Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Minsa’y nadako ako sa Kalye Pag-ibig
Marahil walang karatula
Ang mayroon lamang ay iilang linyang puti
Salungat sa kalsada
Siya rin palang tulay sa’ting tagpuan.

Bawat butil ng Kanyang mukha’y
Kumakapit at humihilik sa balat
Sa’king palad, umaapaw ang mga ito
Hihinto pa ba?
Pagkat hindi handa
Ang yerong gawa sa plastik
Na syang bihis-bihis ng kabilang palad.

Maraming yapak, aking naririnig
Ngunit alam kong ang berdeng kulay
Pawang hindi para sakin at sayo.
Ang bawat kasuotan nila’y
Tila pustura lang, ako’y nanatiling walang kibo.

Unti-unti kong binagtas ang eskinita
Makitid doon ngunit alam kong ito’y tama
Tila kayrami pa ring paninda
Ngunit ang lahat, hindi naman kabili-bili
Pagkat minsanan lang ang pag-ibig na totoo
Ni hindi ito kinakalakal.

Hindi ko man mabili ang nais ko ngayon
Masilayan man kita, bagkus likod lamang
Ni hindi ko nga matanto ang itsura
Basta’t sigurado ako
Sa paglingon mo’y parehas na tayong handa.

Malayo pa ang lalakbayin
Ng pawang minanhid na mga paa
Pagkat ang direksyon nati’y
Sa ngayo’y alam kong
Hindi pa para sa isa’t isa.

Ikaw na siyang iniirog
Aking hihintayin
Hanggang ang oras ay tumiklop
At umusbong ang panibagong bulaklak
Saka natin pagmasdan
Mga paru paro’t iilang kulisap, maging alitaptap.

Tatandaan ko ang ating tagpuan
Kung saan ihihimlay natin ang kinabukasan
Buksan mo ang pusong minsang winarak
Bubuuohin muna iyan ng Nasa Itaas
At saka na natin isulat ang makabagong alamat.

Sa Kalye Pag-ibig, tandaan mo, irog
Tayo’y babalik at muling mangangarap
Bubuo na panibagong larawan
Na may tunay na ngiting
Hahalimuyak sa mas Nakatataas.

Sa Kalye Pag-ibig,
Doon tayo magkita.
Dahil kahit saan ay Kalye ng Pag-ibig.
080416

Ilang beses na akong sumusulat ng tula,
Nagbilang ng talatang puno ng metapora,
At naglaan ng kuwit sa humihingal na mga pangungusap.

Ilang beses na akong humukay ng alaala,
Mabigyang buhay lamang ang reporma ng katha,
Makaniig  lamang ng puso ang mga mambabasa.

Ilang beses na akong nagtapon ng papel,
Naubusan ng tinta't napurulan ng panulat.

Ilang beses ko nang sinabi saking sariling
"Hihinto na ako sa sa pagsusulat."
Bagkus sa bawat pintig ng puso'y
Tanging Ikaw ang pamagat.

At sa bawat pagsalin ng lenggwahe ng damdami'y
Ni hindi masilayan ang binagtas ng pusong marupok na.

Ilang beses na akong nagtula,
Pero paulit-ulit ang tugma,
Ikaw at Ikaw pa rin ang pamagat.
kingjay Jan 2019
Binagtas ang rumaragasang ilog
Tubig sa leeg ay lampas
Sa lusak pa rin sumayad ang talampakan
kahit nagsitaasan na parang alon
-makupad nang umahon

Naaninag sa tumok ng kugon ang kweba
Doon nagpasyang humimpil
Di muna bumalik ng tahanan
dahil ang sidhi ay di masupil,
ang sakit ay di matigil

Sa kapanlawan ay tumambad sa isip
ang pamana ng itay na parati sa lukbutan- isang papel
Nakasulat ang iba't ibang matalinhagang pangkukulam
di maka-Diyos, maaaring di maka-totohanan

Paano kung sisimulan sa katapusan
Masaliwa ang lahat na nagdaan
Kung makukuha ang pintuho ng paraluman
na siyang puno't dulo ng napapariwarang pag-iibigan
ay doon lamang magkaroon ng tiwasay

Bago ang kulam
Gustong isiwalat ang talambuhay
para lalo watasan
Sa bawat pahina'y mapa timbang-timbang
kung sino ang ihuhukom sa hangganan
kingjay Aug 2019
At sisimulan sa pag ani
ng mga ala ala
Magtatagpo sana sa dalampasigan  kung saan dumadampi ang mahalumigmig na hangin
Dapuwa hindi giginawin

Nakatalukbong ang isang binibini
Mga kanyang  salita'y tumaktak sa wari
Sapagkat hindi maisabi
O hirang hindi kailanman naging makasarili
Ang pag ibig minsan kailangan bumaba ang Hari

At ganap na  hari sa luklukan
Walang makapagpapatalsik ni anumang may buhay
Wala rin isinilang sa mundong ibabaw
ang makapagpahabag

Ngunit ito ba'y kahantungan ng lahat
Ang pinalad na maging reyna ibang palasyo binagtas
Magdiwang na ang lahat
Ano ba ang magagawa sa Maharlikang angkan

Ngayon ay tumatanda kasabay ng panahon
At naging kadena ang mga matamis na kahapon
Ang samyo ng bukid ay parang usok na sanhi ng pagkahika't hapo
Joyce Nov 2010
Dumaan ako sa Nagtahan
at doo'y nanahan
aking diwang gising
at minulat,
pilit binulag
ng isang dakot
na Asin.
Rumampa sa Laong Laan,
pilit inabangan
ang pagtila,
tila Luha
ang tanging pakinabang.
Tumawid sa Lacson,
nadapa --
bumangon.
Sumakay ng traysikel
sa Ocampo,
pumara sa Crisostomo;
nangapitbahay sa Maria Clara
nagpalamig sa Ibarra
hanggang Simoun,
Quintos, Dapitan.
Hindi ka matagpuan.
Tila silyang marupok
na walang pakinabang;
Tila laway na muntik
masayang
ang paglalakad ng pusong
minsan nasagasaan
noong binagtas ang kahabaan ng Dimasalang.

Umuwi sa Sampaloc,
kumuha ng gamit.
Palihim na naglakad
papuntang Blumentritt.
Pinagpawisan sa pagsakay
sa Recto.
Anong ginagawa ko rito
sa Quiapo?
Isang makipot na sangandaan
kailangang mairaos daanan.
Isang hakbang palayo
sa maputik na Ocampo;
minsan nang bumagyo dito.
Meron pa bang tayo?
dalampasigan08 Jun 2015
May dahong nalaglag mula sa kinakapitang sanga

at marahang tinahak ang dausdos pababa,

Dumampi siya sa malamig na agos ng batis,

sumisigaw ng hapis habang tumatangis,



Binagtas ang ‘di maiwasang larawan

ng pag-iisa’t walang hanggang kalungkutan,

tumama sa mga batong nakaharang

na umagaw sa diwa ng kaligayahan,



Sumambulat ang isang malalim na bangin

na siyang tatapos sa lahat ng alalahanin,

sumaboy ang pirapirasong damdamin

ng wasak na dahong ‘di matanggap at 'di maamin.

— The End —