Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Gwyn Biliran Nov 2016
Samahan mo akong kumawala, iwanan natin ang mundong ito sinta.
Ikaw ang nais makasama sa pag-iisa, ikaw ang aking pahinga.
Maglakbay tayo patungo sa kawalan, ang ingay at gulo ng mundo'y ating takasan.
Hanggang kailan ito magtatagal?
Walang kasiguraduhan, pero pinapangako kong hindi kita bibitawan.

Tara roon sa dalampasigan kung saan mistulang ang mundo'y tayo lang ang nilalaman.
Hayaan **** ang iyong mga kamay ay aking hawakan habang tayo'y nagsasayaw sa ilalim ng buwan.
Ipikit ang iyong mga mata at damhin ang pag-ibig ko, sinta.
Ituloy natin ang pagsasayaw na walang ibang musika kundi ang aking pagkanta.
Mga noo'y magkadikit habang ang mga mata'y nakapikit.
Higpitan ang iyong kapit, huwag kang matakot lumapit.

Sa maiksing panahong tayo'y nagkakilala, ako'y iyong tunay na pinasaya.
Ikaw sa akin ay tunay na mahalaga. Hindi kayang ipaliwanag ang nadarama.
Huwag kang mangamba, sa puso ko ay mananatili ka.
Halika sa mga bisig ko, mahal.
Panahon natin ay di na magtatagal.
Ang pagtatapos ay nalalapit, yakapin mo ako nang mahigpit.
Nalalabing oras ating sulitin, pangakong ito'y ating uulitin.

Huwag ka nang malungkot, huwag nang sumimangot.
Huwag nang pumiglas sa aking yakap, damhin ang ihip ng hanging kay sarap.
Kasabay nang pagtatapos ng gabi ay ang pagtatapos ng ating nakaw na sandali.

Dahil tayo ay alon at dalampasigan, tinakdang magtagpo kahit panandalian.
Tayo ay alon at dalampasigan.
Ako ang alon at ikaw ang aking dalampasigan, ang lugar na aking pahingahan, aking takbuhan, aking pansamantalang tahanan.
Ako ang alon at ikaw ang aking dalampasigan; ako sa'yo ay lumalapit, pilit kumakapit, ngunit kailangan kong lumisan.
Ako ang alon, ikaw ang aking dalampasigan; malayo man ako saglit, ako'y babalik at aasang tadhana'y pagtatagpuin tayo ulit.
astroaquanaut Oct 2015
pumasok sa kompartamentong bilang sa lahat
ngunit ipagsiksikan ang sarili, sumuot, at ipilit
dahil ang maiiwan sa españa ay hindi makakarating
makipaglaban, mang-agaw, ang akin ay akin

trenta minutong paghihintay
sa ilalim ng init, tiyaga ang kapiling sa umaga
bakit nga ba ‘di pa makikipag-balyahan?
asal-hayup upang mapuntahan ka lamang

sa pagdating sa istasyon ng sta. mesa
pawis ay naghahalo, amoy ay ‘di mawari
napagitnaan ng dal’**** dalagang nagchi-chismisan
‘di sinasadyang makinig, ako’y ‘di sang-ayon kaya iiling

sa hawakan ay higpitan lalo ang kapit
sasakyan natin ay paparating na sa pandacan
tumitig sa bintana at muli, bigla kang naisip
ngunit sila’y ‘di maibigay ang inaasam na pagtahimik

bakit nga ba ako nagtitiyaga?
sa masikip, magulo, at maingay na paraan
paalis na tayo sa istasyon ng paco
ika’y singtulad ng tren na ito

hindi makahinga sa dami ng taong nilalaman
kailan ba mapapadali ang ruta sa araw-araw?
magrereklamo, magsasawa, sasabihing “ayoko na”
titigil sa istasyon ng san andres

mananatili hanggang makaabot sa vito cruz
pasulong ang andar ngunit ang gana’y wala na
pagod at nagsasawa, hindi magawang iwan
ngayon ka pa ba susuko, eh ang lapit mo na?

nawala ang bigat ng pasahero pagdating sa buendia
nawala na rin panandalian ang sikip na iniinda
ngunit ano namang silbi ng ginhawa,
kung paalis ka na rin at nalalapit na sa paru-roonan

pagod ka na pero tiyagain mo nalang
ikaw at ang sitwasyon ay nariyan na nga
nag-inarte ka pa kung kailan nasa pasay road na
hindi ka pa ba nasanay sa araw-araw?

tumigil ang tren sa istasyong pinakahihintay
pawis, pagod, suot ang damit na gusut-gusot
heto na, sa dami ng nangyari ay narito na
sa edsa magallanes, salubungin mo siya
elea Mar 2016
Mahal.
Paulit ulit na binibigkas ng mga labing di napapagod sa pag satsat.
Mga labing hindi nagsasawang ikaw ay halikan.
Halikan ang bawat sugat sa puso mo na matagal ng tinatago ng benda.

Mahal.
Saan man tayo umabot, saan man tayo matapos, kahit na mapudpod ang swelas ng ating mga sapatos.

Mahal,
Patuloy kitang mamahalin.
Huminto man tayo.
Sabi nga nila Normal naman ang mapagod.
Magkasabay man o hindi. May mauna o mahuli.
Patuloy nating aakyatin ang tugatok ng mundo.  
Ang mundong iniiukutan ng mga puso nating patuloy tayong pinag tatagpo.

Mahal.
Humihingi ako ng pabor.
Hawakan mo ako.
Higpitan ang kapit sa aking mga braso.
Wag mo ako hayaang makatakbo.
Dahil darating ang araw na bigla nalang luluwag ang iyong kapit.
At hindi ko mapapansin na mag isa nalang akong nag lalakbay papunta sa hangganan ng ating pagmamahalan.

Mahal,
Hindi man ito ang tamang panahon.
Sinusubok man tayo ng kalupitan ng mundo.

Mahal,
Balikan mo ako.
Ibalik mo ako sa higpit ng yakap mo.
Ibalik mo ako sa mga inosenteng halik ng iyong labi.
Ibalik mo ako.
Ibalik mo ako sa pag kakakulong sa iyong puso.

Mahal,
Mahirapan ka man.
Nakikiusap ako.
Mahalin mo akong muli.
#tagalog #mahal #tula.   -pbwf-
Pakiusap mahal wag kang bibitaw.
Bluepetal Feb 2018
Sa isang hardin ako ay may namataan
Isang dahong nakatungo at tila may dinaramdam
Matagal kong pinagmasdan subalit di ko maunawaan
Kaya naman nilapitan at nagsimula ng isang usapan….

Munting dahon, aking bungad, ikaw ata’y matamlay
Sukli nya’y ngiting may  kahalong lumbay
At napansin ko ang pighati sa kanyang mata
Hanggang tuluyan nang umagos ang saganang mga luha…

At sinambit nya…

“Oh ang rosas na puno ng ganda
Lahat sa kanya ay nahahalina
Subaling akong palagi nyang kasama
Ni minsan di nabigyan ng importansya"

Dagdag nya...

"Ako’y nanliliit sa aking sarili
Lahat ng suporta, sa iba ay ibinahagi
Kay rosas, kay tangkay, sila ay aking tinulungan
Sa abot ng makakaya, sila ay aking dinamayan

Subalit sa malakas na ihip ng hangin
Dulot ng bagyong kayhirap pahupain
Tila yata akoy’ nag-iisa at nalulugmok
Ako ba’y pagkain lang ng uod na gutom?”

Oh kaibigan, akin na lang nasambit
Huwag kang bibitaw at higpitan ang yong kapit
Ang mundo ay di perpekto, ang laban ay di patas
Panalangin sa Taas, gawin **** sandata at lakas.

Kung ikaw ay susuko, tagumpay ba'y makakamtan?
Ang iyo bang paglisan ay kaligayahang inaasam?
Tumayo ka nang matatag at sa buhay ay lumaban
Ano ba't ang lumbay ay sadya ren paparam...
Be kind to everyone. Everyone has his own battle.
Anton Dec 2019
Sa iyong pagbabalik, nadarama ulit ang iyong halik

Galing sa biglaang pag-alis, nagdulot pa rin sa puso'y malalim na daplis

Tulang sinulat at inialay sa akin ay naglalaman ng mga dahilan

Mga dahilan na aking intindihin ngunit ako'y masasaktan

Ayaw mo akong lisanin ngunit ayaw mo na rin akong angkinin

Maaari ba iyon? Parang hindi nagkatugma sa totoong depinisyon

Ng tunay na pagmamahal pero yun ang iyong opinyon

Hindi mo ako gustong kalimutan, hindi ako kayang paluhain

Mahal mo akong lubusan, at ayaw **** makasakit ng damdamin

Sana'y malaman mo na natatawa ako sa iyong mga salita

Nang sinabi **** iwanan ako at hayaang sumaya sa iba

Siguro sasaya ako, oo alam ko

Pero asahan mo darating ang panahon na kung kailan pinalaya mo ako

Doon mo na rin malaman na ang bobo mo masyado

Sapagkat minahal kita nang higit sa aking buhay

Inialay ko lahat, kahit minsan ay sumablay

At para na rin pinatunayan **** hanggang salita ka lang naman

Ayaw mo akong saktan? Pero handa mo akong iwanan.

Binulag mo ang sarili sa kaisipang sasaya ako kapag wala ka

Yan ang kamaliang gusto ko sanang itama

Bali-baliktarin man ang buong daigdig, umiiral pa rin sa puso ko ay pag-ibig

Bakit hindi na lang natin isipang tayo na lang dalawa?

Ang natitira sa mundong ibabaw at wala ng iba pa

Nang sa gayon ay hindi mo maisip na ako'y makahanap ng iba

Higpitan mo ang paghawak sa akin at ako'y iyong-iyo na.

— The End —