ba matatagpuan?
Sabik na akong salubungin ang pag-ibig mo…
… ang pag-ibig **** nasaan?
Subalit, naghintay ako;
Walang humpay ang paghampas ng mga alon
Hindi natatapos ang pagtaas.
Bawat pulgadang nadadagdag ay ang mga sagot sa’king katanungan
At bigla ang pagtaob;
Tama ang bilin ng mga kuliglig
Ito nga ang natatangi **** pag-ibig
Mapanghamon;
ngunit presko sa pakiramdam.
Ang sarap palang makamit ang matagal mo nang inaasam
Pipiliin ko ritong manatili hanggang
ako ri’y iyong matagpuan
papagingdapatin **** ako rito’y manahan
‘pagkat kahit sa daluyong, kalmado akong magsasagwan.
Kabado;
Habang ginagala ng sarili ko ang dalampasigan.
Ang malumanay na ihip ng hangin ay naging pampakalma.
Seryoso ang bawat buhangin na kumukulbit sa’king mga paa.
Walang pagkukubli ang aking puso
‘pagkat dito pa lang sinta, mahal na kita.

— The End —