Gising na naman ng alas dos ng gabi Hinihingal at pinagpapawisan ng sobra Mula sa isang bangungot ako’y nagising Nagising sa katotohanang parang bangungot din. Hindi mapigilang bumuhos ang mga luha Puno ng hinagpis mula sa kahapong mapait Bawat hikbi at buntong-hininga pilit pinipigil Habang nagkukumahog hanapin ang nawawala
Damdaming nagtitimpi ay biglang pumutok Mga emosyong rumagasa ng walang habas Mula sa nasirang prinsa ng aking puso Umaagos papunta sa mga matang ayaw tumahan Hinahanap-hanap pa rin ang ‘yong haplos Pati mga halik na ibinuhos sa aking mga labi Unti-unting nawawala ang wangis mo sa ating kama Ang kamang nilisan mo nung ako’y iniwan mo
Gabi-gabing iniisip ang mga dahilan Kung bakit dun pa sa ating kalungkutan Bigla mo na lang akong isinantabi’t iniwan Kahit pa nangako tayo ng walang hanggan Hinahanap-hanap pa rin ang ‘yong anino Mga bakas ng kahapong gustong balikan Ngunit kahit kailanman at ano man ang gawin Hinding-hindi ko na muling mararanasan
Sana’y naririnig ang mga sigaw ng puso Na nagtitiis sa sakit habang nangungulila sa’yo Sana’y marinig muli ang mga salitang “Mahal kita” mula sa’yong mga labi Kaya nandito pa rin ako sa ating dulo Inaantay ang malabong pagbabalik mo Kahit ang puso’y nawawalan na ng pag-asa Pilit hinihiling ang katuparan ng mga “sana”
Pag-ibig ko’y iyo pa rin Nag-aantay sa kamang unti-unting nilalamig Ang mga bisig na ang tanging nais Ang yakapin at hagkan kang muli
Piece written in Filipino. Enjoy the read. Will post a translated piece soon.