Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jul 2020
Halika't dumako tayo —
Uunahan na kita — hindi ito isang paraiso
Ito ay lugar kung saan maraming hindi natupad na pangako
Lugar kung saan maraming iniwan, sinaktan at pinangakuan —

Ngunit sa huli, hindi rin pala kayang panagutan.
Natanaw ko mula sa labas ang malakas na pagbuhos ng ulan
Narito ako sa loob ng isang silid na hindi ko maipaliwanag kung papaanong ako'y napunta dito
Napatingin ako sa paligid at mga taong narito

Lahat sila'y nakaitim katulad ng suot kong bestida
Marami sa kanila'y nakatingin mula sa bintana
Nakatayo lamang ako sa gitna
May isang babaeng nasa harap ng pintuan na animo'y may sasalubunging bisita.

Lumapit ako ng kaunti at tama nga!
Abot tenga ang kaniyang ngiti habang sinasalubong ang taong hinihintay niya
Kitang kita sa mga mata ng dalawang taong ito na mahal nila ang isa't isa
Siguro'y naghintay ng kay tagal na panahon ang dalaga upang masilayan muli ang mahal niya — tuluyan na silang
umalis bitbit ang kanilang ala-ala.

Napansin ko kanina ang pag-iba ng kaniyang suot na damit
Na dati ay kulay itim ngayo'y kulay puti.
Mabuti pa sila'y parehong nakapaghintay
Iyong ibang naririto ay magpahanggang ngayon ay wala pa ring mahintay—

May naghahanda na para sa panibago, may sumuko na at nawalan ng pag-asa,  may tanggap na at handa ng magparaya, at syempre mayroon pa ring mga taong umaasa at naniniwala.


Kanina'y nagtataka ako kung bakit ako nandito,
hindi ko alam na kabilang pala ako sa mga taong pinangakuan ngunit hindi kayang panagutan
Kabilang pala ako sa mga taong umaasa at naniniwala
kahit napakaimposible at sobrang labo na

Lumapit sa akin ang isang lalake na tantya ko'y kaedad ko lamang
Isa rin pala siya sa mga taong "tanggap na at handa ng magparaya"
Tinanong niya kung pwede daw ba siyang makipagkaibigan
Mabilis lamang niyang nakuha ang aking atensyon at mula no'n —

sinabi ko sa aking sarili, handa na akong maniwala at magmahal muli

Ngayong kami'y handa na upang magpalaam sa aming mga nakasama
Malapit na kami mula sa pintuan habang magkahawak kamay at nakangiti sa isa't isa
Sabay ang paghakbang ng aming mga paa
Sabay din naming naririnig ang malakas na pagtibok ng aming puso dulot ng kaba

Sa malayo, natanaw ko ang isang lalakeng may hawak na bulaklak at panyo
Biglang tumigil ng saglit ang pagtibok ng aking puso,
at tumigil ang paggalaw ng aking relo.
Napahigpit ang hawak niya sa akin habang ako'y naguguluhan sa aking damdamin.

Narito ngayon sa harap ko
— ang lalakeng hinintay ko ng taon
Iniabot niya sa akin ang bulaklak at panyo
Aalis na sana siya ngunit mabilis kong binitawan ang kamay na hawak ko
at hinigit ko ang kaniyang suot na polo

Humarap siya at inalis niya ng dahan dahan ang kamay ko sabay sabing,
"Patawarin mo sana ako dahil pinaghintay kita ng mas matagal kaysa sa ipinangako ko. Dumating pa rin ako kahit na alam kong maaaring nakatagpo ka na ng ibang magmamahal sa iyo. Ayos lang ako 'wag kang mag-alala maging masaya sana kayong dalawa."

Akala ko'y handa na ako para sa "panibago" ngunit heto ako,
Ako naman ngayon ang hindi tutupad sa pangako
Ako naman ngayon ang bibitiw sa mga hawak ng taong akala ko'y mahal ko
Ako naman ngayon ang mananakit ngunit hindi ito ang intensyon ko

Babalik na muli siya sa lugar na minsan kaming nagkasama
Sana'y sinigurado muna ang nararamdaman kung tunay ba
Lumipat ako sa ibang lugar suot ang aking itim na bestida
Ngunit hindi na siya ang kasama

Lugar kung saan may nangako ngunit hindi tinotoo
Lugar kung saan maraming walang kwentang tao na nagbitiw ng walang kwentang pangako.
wala akong jowa nagffeeling lang 😂✌
Para 'to sa mga taong mahilig magbitiw ng pangako pero hindi naman marunong tumupad at mga taong pinangakuan pero hindi naman marunong maghintay.
G A Lopez
Written by
G A Lopez  F/Elyu, PH 🇵🇭
(F/Elyu, PH 🇵🇭)   
4.3k
   G A Lopez
Please log in to view and add comments on poems