Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
041716

Naakit ako sa linyang pahalang at patayo,
Mga detalyeng pinira-piraso.
Sabi ko sa sarili: saulo ko na ang istilo Mo
Pero sa bawat pahina'y nabibighani pa rin ako.

Hindi ko alam kung kaya ko,
Magtiyaga man ako pero hanggang kailan kaya?
Kung maglalaan ako ng sentimo sa araw-araw,
Ako'y pulubi pa ring manlilimos Sayo
Sasahod at maghihintay.

Masisilayan ko ang pundasyon
Ang mga bakal na kinalawang
Sa bodegang inimbakan.
Pagkat malayo pa ang byahe,
Bagkus sinelyuhan ng langis
Ang may tagas ng pagbabago.

Ang halo ng semento, ni hindi naging pribado
Nasa hulog ang mga poste
Gaya ng minsang banging tinalunan ko.
Ako'y malaya sa pagsilip
Ng paglapat ng palitada sa tigang na kahong sementado.
Ramdam ko ang gaspang ng kahapon,
Ang kurba ng mga bakal na di patitibag
Sa kaibuturan ng pundasyong timplado.

Ilalatag ang sahig na papagpagan sa araw-araw
Ihahalik ang mga paa nang may pagpapakumbaba
Huhubarin ang saplot nang kalingain ang lupa
At ihihimlay ang mga paa't mamamahinga.

Pagmamasdan ko ang mga kahoy na malapad
Isang dipa, dalawang dipa at higit pa
Mapapatingin sa langit na hubad sa bituin at buwan.
Ang bubong na siyang sasaklolo sa umuubong baga
Mga kahoy at bakal na matibay
Sasalo sa bigat ng orasyon ng klima.

Bubuksan ko ang bintanang may iba't ibang pagkapinta
Ni hindi pumapalya ang eksena na bumubusina sa umaga
At sa gabing hamog ang yakap sa dilim,
Kagat ng niknik, siyang sining sa maalat kong balat.
Tanging kumot ng grasya,
Pantago't pantapal sa pagkataong nilalagnat.

Nakakaakit ang plano, maging itsura nito
Kaya nga magtiya-tiyaga ako,
Hanggang sa masilayan ang tunay na disenyo.
Hindi lang ako ang lalaban sa presyo,
Oo mahal nga, ganyan ang pagtingin Mo
Tataya ako, pagkat kliyente lang ako
At alam kong linya Mo yan,
Ikaw ang aking Arkitekto.
Janey Parcs Apr 2018
Atras. Abante.
Mga paang hindi makampante.


Atras.
Natakot, nahiya.
Nangangapa mula sa paglaya.
Iniipon ang lahat ng lakas
para tuluyang iwan ang bakas
ng nakaraang namaalam na
sa lungkot, pait at sakit
na dulot ng patuloy na pagkapit.

Abante.
Uusad, lalayo.
Uunahan ang damdamin sa pagbugso.
Isang libo’t isang daang duda.
Animnapu’t isang segundo ng pag-asa.
Imumulat ang mga mata
Nangagapa ma'y unti-unting hahakbang
Patungo sa ‘di alam kung saan.

Urong. Sulong.
Palalayain ang damdaming nakakulong.


Urong.
Nag-iisip, nagmumuni.
Tinatantyang muli ang sarili
kung ilalatag na ang lahat ng sandata
at ibubunyag ang mga stratehiya
sa laban ng buhay.
Handa ka na nga ba?
Natuto?
Hanggang saan ka dadalhin ng takot mo?


Sulong.
Lalaban, susugod.
Hindi alintana kung mapagod,
manalo o matalo.
Alinma’y hindi susuko.
Hindi maliligaw ipikit man ang mga mata
sapagka't alam na kung saan pupunta.
Bawat hakbang ay kabisado
Patungo sa kinaroroonan mo.


At ako’y mananatili na...
sa’yo.
Joshua Feb 2019
Nilalamig at nangangatog.
Naghihintay na tila ba maaga pa.
Alas dos na ng umaga,
Pero ito ako,
Nagbabakasaling darating ka pa.

Sabik na makita ang labi ****
binabalot ng ngiti,
At mga mata **** animo'y bituin
sa kalawakan.
Inagahan pumunta sa tagpuan
upang mapaghandaan,
Nakapagdasal na rin ako na
Sana damit ko'y iyong magustuhan.

Isang oras ang lumipas,
Gahol na gahol pa akong kumaripas
Makabili lang ng mapupulang rosas
Na ikakalat sa lamesang aking hahainan.

Handa na rin ang bulaklak
na ipinasadya sa murang halaga.
Nasinghot ko na nga lahat ng amoy,
Pero mahal, wala ka pa.

Naalala ko pa nga kung paanong
Nabigyan ko ng problema si mama
Kakahanap ng magandang tela
Na ilalatag ko para maupuan nating dalawa.
Ito na nga, handa na.
Nahiga, naupo, tumihaya.
Lahat na ata ng posisyon nagawa ko na,
Kaya mahal, nasan ka na ba?

Lumamig na rin ang niluto kong putahe.
Nawalan na rin ng lasa ang tinimpla
kong inumin kakalagay ng yelo
Para mapanatili ang lamig niya.

Handa na rin ang musika.
Handa nang umindak ang parehong kaliwa kong paa.
Nananabik nang maisayaw ka sa unang pagkakataon,
Sa loob ng pagsasama natin ng mahabang panahon.

Tila'y nagsasabi na rin na paparating ka na
Ang mga ilaw na aking palamuting hinanda,
Sa bawat pikit nila'y pag-asa kong
Yapak mo ay papalapit na.

Nilalamig at nangangatog.
Naghihintay na tila ba maaga pa.
Alas dos na ng umaga,
Pero ito ako,
Kakabasa lang ng mga text nilang,
"Wala na sya."

Nakatanga. Nakatulala.
Hawak ang bulaklak na ipinasadya.
Bumuhos ang mga luhang nawalan ng pagasang,
Darating ka pa..
A spoken word poetry.

— The End —