Salo-salo ang lahat:
Nakaupo, nakadekuwatro
Sa isang mahabang bangko.
Ayos lang
Kahit medyo masikip
At nagkikiskisan ang mga siko.
Ang mesa'y nilatagan
Ng dahon ng saging.
Bawal ang maarte;
Walang mga pinggan
At iba pang kagamitan.
Nakakamay ang lahat sa pagkain
Ng maiging inihaw
Na sariwang malaman na tilapia.
Meron ding mga gulay
Na pinakuluan at nilaga:
May kangkong,
Okra, sitaw at talong.
Samahan mo pa
Ng hiniwa at tinadtad na
Pulang sibuyas at kamatis,
Na may halong bagoong
At piga ng kalamansi.
At sa wakas, ang panghimagas:
Mga gintong mangga
Na ubod ng tamis.
. . . . .
Napapasarap
Ang pinakasimpleng handa
Samahan lang ng kuwentuhang
Nagpapasaya at nagpapatawa
At siyempre kung salo-salo
Ang buong pamilya.