Labimpito ako nang unang matutunan ang kaliitan ng pag-ibig. Madalas hindi ito bulalakaw sa dibdib, bumubulusok at rumaragasa. Hindi paputok o dinamitang pailaw sa dilim ng kagabihan ng pusong isa. Hindi isang maringal na pagtatapat ng katipan. Hindi isang pangako ng isang libong bukas sa oras ng ngayon. Hindi mga bibig na tumatapos ng pangungusap ng isa. Hindi mga katawan na lumulutang. Labimpito ako nang magkaroon ng aso sa bahay. Labimpito rin nang magsimulang maglagay ng tisyu tuwing naggugupit ng mga kuko dahil sa takot na masaludsod ang tuta kapag hinayaang tumalsik ang mga putol na kuko sa kung saang sulok ng silid. Minsa'y pag-ibig ay tahimik sa gilid.