090316
Naabutan mo ba ang Chinese Garter o 10-20?
Luksong-lubid, Tagu-taguan, Piko o Patintero?
Alam mo ba yung Yes or No?
Gumuhit ka ng kahong pahaba't
Hatiin ang mga ito, marahil mahabang proseso
Mahalukay lamang ang tamang istilo.
Titingala't magtatanong, "Yes or No?"
At may magbabatuhan ng boses ng pagsilong.
Paano kaya kung ganoon kadali
Kung kaya **** magpatawad
Nang bukal sa puso't walang gitgit.
Hanggang kaya mo nang ipaubaya ang galit sa Langit,
Hanggang kaya mo nang lumaban na may sariling paninindigan.
Pagpapatawad
Sa mga nanakit sayo,
Sa mga nasaktan mo,
Maging sa sarili mo.
Kaya mo ba? Yes or No?
Bumisita ka sa Palengke,
Tiyak bistado mo ang 'yong sarili.
Hindi ba't pag mahal, humihingi ka rin ng tawad?
Pag di ba pinagbigya'y galit ang ibabayad sa Tindera?
Oo, mahal kasi; sobrang mahal
Kaya sana'y lambingin ng "oo" ang "patawad" niya.
May oras para sa lahat;
Maging sa paghilom ng Bayan,
Sa pagdidildil ng Asin sa sanlibutan,
Na Siya ring naghasik
Ng mga butong nagkalaman sa Lipunan.
Bahagi ka ng Tulang ito, isang tulang pasalaysay -
Payak at walang bahid na pagkukunwari.
Ibabalot ko ang tanong na "Yes or No?"
Batang 90's, iba na nga pala ang timpla't
Magkakaubusan na naman ng mga letra't himig.
Sige, magtatapos ako Sayo,
Pagkat Ikaw naman ang taya sa buhay Mo.
At ito na marahil ang Pagtatapos
Na Ikaw rin ang Panimula.
(P.S. Tapusin Mo, sa muli nating pagkikita)