Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jose Remillan Jun 2015
Hanggat maari ayaw ko pa sanang
Iligpit ang mga pinggan at ilang kubyertos
Na ginamit natin, ang damit ****

Nakasampay sa ulunan ng higaan natin,
Ang mga basyo ng lotion, shampoo, at
Pabango na naiwan mo, lahat sila itinabi

Ko, kasama ang damdamin kong binuo
Mo sa maikling panahon na naglagi ka,
Dito kung saan iniwan mo ako.

Dumating na naman ang summer, at
Heto ako, inaalala ang plinano nating
Forever. Ang alon sa dalampisagan,

Ang mga piraso ng batong inipon mo't
Sinilid sa sisidlan ng tarheta, hanggang
Ngayon binibilang-bilang ko pa, tila mga

Patak

Ng luha na hindi na titila. Ang dalawang
Pirasong damit mo, ayun, nakasabit pa,
Sa dingding na naging saksi sa mga

Sandaling hiniram natin sa tag-araw.
Dumating na naman ang summer, at
Heto, ang dalampasigan, pinagmamasdan

Ko, nagsasabing may forever...
Pasacao, Camarines Sur, Philippines
August 28, 2014
Virgel T Zantua Aug 2020
Kung ang halik mo'y namamaalam
Sa pagmamahal na hiniram
Ang mga matang sa luha ay hilam
Pait at sakit ang dinaramdam...

Ang pag-ibig na aking kinamkam
Alay ay paglayang inaasam
Na parang lason na ninanamnam
Matamis ngunit may agam-agam...

Panahon lang ang nakakaalam
Sa lahat ay s'ya ang may alam
Kahit ang lahat ay makialam
Ang wakas ng lahat ay paalam...
010324

Ikaw —
Ikaw ang nag-iisang Pag-asa,
Ni hindi Mo ako binigo’t
Ni minsa’y hindi ako tinalikuran.

Sa bawat pagkakamali’y
Ni hindi Mo ako hinusgahan
Bagkus tanging yakap Mo ang naging sandigan.

Ikaw ang aking Pahinga,
Ang aking kalasag at kalakasan.
Sa Iyong mga Salita’y nabubuhay ako —
Nagiging bago ang lahat,
Nagiging payapa ang puso.

Sa tuwing isasandal ko ang aking sarili,
Sa’yo lamang ako nakakahinga,
At nagiging mahimbing ang aking pagtulog.
Ikaw ang lunas sa bawat sakit,
Walang duming hindi Mo kayang hugasan.

Ngayo’y nandito ako
Upang manghiram Sa’yo
Kahit alam kong hindi ko ito masusuklian.

Pahiram —
Pahiram ng lakas sa bawat araw,
Pahiram ng bagong pananaw
Nang ako’y makausad at makaahon.

Pahiram —
Pahiram ng hininga at sandali,
Pagkat hindi ko batid
Kung hanggang kailan lamang ang buhay.

Alam kong ang lahat ng sa akin ngayo’y
Tanging hiniram ko lamang Sa’yo
Kaya’t turuan Mo akong hindi angkinin ang mga ito.
Sa’yo ang lahat, at balang araw ay kukunin Mo rin ito
At ibabalik ko Sa’yo ang aking paghinga.

At ang tanging hiling ko’y
Mapapurihan pa Kita,
Maging malinis ang puso
Hanggang sa pagbabalik Mo.
Salamat — Salamat, Ama.

— The End —