Labimpito ako nang unang matutunan
ang kaliitan ng pag-ibig.
Madalas hindi ito bulalakaw sa dibdib,
bumubulusok at rumaragasa.
Hindi paputok o dinamitang pailaw
sa dilim ng kagabihan ng pusong isa.
Hindi isang maringal na pagtatapat
ng katipan. Hindi isang pangako ng
isang libong bukas sa oras ng ngayon.
Hindi mga bibig na tumatapos ng
pangungusap ng isa.
Hindi mga katawan na lumulutang.
Labimpito ako nang magkaroon
ng aso sa bahay.
Labimpito rin nang magsimulang
maglagay ng tisyu
tuwing naggugupit ng mga kuko
dahil sa takot na masaludsod ang tuta
kapag hinayaang tumalsik ang mga putol
na kuko sa kung saang sulok ng silid.
Minsa'y pag-ibig ay tahimik sa gilid.