Namumuo ang pawis sa kanyang kamao Tila ba sapat na ang mga galos na kanyang natamo. At dali-dali nyang sinarhan ang silid Na walang ni isang palamuti ng kapaskuhan, “Nandito — nandito na ako sa ikatlong palapag,” Aniya sa kabilang linya.
Kinuha niya ang lapis Buhat sa luma nyang aparador — Puno ng alikabok Na kahit ilang pagpag na’y Hindi naririndi sa pagbuga Ng umaalingasaw nitong karumihan.
Naupo sya’t napapikit na lamang Inaalala ang bawat detalye Ang bawat katagang kanyang narinig Ang bawat imaheng nais nyang takasan.
Nanginginig pa rin ang kanyang mga tuhod, At nangangalay ang kanyang mga kamay. Habang tumatagas ang pawis nyang Kulay itim sa malagim na gabi.
Naghihintay ng sagot Sa mga katanungang saksakan ng ingay Sabayan pa ng sunod-sunod na putok Ng mga sumasalubong ng Bagong Taon.
At sa kanyang di sinasadyang pagdungaw Sa bintanang walang kurtina’y Nabaling ang kanyang tingin Sa buwang napakaliwanag Tila ba may taglay itong kung anong elemento — “Mahiwaga,” wika nya.
Ang mga larawan sa kanyang balintataw Ay unti-unting gumuho At napalitan ng imahe ng buwan . Akala nya’y makakatakas na siya sa liwanag nito, Akala nya’y ito na ang huling kathang Kanyang maililimbag sa kanyang kwento.
Maya-maya pa’y sa dulo ng kanyang dila’y Hindi nya maipaliwanag Ang kung anong himig na kanyang sinasalaysay Na tila ba may boses na nag-uutos sa kanyang Bigkasin ang mga pangungusap Na hindi nya ninais na sambitin.
Mahigpit ang pag-akap ng kanyang kamay Sa lapis na guguhit at tutuldok sana Sa kanyang masalimuot na nakaraan. At muli nyang pinagmasdan ang kalangitan Hindi na buhat sa sarili nyang bintana Pagkat hayag sa kanya maging ang mga bituin.
Dahan-dahan nyang itinuro ang buwan Gamit ang lapis nyang hindi man lang natasaan — “Sayang, ngayon lang Kita nasilayan… Sayang, pagkat hanggang dito na lamang.”