Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Jan 2020
Sa kanyang himig ako'y nahahalina
Magkasintunog ng mga ibong malaya
Umiindayog sa puso ko't pagsinta
Misteryosong dilag, sino s'ya talaga?

Sa tuwing napapanood 'y anong ganda
Mata'y matimyas na tala sa umaga
Tanglaw sa daigdig na puno ng hiwaga
Liwanag sa bukang liwayway 't hiraya

Manipis ang labing kakulay 'y makopa
Malamyos ang tunog ng bawat salita
Halik ng anghel ang dapyo ng hininga
Halimuyak ay buhay, di nawawala

Kahit panlalaki ang gayak at porma
Na kanyang ginampanan sa prima donna
Munting lawiswis na lupaypay 't mahina
Nang lumaki'y diwata sa encantadia

Ang isip ko ay kinabig 't kinawawa
Ginapos nang mahigpit ng kanyang drama
Madalas ay namumugto ang mga mata
Kapag nasisilayan s'yang lumuluha

Huwag sana pabugso bugso't pabigla
Ang tibo niyang pangungusap at banta
Sapagkat nababagha't natutulala
Damdami'y pinamumugaran ng kaba

Sa kumpas ng mga kamay ay humahanga
Isang paraluman na ang kiyas 'y siga
Hudlum sa kanto na mahal ang pamilya
Pinakamatapang na lahing Claveria

Sa likod ng pagganap ano nga ba s'ya?
Sapantaha ko ay magalang na bata
Binibini at dalagang Filipina
May puring Perlas ng Silangan ng Asya

Lingid sa kamalayan nang napahanga
Sa kanyang angking galing bilang artista
Dagdag pa ang sayaw n'yang mala-prinsesa
Sa makabagong tinikling, siya'y reyna

Araw 'y nakahilig sa katanyagan n'ya
Harap 'y pangarap na sinasalubong pa
Hiyas s'ya sa mundo na walang kapara,
Kumikinang at nagbibigay pag-asa
08:18AM #ToSite

Bagamat ako'y bulag
Sa mundong puno ng sawing imahinasyon,
Patuloy Kitang titingalain.
Ihahagis ko sa Langit ang mga kamay
At bahagyang tatakpan ang paningin
Nang masilayan ang iyong kariktan.

Nakasisilaw ang Iyong Liwanag,
Sabayan pa ng nagbagong-bihis na liriko
Ng mapang-akit na sansinukob.
Bagkus, ako'y mananatiling walang kibo
Kahit nahihingal pati ang puso
Sa paghihintay Sa'yo.

Muli akong aalukin
Ng mala-piyestang pangarap,
Siyang babandila sa espasyong
Puno ng takot sa kinabukasan.

Ang mga banderitas sa Kalye,
Walang sawang tumatakip sa Iyong katanyagan.
Ngunit hindi Ka kumukupas,
Di gaya ng laos na musikang
Hindi na tipo ng makabagong henerasyon.

Hinuha ko ang lente
Makuha lamang ang matatamis **** ngiti.
At sa bawat eksena'y hindi ako pakukurap
Sa mga alikabok na namumuwing,
Silang nililok para ako'y patirin.

Naglantad ang klimsa
Ng kakaiba nitong anyo.
Kaya't sumanib ang sining
Na tila iba ang maestro.
Puso ko'y kinatok
Pagkat ito'y tumitirapa
Sa bawat lasong kumikislap,
Siyang sinasaboy
Ng mahiwagang mga kamay.

Ako'y nagpahele sa Iyong misteryo
Hanggang sa naging kalmado
Buhat sa likas **** pag-irog.

Bumungad sa akin
Ang Liwanag na gaya ng dati.
Nakasisilaw, bagkus suot ko na ang pananggalang
Masilayan ka lamang
Kahit saglit lamang.
Saksi ang mga mata sa pagmamahalan
sa itaas, hinahalikan ng kadiliman
ang kalangitan, kung saan naipasa
na rin ito sa aking kaulapan.
Niyayakap ng saplot ang kalupaan,
at naaakit ang mga mata sa kaputikan.
Dahil dito pinipilit ang katauhan mamalagi
sa kapaligirang punong-puno ng kagandahan.
Tinuturukan ang utak ng mga kulay
na galing sa kaitiman, habang nagsusuot
ng saya. Saya na hindi makatotohanan,
saya na pampalipas oras lamang.
Nauumay, isinusuko na ng katawan,
isinusuka na rin ng katanyagan. Ang
ninamnam na pagbabalatkayo at
ang pagiging bulag sa kasalukuyan.
Parang inaararong lupa ang tinatapakan,
may maipagmamalaki ba ang pagtakbo?
Nagising na ang diwa, ang kamalayan,
Ano kaya ang kinakailangan kong gawin?
Ibinulalas ang tikas ng pangangatawan, at
ang pamamaraan na taglay ng kaisipan,
para sana ay makaraos sa nararanasan. Pero
parang kulang, paano ko ito malalagpasan?
Ah! Oo nga pala! Bakit puro ako?
Kung mayroon namang siya, sila, kami, at
tayo? Paano ako makakatahi kung nasa
iisang butas lang ako at hindi umuusad?
Kung gusto kong gumawa ng damit,
kinakailangan ko ang mga butas para
sa aking sinulid. Sama-sama hanggang sa
makabuo ng isa. Isa't-isang humuhulma ng pag-asa.
Hanggang sila'y nagsiilawan at lumutang
paitaas, tangay-tangay ako hanggang sa
paunti-unting bumubukas ang kalangitan,
binabaha ng liwanag hanggang sa ako'y natalsikan.
Lumiwanag, kasama ko na sila, iisa na kami.
Patungo sa umusbong na daan sa kaliwanagan.
Kung saan, wala ng ako, siya, sila, kami at tayo.
Wala na, wala na, magpakailanman.

— The End —