Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
raquezha Jul 2018
Hindi ako takot umibig pero takot ako sa’yo.
Hindi dahil sa ayoko sa’yo kun’di sa tingin ko’y hindi malabong magkagusto ako sa’yo. Hindi malabong hanap-hanapin ko ang gabing ito at ang magagandang kwento mo.
Hindi malabong hanap-hanapin ko ang boses mo—ang mga titig mo… baka masanay ako.

Hindi ako takot umibig pero takot makong mahulog.
Sapagkat paano mo iibigin ang taong estranghero? Kung sa unang gabi palang ng iyong pagkikita ay nahulog ka na.
Nahulog sa kwentuhang matagal, sa kanyang boses na hindi pagal.
Sa mga ngiting nang-aakit,
sa mga matang nakakahumaling,
sa kanya na hindi pa kilala pero pakiramdam ko matagal na kaming nagkita.

Takot ako sa dilim,
pero mas takot ako sa liwanag. Takot akong makita ang sarili kong kasama ka.
Baka kasi pag nasanay na ako sa liwanag ay bigla na lang itong mamatay hanggang sa unti-unting dumilim ang paligid ko at baka masanay ulit ako.
Masanay ako na maglakad na para bang nakapikit. Maglakad patungo sa palaisipang lugar na paikot-ikot lang ang daan.
Baka bigla nalang akong yakapin ng dilim sabay bulong sakin ng "tumigil ka na tanga!"
Baka biglang lumabas ang mga kaibigan ko sa dilim at masanay sila sa liwanag.
Baka multohin nila ako habang tirik ang araw at habulin ako sa kung saan.
Baka habang tumatakbo ako palayo ay mabulag ako sa liwanag na dulot mo at baka mabangga ako at muling mabuhay ang mga alaga kong paru-paro.

Hindi ako takot sa patay, pero takot ako sa buhay.
Takot akong mabuhay ang mga daga sa aking dibdib na matagal nang nanginginig sa lamig.
Takot akong matunaw ang mga yelo na matagal nang nakapulopot sa puso ko.
Takot akong matunaw ang mga ito at lunurin ako sa pag aakalang tunay ang mga nararamdaman ko.
Takot ako sa majikang dulot ng pagibig na nag bibigay buhay sa mga patay na kandilang dala-dala ko.
Takot akong maging maliwanag ang paligid ko at makita ang katotohanan ng mundo.
Takot akong makita na ang mundo natin ay iisa pero mas takot akong malaman na iba pala ang gusto **** kasama.

Hindi ako takot mag-isa,
pero takot akong kasama ka.
Takot akong makasama ang mga dati **** kasama— baka kasi kung ano’ng sabihin nila.
O kaya pag kasama mo sila at kapag madami na sila maramdaman ko ulit kung pa’no ang mag-isa.

Hindi ako takot sa luma, pero takot ako sa bago.
Sana kahit may dumating na bago,
walang magbago. Sana kahit mag mukha na akong antigo, wag mo akong itago gaya ng mga nakalagay sa inyong aparador.
Hindi ako plato, kutsara o tinidor na gagamitin mo lang sa piling-piling okasyon dahil wala ka nang ibang opsyon.
Sa piling-piling araw na kung saan ipapagamit mo lang sa kung sino-sinong tao dahil yun lang ang silbi ko.
Takot ako
Takot ako
Natatakot akong mapalitan ng bago.
Takot ako
Takot ako
dahil lang meron bisitang darating kasabay ng pagtapon mo saakin.
Takot ako
Takot ako
Kasabay ng mga bago pang darating wag mo sana akong paglumain.

Hindi ako takot sa wakas pero takot ako sa simula.
Lahat kasi ng sinimulan ko parang laging may nakakapit na malas
lagi nalang gustong kumalas sa pagkakapit hanggang sa mag wakas.
Hindi kasi lahat ng wakas ay may kasunod na simula—
simula ng panibagong bukas.

Hindi ako takot sa sagot pero takot ako sa tanong.
Mahal mo na ba?
Mahal ka ba niya?
Takot akong masagot ang mga tanong ko ng "Oo" tapos sasabayan mo ng "pero" sa dulo;
ng "Oo" na may preno ang tono kaya takot sa tanong
pero mas takot ako sa sagot.
Mahal na kita mahal mo rin ba ako?

Madami man akong kinakatakutan kung anu-ano nalang gaya ng ikaw,
liwanag,
buhay,
simula,
bago
at makasama ka— lahat ng ito’y hindi mahalaga iibigin kita kahit anuman sabihin nila,
kahit hindi ako ang iyong mahal,
ang liwanag mo,
kahit iba na ang buhay mo,
kahit simula palang ng tulang ito ay takot na ako,
iibigin kita sa isip,
sa panaginip,
sa diwa,
sa mata,
sa tingin,
sa lambing,
matulog ka ng mahimbing
hanggang maubos ang kandilang minsang ikaw ang nagsindi kahit na lahat ng ito ay walang silbi.
Gagawan kita ng puntod na mag sisilbing paalala
na minsan akong nagpakatanga sa pagibig.
Gagawan kita ng puntod at doon ko ibabaon lahat ng ito sa limot.

Iibigin kita habang nililibing ang 'yong alaala. Ililibing kita habang iniibig ko ang iyong alaala.
kingjay May 2019
Ipanligo ang luha
Gawin basahan ang damit na
pamunas sa sugat na di gumagaling
Hulug bituin ba na matutupad ang mga hiling o bagay na tinatapon ng langit

Ano ang susundin
Naduhagi sa buhay
Nabubuwal sa kapalarang sinapit
Kagustuhan ng loob o ang ikakaunlad ng Maharlikang angkan
Sa basbas ng langit
Iniusal ang dasal

Sapat na ang saya nang masilayan si dessa
Walang dusa't unos na nanaig
Anyong Diyosa, diwata ang kawangis
Kinang ng perlas
Kagandahang nang -aakit

Marupok na ang silya
Habang ang damit ay tagpi-tagpi
Naluoy na ang labi
Mata'y nangamuti
Inilalarawan  na ang mukha sa salamin ng bukas

Natatangi man ito ang sa isip
Ang kabiguan ay tinitiis
Pa isa-isa man ang balahibo idinidikit
na para pumagaspas sa hangin
Makakalipad nang mataas
Bubulusok nang mabilis
kingjay Aug 2019
Muling hahanapin ang ningning ng bituin
At ipapanalangin sa langit
Na sana'y may gintong rosas
Sa likod ng kulimlim

At may katiwasayan sa alapaap
Para doon humimpil
Ang mga pagod na bagwis,
Ang hangarin na pinagbubuntunan ng pag asa

Nanaisin na mamahinga sa disyerto
Kaysa lumanghap ng samyo
Ng mga dawag
Sa paraiso sa ibabaw ng lupa

Kung may araw na sisikat
Sa silangang kong mahal
Kapag nang aakit na ang yaong liwanag
Tatalikod at magtatago

Sapagkat madaling mabulag sa kanyang kasikatan,
Mahumaling sa kanyang kariktan
Maglulumbay din sa wakas

Kung saan ililihim ang kapanglawan
At titiisin ang kahapdian
Kung mabanayad na ang pakiramdam
Ay dadalawin naman ng kahapisan

Talastas ng mga mata
Ang anyong nakikita
Ngunit di matatarok
Parang ang kati ng lawang malinaw

Susuungin ang daloy ng ilog
O magpatangay sa alon
Ang buhay na pinag iingat ingatan
Ay nililisan ng katatagan

Kaya ang bawat pag ngiti
May luhang sinusukli
Ang kaginhawaan may pawis na pinupuhunan

Sinasagap ng paningin
At ng nasa ang pagpahinuhod ng
Sandali
Sa kapalaran na pinaglilikatan ng mabuting halimuyak

Maglalakad na tangan ang lumbay
Tungo sa lugar na pinagmulan
Sa alabok babalik
Ang hiningahang buhay

Di na lilingon at mag alalala
Sana'y di na mabubuwal sa pag alis
Sa maluwalhating pagsalubong ng hangin
Mananahan sa likod ng mga ulap
kingjay Dec 2018
Ipipinta sa sahig ang mga  rosas at hihigaan upang malaman ang pakiramdam na maihagis sa kaniyang dibdib
Sa matamis na ngiti na nang-aakit
Lahat kayang ibigay kahit na higit pa kaysa pag-ibig
Para maipabatid ang katindihan

Ang pagsasanib ng di katanggap-tanggap na uri ay wala na makapag-aalis
Dininig ang pakiusap
Katawan ay instrumento
Tinubuan ng sungay gaya ng kambing

Kinain ang liwanag ng araw upang makipaghasik ng lagim
Ito'y sariling imahinasyon
Gaya ng nalalapit na paggunaw ng mundo sa tuwing may eklipse

Haharanahan nang dumungaw at mahinhin na hilain ang kurtina
Kung maririnig ang boses niyang malambing
Makukumpleto ba ang araw at habang-buhay alalahanin?
Nanakawin ang sandali sa palatakdaan ng oras?

Sumpain na lang, sapagkat pinairal ang kapusukan
Paulit-ulit na dinarasal hanggang sumigaw
Kung hindi ibibigay ay tatalikod
Makipagsanduguan sa pulang hari

Binigo ng sentro ng daigdig
kaya ayaw na maglala ng susunod na panahon
Sa hungkag na kalawakan
Nabubulok ang katuturan
Ang malumanay na  pananalita ay nagmamaliw
Bawat isa sa aking mga minamahal ay nagsilbing simbolo
Mga mata nilang palaging nakatingin
Sa kaluluwa kong nakaukit sa isang bituwin
Naninirahan sa malayong kalawakan, na hindi-hindi kayang abutin.
Paisa-isa silang lumalapit sa napakainit na mundong aking ginagalawan
Sumasayaw, nang-aakit.
Kumakanta, sumasabit
Sa mga libo-libong batong umiikot sa aking kalawakan.
May isang minahal ko dahil sa dula
May isa namang minahal ko dahil sa libro.
Isa namang minahal ko…dahil ipinakita niya ang totoo.
Jun Lit Aug 2017
makinis kung pagmasdan
ang kayumangging kaligatan
kung damhin ko’y kainitan
ang yakap **** laging asam
ang ngiti mo’y katamisan
nang-aakit ang kabanguhan
kahit puro o may gatas man
panghagod sa lalamunan.
Translated as Brewed Coffee II
50 At masayang nagpaalam ang dalaga
Sa nag-iisang pauwi na binata

51 Pag-aalala ay ‘di maiwasan
Agimat inihandog ng babaeng kasintahan

52 At sa kanyang daan pauwi
Panibagong halimaw sumalakay muli

53 Ito naman ay sa itaas nagmula
Isang bulalakaw na hugis dalaga

54 Sa lalaking si Birio’y dahan-dahang lumapit
Dumampi sa lalaki ang katawang mainit

55 Wari’y nang-aakit ang kakaibang nilalang
Subalit sa pagnanasa’y si Birio’y humadlang

56 At sa isang saksak ng espada
Bulalakaw naglahong parang bula.

-07/18/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 177
PAANO BA GUMAWA NG TULA

PAANO ba gumawa ng magandang TULA
TULA na may tamang sukat at TUGMA
TUGMAng pantig mabulaklak na SALITA
SALITAng dapat umayon sa SIMULA

SIMULA ng tula dapat may tamang BAYBAY
BAYBAY ng panitik dapat saktong BILANG
BILANG ng patinig minsan pa ay KULANG
KULANG sa diwa tula pa’y walang BUHAY

BUHAY na dapat laman ng iyong KWENTO
KWENTOng aakit sa bumabasang TAO
TAO na minsa’y paghuhugutan ng LAKAS
LAKAS upang sa tula’y MAIBULALAS

MAIBULALAS katagang HAHANAPIN
HAHANAPIN sa balong ubod ng LALIM
LALIM ng salita’y dapat PAKASURIIN
PAKASURIIN salitang BIBIGKASIN

BIBIGKASIN mga kataga ay SAPAT
SAPAT na mauunawaan ng LAHAT
LAHAT na babaybaying pantig may SUKAT
SUKATan ang lalim ng ilog at DAGAT

— The End —