Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
dalampasigan08 Jun 2015
Ikalawang Kurap

Tinatahak ko ng marahan ang isang makinang na landas sa gitna ng mga taong alam kong nananalig din.
Hinihila ko ng pilit ang dalawang talampakang hindi dumarampi sa sahig na katulad ko’y nakatingala din sa langit.
Ang aking mga palad ay magkaniig at ang mga daliri’y kayakap ang isa’t isa.
Naiibsan ang sakit ng aking mga sugat ng nalalanghap kong halimuyak mula sa mga puting bulaklak sa paligid.
Tila piraso ng langit ang dambanang ito na kung saan sinasabing tutuparin ang lahat ng mga kahilingan mo
at papawiin ang lahat ng sakit at paghihirap na dinaranas ng kahit na sino.
Sa lugar na ito nakalilimutan ko ang lahat ng hapdi at pagod na nararanasan ko araw-araw
para bang unti-unti niyang hinuhugasan ang buo kong katawan
at binibigyan ako ng bagong lakas at pag-asang harapin ang isang bagong bukang liwayway.
Habang nananalangin ay napansin ko ang mga matang natuon sa’kin
nagmamasid - tila kunot noong nagtatanong kung bakit ang basahang tulad ko na tinalikuran ng lipunan at inaring kanlungan ang lansangan ay naririto’t naninikluhod sa harap ng dalanginan.
Alam kong ako’y kanilang napupuna ngunit sila’y bulag.
Niyayanig ng aking mga dasal ang buong simbahan ngunit sila’y bingi.

May kung sinong hindi ko naaninag ang umakay sa’kin patungo’t papalapit sa dambanang ginigiliw.
sa bawat hakbang ay bigla kong naalala ang lahat ng pagdurusa
at nasambit ang "salamat sa lahat ng pag-asa."
Nilingon ko ang larawan ng madlang dukha’t kaawa
ngumiti at binitiwan ang aking huling hininga.
Donward Bughaw Apr 2019
Inyong sinabi,
"ang nagugutom ay pakainin
at ang nauuhaw ay painumin."
Subalit, nang mga kamay
at paa'y mapako
sa dambanang
pinasan mula pa sa malayo,
sinabi ****, "nauuhaw ako"
Ngunit, walang nagkusang
bigyan ka ng tubig.
Marami sa atin ang hindi marunong tumanaw ng utang ng loob. Sa panahon na si Kristo'y nabubuhay pa lamang, daan daa't libo libong tao ang kanyang pinakain at silang lahat ay nangabusog. Isa sa kanyang mga pangaral ay ang "nagugutom ay pakainin at ang nauuhaw ay painumin." Ngunit, nang siya'y ipako na sa krus, at sinabing "nauuhaw ako" wala man lang kahit isang naglakas loob na bigyan siya ng tubig. Sa tunay na buhay, totoong may nag-exist na Hesus. Sila'y walang iba kundi ang ating mga kaibigang laging naririyan sa oras ng ating pangangailangan. Pero, naitanong mo ba sa iyong sarili kung isa ka ngang tunay na kaibigan? Dinamayan mo ba siya sa mga oras na siya na ang nagigipit?

— The End —