Sa mga lirikong wala pang tono Ay aking ipamamalas ang Iyong Kagandahan — Kagandahang ni minsa’y hindi pa nasulyapan Bagkus kusang hinahanap-hanap.
Ang matatamis **** Salita Ang aking baon buhat agahan hanggang hapunan. At mauhaw man ako o magutom sa daan Ay alam kong Ikaw ang sagot Sa bawat katanungan at kakulangan.
Ang pagdampi ng bawat lubid sa aking mga daliri Ay katumbas ng paghehele Mo sa akin sa gabi — Sa gabing palaging puno ng bituin ang kalangitan Na pahiwatig ng maigting **** pag-ibig At walang katapusang pag-iingat Sa puso kong puno ng galos sa bawat araw.
Ang likidong sining sa aking mga mata’y Palatandaan na ako’y isang mahinang nilalang Na nagnanais ng Iyong pagkalinga’t pag-aaruga.
At ako’y uhaw pa rin sa katotohanan Bagamat ilang beses ko nang nilisan Ang mga baitang ng edukasyon Na isang panimula lamang Sa yugtong ito ng sarili kong kasaysayan.
Takpan ko man ang aking pandinig Ay hindi ito balakid sa paghirang Mo sa aking ngalan Na tila ba Iyong hayagang binabanderya Na ang pagkatao ko’y may halaga Bagamat ako’y may hindi sapat na pananampalataya.
At sa katunayan pa nga’y Ikaw ang humihila sa akin pabalik Sa mga lirikong akala ko noong una’y Ako ang may akda Ngunit maging ang hininga ng mga letra’y Tanging Ngalan mo ang isinisigaw - Syang salamin sa'king Tula.