090316
Pambungad Mo'y matatamis na mga ngiti
Habang bitbit ko ang mga sandaling nilisan ang pagbati.
Batid ng panlasa ang mapait na takipsilim,
Ang kahapong yumurak sa Iyong kariktan.
May iilang sumisirit ng kandilang bilang
Mayroon ding mga nagwawaldas ng dila;
May nagwawalis ng kalat at siyang binabasura,
Mayroon ding naglalakad ng nakaluhod.
Naging tigang ang lupaing napuno ng banyaga
Sa haplos ng mga nanlilisik na mga mangungusig.
Naging batas ang ideolohiyang makasarili,
Itatakwil ang Perlas na sinisid pa't buhat sa bahaghari.
Tila mga kandadong walang susi
Ang pagsaboy ng mga dikdikang tutuligsa sa Bayan.
Dalamhati sa mga Anak ni Juan
Mga bayaning umani ng nagniningas na rebolusyon.
Ramdam ko ang pluma ni Rizal
Sa kamandag nito'y henerasyon ay aahon.
Bulag, pipi't bingi'y aakma't aaklas ng panalangin
Bangon Pilipinas! Ikaw ang natatangi naming Perlas!
Pare-parehas tayong Pilipino, lusubin natin ang Langit, bitbit ang mga panalangin. Hindi Siya bingi, Tayo ang Pilipinas at Siya ang tanging Batas!