Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
746 · Mar 2020
Coronavirus
Pusang Tahimik Mar 2020
Dumating akong hindi inaasahan ng iba
Maging anino man ay hindi makita ng mata
Ako ay mapamuksa sa kanila
At aagaw sa buhay ng mahal nila

Bakit nga ba ako naparito
Maging ako ay nalilito
Kasalanan ko ba na maging bunga ninyo
At ako'y pinapatay uli ninyo?

Marami akong gugutumin
Marami akong papatayin
Marami akong paaminin
Kung sino ang sakim!

Maraming lalabas ang kulay
Uunahin ang sariling buhay
Pababayaang mamatay
Ang walang sariling bahay

Gusto ko sa matatao
Sa matitigas na ulo
Dun sa mga nag chichismisan sa dulo
Na puro kuro-kuro

Ganyan ang mga tao
Sa gitna ng delubyo
Mahilig silang magtalo-talo
HAHAHA ako ang panalo!

Ngunit hindi naman lahat at mayroon ding nagpapagal
At ipanalangin na ako'y hindi na nga magtatagal
Ginagamot ko lang ang daigdig ng kaytagal
Nang nagdurogo sa kamay ng mga hangal

-JGA
737 · Mar 2020
Napagod na
Pusang Tahimik Mar 2020
Heto at dumating na nga
At ako ma'y din nabibigla
Ako ay napagod na
Sa kaytagal na pag-iisa

Malapit nang gumuho
Ang pader na itinayo
Napagod na sa katatago
Ang malambot na puso

Teka muna saglit
Kailan nga ba lumuha ulit
Nang ngiting nagpupumilit
Kahit sobra nang sakit?

Oo nagsisinungaling ako
Nang sabihing okay lang ako
Hindi kasi pweding sabihin sayo
Dahil nasanay nang itago ito

Napapagod na ako
Sa kalungkutang ito
Napapagod na ako
Sa pag iisa Kong ito.

- JGA
732 · Feb 2019
Bilang Tatlo at Labinisa
Pusang Tahimik Feb 2019
Siya'y prinsesa na sa akin ay nag-iisa
Ano'ng saya ko na'ng kami nga'y naging isa
Ang puso'y umapaw sa ligalig at saya
Sa araw na ang bilang ay labinisa

Ngunit ikaw pala'y nakapako pa sa nakaraan
At ang isipa'y tila yata siya pa rin ang laman
Ipinipilit ko ang sarili kahit na ako'y nasasaktan
Hiling na 'Mahal Kita' mula sa'yo ay marinig man lang

Dumating ang araw na hindi ko nga maikakaila
Ang saya at ligalig ay naparam na tila ba isang bula
Sa iyo'ng mga sinabi ako'y nabigla at napatulala
Sa sakit ay di ko na naramdaman ang pag-patak ng aking luha

Nagwakas ang lahat sa loob ng araw na ang bilang ay tatlo
Mas malubha pa sa sikat na awitin na umabot sa pito
At ako nga'y naiwan sa tanong na 'bakit at ano?'
"Bakit nagkaganito? Ano na ang gagawin ko?"

Ikay ay nag-iisa'ng bagyo na tuluyang winasak ang puso ko
Ngunit masasabi ko'ng ikaw ay aral din naman sa buhay ko
Ngayon nga'y hinihiling ko'ng masaya ka sa bago mo
At sana siya'y katulad ko na tapat at totoo.
- JGA
693 · Jul 2020
Covid na nga kaya?
Pusang Tahimik Jul 2020
Kaynipis ng hangin sa paligid
Kahit pa bentilador ay nakatutok sa magkabilang gilid
Nangangamba sa mga taong kasama sa silid
Naway tiyak nga ang aking lingid

Ngunit di nagsisinungaling ang mga senyales
Kahit na hindi na isulat pa sa papeles
Tiyak ang paghinga na may pagtitiis
Na tila inaagaw ang hangin na kay nipis

Pinarurusahan nga yata ako
Sapagkat sobrang nakalimot na nga ako
Maging sa pagkain nauuna ang subo ko
Kaysa pasasalamat at dalangin ko

Tiyak na nga, tiyak na nga...
Masakit ang ulo sa paghiga
Barado ang ilong magkabila
At pang amoy ko'y wala na nga

Ako ba ay makatatagal kaya?
Tanong sa isip na nawawala
Sa wasto dahil masakit na nga
Diyos ko bahala ka na nga!
'JGA
668 · Feb 2019
Sa Iyong Pagdating
Pusang Tahimik Feb 2019
Ang saya ay di ko maitago
At tumatalon ang aking puso
Ikaw na nga siguro
Ang sa akin ay ipinangako

Lungkot mo'y nais ko'ng saluhin
Hirap mo'y aking papasanin
Luha mo'y aking papawiin
Sapagkat mahal ka sa akin

Ako'y hindi nagbibiro
Sapagkat ako'y takot din na mabigo
Pakinggang ang aking puso
Na tapat at ganap ka'ng sinusuyo

Tumingin sa aking mga mata
At ipagtapat ang nadarama
Alisin ang ating mga kaba
At hayaang ang puso ang magdikta

Alam ko'ng hindi sapat ang mga salita
Sapagkat ang iba'y nauuwi sa dalita
Ngunit ako'y tapat na magsasalita
At ang aking puso ang siyang magwiwika

- JGA
667 · May 2021
Untitled
Pusang Tahimik May 2021
Teka ako yata ay nagkamali
Sa pag bilang ng bawat sandali
Ang pangako nga ba ay nawaksi
Sa salitang hindi ako nagmamadali?

Magandang rosas kahit matinik
Ang makita ka'y nakasasabik
Matinik man ay di iimik
Ang pusong lagi lang tahimik

Oo na, pagod na akong maghanap
Sa ibabaw ng lupa o alapaap
Na makakasama ko sa pangarap
Pwede ba'ng ikaw na lang ang pangarap?

Pero tila yata nahihibang
Kung mali nga'y nabubuang
Ngunit diwa'y gising na nakaabang
Kikitilin ang pusong nalilibang!

Untitled.
JGA
646 · Jun 2021
O Aking Bituin
Pusang Tahimik Jun 2021
Sa kalawaka'y mag-isa sa dilim
Hinahanap ang makulay **** ningning
Nasaan ka, O aking bituin
Magliyab ka't agawin yaring paningin

Nariyan ang bilyong makulay na bituin
Mapaglaro sa mata at nais kang aliwin
Ano't tila nakapako sayo ang aking paningin
Kahit na ang mga mata ay waring nakapiring?

Nasaan ka, O aking bituin?
Huwag ilihim sakin ang yo'ng ningning
Ilang siglo pa ba ang aking lalakbayin
Upang matagpuan ang makulay **** ningning.
Tula, Tagalogpoems, poems, Bituin,
598 · May 2020
Pagod na akong gumising
Pusang Tahimik May 2020
Nasaan na nga kaya ako
At tila hindi alam ang tungo ko
Tiyak na buhay pa nga ako
Ngunit bakit patay ang paligid ko

Ayaw ko nang manalamin
Sawa na ako sa paulit-ulit nagagawin
Gusto ko nang aminin
Wala nang lunas sa akin!

Maaari pa kayang lahat ay ulitin?
Pagod na akong magsinungaling
At ang sarili ay dayain
Pagod na ako, pagod na akong gumising.

JGA
Mood
584 · Jul 2020
Mangaluluwa
Pusang Tahimik Jul 2020
Nariyan ka nanaman
Parang kabuteng sumusulpot sa kawalan
Pakiwari'y sa tagal ay lumisan
Ngunit heto't muli nagpaparamdam

Mainit kung aking natatandaan
Ang pagsuyo sa aking isipan
Ano't tila naglaho sa kawalan
Ang anino mo sa aking kamalayan

Tugon niya sa akin kamakailan
Na waring mauulit ko nanaman
Sapagkat tila ba ay nakagawian
Ang lumisan ng hindi nagpaparamdam

Babalik naman ako sunod taon makalawa
At pangako, ako'y hindi nag-iiba
Masanay na lamang sa aking ginagawa
Sapagkat natural na yata sakin ang mangaluluwa
-JGA
492 · Mar 2020
Nakabibingi
Pusang Tahimik Mar 2020
Hinahanap ang aking kinabibilangan
Sa mundong puno ng pag-aalinlangan
Pasya ko'ng itago ang aking pangalan
Sana'y inyong maunawaan

Kumusta ang pag-bati
Nawa'y dinggin ang aking mithi
Na tanggapin ang aking ngiti
At ang liham sana'y kumiliti

Sana nga'y ikaw'y napangiti
Nang liham ko kahit maiksi
Nais ko lang naman ibahagi
Ang laman ng isipang nakabibingi
Paunang Simula
421 · Aug 2021
Ilawan
Pusang Tahimik Aug 2021
Natatanaw nga ang mga tanda sa kalangitan
At kung maaliwalas ay babalik sila sa kagawian
Kung kumulimlim nama'y magsisi-taguan
At magdaramit ng sako at uupo sa abuhan

Sasabihin ng isa "ako'y matutulog muna panandalian,
Hihipan upang patayin ang aking ilawan
Sapagkat ang pinuno'y tiyak na yata ay matatagalan
Kung dumating siya doon ko na lamang sisindihan

Ang tapat ay magniningning sa dilim at liwanag
Wala man makakita ay patuloy siyang masipag
At siyay maghihintay ng taimtim at panatag
Sa kanyang Panginoon na nagbibigay liwanag

-JGA

— The End —