070716 #SirFrancisHouse #ElNido
Mapalad ang nauuhaw,
Mapalad ang nagugutom,
Ngunit iba ang guhit sa'king palad.
Inalok Mo sa'kin ang luha't delubyo
Hindi Ka humihinto sa pagtapon ng dalamhati.
Mistulang kupas ang kaibigang Bahaghari
Pati sa pag-asa ba'y kami ri'y may kahati?
Sumisipol ang Hangin, umiindayog
Kaya't nagtatagisan ang mga Puno't Halaman.
Matira matibay sa ganitong labanan,
May ibang yayakap sa angkan,
Ang iba'y nagsisimatay na lamang.
Gaya ng pangarap, gumuguho ang akalang matitikas.
Pag binagyo Mo'y magdudumi sa kalye't
Tangay ang tubig na tsokolate.
Walang nauuhaw kaya't walang nagwawalis,
Tila ang lahat, sumusuklob sa yerong palamuti.
Alam kong iba Ka sa kanila,
Kaya't hindi Mo na kailangang patunayan pa.
Kung ganyan Ka lumaban, buhay ng iila'y may pangwakas na.
Sapat nang nandyan Ka, kaya't lumisan Ka na.
Napakalakas ng ulan at hindi namin magawang tumungo sa site. Kahapon lang, kakaiba rin ang ihip ng hangin, siyang tila may pasabog sa lupain. Wag naman sana.