Hindi na natapos ang bagyo At muling bubuhos ang ulan Hindi na natapos ang araw Hanggang masunog ang kalangitan.
Walang patid ang hangin Lahat ng bagay ay kayang liparin Rumaragasa ang tubig Ngunit walang luhang kayang pawiin.
Hinahanap pa rin ang umaga Kahit tanghali ay lipas na Hinahanap pa rin ang liwanag Humupa man ang sakuna.
Gumuguho pa rin ang lupa Tinatabunan ang nakaraan Gumuguho pa rin ang bundok Gumuguho rin ang kapatagan Gumuguho ang mga burol Gumuguho ang mapupurol Matalim man ay guguho rin Pasusukuin ng suliranin.
Gumuguho ang lahat Gumuguho sa bandang huli.
Hindi na natapos ang pagkawasak Bumabagsak ang tulay na puno ng bitak.
Hindi na natapos ang paglisan. Basa pa ang libingan, May ihahatid muli sa himlayan.
Hindi na natapos ang unos Delubyo sa gitna ng buhawi Lindol sa gitna ng tagtuyot Hinagpis sa gitna ng pagkamuhi.
Panaghoy sa dulo ng pagkasawi.
Dito na lang ako sa lilim Kung saan nag-aagaw ang liwanag at dilim Magkukubli sa isang sulok Hanggang lamunin ng alikabok.
Hindi na natapos ang gabi At tumigil ang orasan Hindi pa tapos ang bagyo Ay bumubuhos muli ang ulan.