ang oras at ang tempo ang paghinga at ang paggalaw ang tibok ng aking puso
bibilis at babagal
maging ang mga salita maging ang mga hakbang
papalapit ng papalapit ang ating mga tadhana ang ating mga landas
dalawang bagyong magtatagpo upang bumuo ng isang kalmadong relasyon mapanuya na hindi kailanman nila makuha
sasayaw sa musikang dala ng tadhana dala ng busina ng sasakyan ilang metro ang layo
sasayaw sa musikang dala ng tadhana dala ng nagkukwentuhang lasing ilang hakbang lang ang layo
sasayaw sa musikang dala ng tadhana dala ng sipol ng hangin nagbabanta ng paparating na ulan
sasayaw sa kabila ng mapanirang tadhana na posibleng isa sa ating ang mapilay o mapahiya dahil hindi na makasabay sa ritmo at giling sa musikang dala ng tadhana
patayin ang musika kagaya ng pagpatay sa nararamdaman hindi na ulit ako sasayaw kung hindi ikaw ang kasama
walang maisip walang magawa walang salita na makapagpapaliwanag ng nararamdaman blangko ang isipan walang laman ang mga tibok ng pusong dati'y bawat kabog merong mas malalim na pinapahiwatig tinig na wala ring patutunguhan mga salitang walang tugma mga himig na tila'y wala sa tono blangko walang laman at kahit ano pang mensahe ang gustong ipadaan mawawalan ng kahulugan dahil ang lahat ay blangko walang laman
wala na rin namang bago kung isasara mo kahit ang nagiisang bukas na libro upang mabasa ko ang mga nasa isipan mo ginagawa mo saloobin mo dahil wala na rin namang bago matagal na naman ding sarado ang pinto, ang libro at kung ano pa mang representasyon na meron tayo
noong walang naniwala sayo nandoon ako sa tabi mo at ngayon na ramdam ang pait ng mundo wag mo sanang kalimutan ang mga paalalang binanggit noon sayo at ako lamang ang naniwala sayo
patawad sa hindi paglaban patawad sa agarang pagsuko patawad sa natitira pang salita na hindi kailanman makabuo-- ng isang diretsong talata upang ang lahat ay mapaliwanag ngunit hindi na rin naman kailangan dahil huli na ang lahat