Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Pusang Tahimik Oct 2021
Ako'y tila papel na madaling tangayin
Dinadala sa kung saan ang ihip ng hangin
Ako'y tila pangarap na nais abutin
Sapagkat mula sa lupa ako'y titingalain

Ako'y nandidilim sa ibabaw ng lupa
At pinipigil ko ang pag patak ng aking luha
Ang aking ngitngit ay kulog na nakabibigla
At kidlat ang lumalabas sa tuwing magsasalita

Dumating ang panahong hindi ko na kaya
Ang bigat ng hirap ay sukdulan na
At ang aking luha ay pumapatak na
Ang lahat ay ibubuhos ko na!

Sa bigat ng paghihirap na pinapasan ko
Ay dilim na tila tinakluban ang pag-asa mo
At kapag naibuhos at umaliwalas na ako
Ang araw ay sisilip na tila pag-asa mo

Riyan sa malayo ako na lamang ay masdan
Sapagkat ako'y di mahahawakan kahit sa malapitan
Ngunit pumarito ka't ipararamdam ko ang kaginhawaan
Dito sa alapaap ng walang hanggang kalayaan

- JGA
Pusang Tahimik Oct 2021
Lilisan na muna sandali
Iidlip lang ng maikli
Para sa bukas na papakli
Makayanan ko muli

Ayos lang ang aking lagay
Heto't sabay sa tangay
Sa mga nakabibinging ingay
Sa mundong patay na ang kulay

Umiiwas na mag alala
Nagpapanggap na abala
At kahit walang napapala
Gagawin upang makawala

Magaling na mandaraya
Sarili ang dinadaya
At sa tuwing tinutuya
Buhay ang tinataya

Tumawa ng malakas
Na waring wala ng bukas
Hala! piliting pumiglas
At sa sarili ay tumakas

Ang araw ay natapos na muli
Paalam muna sandali
At ang aking minimithi
Ang bukas ay di na papakli

-JGA
Pusang Tahimik Sep 2021
Waring bihag na nais makawala
Sa gapos ng isang tanikala
At kahit walang mga salita
Ang tinig sa isip ay nagwawala

Ganap mo akong pinapatay
Unti-unti sa iyong mga kamay
Sa tuwing ako'y nasasanay
Sa aking ngiting hindi naman tunay

Marahil isa akong magaling na artista
Ikaw ang derektor sa pelikula
Ibibihis ang nais **** maskara
At ang puso ko ang iyong obra maestra

Hahayaan na lamang na ako ay hiramin
Waring manikang lalaruin
At kung magsawa na sa akin
Maaari mo na ba akong palayain?

-JGA
Pusang Tahimik Aug 2021
Ako ay mandirigma sa ibabaw ng lupa
Ang kalasag at baluti ko ay di nila makita
Ang aking pananggalan ay di magigiba
At ang aking tabak ay may talim na magkabila

Ako'y walang tigil sa pakikidigma
Sa mga kaaway na walang habas kung gumiba
Ng mga templong ang nais sa kaligayahan ay humiga
Mga templong di alam ang pakikidigma

Mga kalabang hindi mo nga makikita
Ngunit nasa harapan kung sarili ang nakikita
Hindi na siguro bago ang ganitong balita
Na ang kalaban sa harap ng salamin mo lang makikita

Dumarating ang araw na ako'y nadarapa
At ang palakol ay nakatutok sa katawan ko'ng nakahiga
Ngunit Ikaw ang pananggalan ko'ng di nga magigiba
Inaahon mo ako upang alisin ang putik sa pagkadapa.

-JGA
Pusang Tahimik Aug 2021
Natatanaw nga ang mga tanda sa kalangitan
At kung maaliwalas ay babalik sila sa kagawian
Kung kumulimlim nama'y magsisi-taguan
At magdaramit ng sako at uupo sa abuhan

Sasabihin ng isa "ako'y matutulog muna panandalian,
Hihipan upang patayin ang aking ilawan
Sapagkat ang pinuno'y tiyak na yata ay matatagalan
Kung dumating siya doon ko na lamang sisindihan

Ang tapat ay magniningning sa dilim at liwanag
Wala man makakita ay patuloy siyang masipag
At siyay maghihintay ng taimtim at panatag
Sa kanyang Panginoon na nagbibigay liwanag

-JGA
Pusang Tahimik Aug 2021
Waring alabok na dinuyan ng hangin
Pagdakay naparam na balintataw sa paningin
Ang patak ng kabuluhan sa ganang akin
Tila sa sayaw ng mundo nakikipag piging

Hindi nga akma sa daigdig na mapaniil
Ang musmos na anyo na nasisiil
Ngunit kung mag mukmok di papipigil
Ang Sanlibutang nangangalit at nanggigigil

At sa sinomang bumigkas noo ay mangongonot
Waring tiwala'y lubusan nang pinagdadamot
Sa pag bihis ng panahong umiiksi ang kumot
Hangal namang patuloy na namamaluktot

Kung may mga susunod pang pagkakataon
Nais ay suwail naman ang ganap na yaon
Pagal na sa maginoong landas paroon
Paumanhin sa himutok ng batang gising sa ngayon.

-JGA
Ang batang bersyon na puno ng himutok.
Pusang Tahimik Jul 2021
Tila apoy na nakapapaso
Sa tuwing pinatatalon ang puso
Nangangambang baka naglalaro
Kaya papatayin ang apoy sa puso

Apoy nga ay pilit kong pinapatay
Sa tuwing pinagniningas mo panay
Lumalapit ka't sinasanay
Ang pusong tila natatangay

Matutulad nga ba sa mga nagdaan
Na akala mo ako ay nariyan
Ngunit palihim palang nilalayuan
Kung unti-unting makapasok ng tuluyan

Hanggang kailan magtatago sa kulungan
At ang lahat ay pinagtatabuyan
Mag-iisa ka nga sa hanggahanan
Kung mananatiling hangal sa sukdulan.

JGA
Next page