Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
pat v Aug 2020
Ang nakaupong tiwali—
siya ang binoto ng masa.
Sa manggas ng kanyang barong,
panganib ng maralita

May kinang ang kan’yang ngiti
mapungay ang mga mata
Sa bawat pangakong lahad
ay pagsibol ng pag-asa.

Pag-asa na tayo'y ligtas
ay naging katakot-takot.
Para raw sa Inang Bayan,
peligro na nakabalot.

Ang salitang bulaklakin
ay daglian ding nalanta
kapalit ang pagtungayaw,
at banta ng direktiba.

Hindi natin inasahan—
bahid ng dugo sa daan.
Mga kamay, nahugasan
ngunit hindi ang lansangan.

Sa lapida nakaukit
ngalan ng mga biktima.
Sunod kayang tatahimik
ang silang may pinupuna?

Hapis ng inang nawalan,
“Crispin, Basilio, anak ko,”
oyayi ng Inang Bayan.
“Pasismo! Peligro rito!”
JOJO C PINCA Nov 2017
Kung ang bunga ng isang makata ay tula
humihingi ako ng paumanhin
sapagkat mapakla
at hindi matamis ang sa akin.

Gusto ko sanang saysayin
sa paraang patula
ang buhay mo at dalita
na tulad sa bulaklak
ay nalanta nang ikaw ay dahasin
ng mga puting dayuhan.

Ikaw ang Sisa na nabaliw
sa paghahanap ng iyong Crispin at Basilio,
Babaylan kang hinubaran ng dangal
sa harap ng madla,
subalit ikaw din ang Gabriela
na nag-armas at lumaban.

Inang Bayan ko
na sakbibi lagi ng lumbay
kailan mo kaya makakamtan
ang tunay na kalayaan
na kay tagal mo nang inaasam?

Wala kang maasahan
sa mga anak **** hangal
na parang birhing matimtiman
na laging nakaluhod
sa paanan ng dayuhan;
mga putang walang kahihiyaan
na ibenibenta lagi ang puri mo't dangal.

— The End —