Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Eugene Jan 2016
Mayroon akong kwento,
Sana ay mabasa ninyo.
Tungkol sa isang bobo,
Na minahal ang matalino.


Makurba ang katawan ni Matalino.
Mapungay naman ang mata ni Bobo.
Kabaitan ang ipinapakita ni Bobo.
Kamalditahan naman ang kay Matalino.

Isang araw sa may parke, nagkita ang dalawa.
Bumili ng minatamis si Bobo at ibinigay kay Matalino.
Pero hindi ito tinanggap dahil si Bobo ay hindi tao.
Sa halip na mainis, si Bobo ay ngumiti sa kanya.


Iniiwasan siya ni Matalino pero ayaw ni Bobo.
Mistulang kabute ito't lulubog-lilitaw.
Gusto niyang mahalin siya ni Matalino.
Kahit masunog pa ang balat ni Haring Araw.


Lumipas pa ang ilang linggo, buwan at taon,
Sumuko na si Matalino kay Bobong makulit.
Binigyan ng pag-asa ang pagsisikap niya hanggang ngayon,
Dahil alam niyang wala itong hihilinging anumang kapalit.



Hindi naglaon at sila'y naging kasintahan.
Ipinagmalaki si Matalino, siya'y kinaiinggitan.
Abot na niya ang langit sa kanyang harapan,
Pagka't napasagot niya ang Diyosa ng Kagandahan.
081721

Bagamat dumadaplis lamang sa atin
Ang mga palaso ng kalaba’y
Hindi moog ang ating mga damdamin
At hindi rin bulag ang ating mga pananaw
Sa hayag na pagsasalitan ng mga balang ligaw.

Gaya ng durungawang nakasilip
Ay bukas na rin ang ating mga isipan
Sa mga di kanais-nais na mga patibong
Na ilang ulit inilagan sa katahimikan.
Bagkus, ang mga ito’y nagmistulang mga laruang papel
Na madaling napunit at bumigay
Buhat sa walang awang pamimihasa
Ng mga ahas at linta sa lipunan.

Tila sila’y nakasilid na lamang
Sa kahong hindi de-baterya
Habang tayo’y nagsisilipat
Sa tuwing nagsusulputan ang sari’t saring palatastas.

At habang tayo’y nananatiling panatag
Buhat sa ating mga kinatitirika’t kinalalagyan,
Kasabay naman nito ang pagyurak sa mga dangal
Buhat sa mga ideolohiyang kumikitil sa mga pangarap
At nagsisilbing diktador sa kani-kaniyang mga tahanang
Wala nang makita pang ibang dahilan upang tumahan pa.

Ang mga luhang hindi natin makayang punasa’y
Nagmimistulang mga tinik na lamang sa’ting mga pagkatao.
Syang susulpot at tutusok sa pakiramdam nating
Minsan nga’y malapit lamang tayo sa isa’t isa
At sana’y kaya nga nating patahimikin
Ang walang himpil na pag-usok sa kanilang ipinagbabaka.

At sa ating paghimlay sa ating mga kumot
Ay sabay din silang mangungulila
Sa mga akap at lambing ng kanilang mga mahal sa buhay
At hihilinging huminto na lamang ang mga sandali’t
Makatakbo sila’t makalisan nang walang nakakapansin.

— The End —