Hindi ako humihingi ng bago sayo Pero inabutan mo ako ng blangkong papel Siguro nga, siguro nga wala kang sinabing magsulat ako Pero heto ako't isinasatitik pa rin ang bawat tulang naging misteryo sa puso ko.
Hindi ako humingi ng espayo sayo Pero binigyan mo ako ng patlang -- Mga patlang na hanggang ngayo'y walang sagot Mga patlang na hindi ko alam kung laan ba sakin O sinadyang ipadaan lamang sa mga kamay ko Para lang may maisulat ako ngayon.
Hindi nawalan ng tinta ang panulat ko Pero tila naubusan ito ng dahilan para magsulat sa mas marami pag mga pahina -- Mga pahinang hindi ko alam kung pinunit mo na rin ba Hindi ko alam kung ginusot mo na ba O baka naman ipinadaan mo na sa apoy At oo, natupok na ang lahat Pero sariwa pa rin sa akin ang bawat linya ng talata Siguro nga, siguro nga hindi ko kabisado Sa kung papaano ako nagsimula O paano ako nagtapos sa piyesang iyon Pero ang alam ko -- ayoko na.
Ayoko na -- ayoko nang bumalik sa umpisa At halukayin na naman ang nakaraan Yung katulad ng dating magmumukmok ako sa sulok Sasabay ang luha sa pagpatak ng ulan Sasabay ang takot sa kulog Sasabay ang galit sa kidlat At wala -- wala na naman ako.
Ngayon, naisip kong sa dulo magsimula -- Sa dulo kung saan ay bago na ang lahat Oo, hindi naman nabubura ang sakit Pero kaya itong lagpasan Malalagpasan kasi pinalipas na ang panahon At hinilom na ang lahat -- Oo, napatawad na kita.
Sabi nila, nasaktan na raw ako ng sobra Wag ko na raw balikan kasi nga baka di ko na kayanin Tama na raw, kasi nakakaawa na raw ako Ano raw bang meron sayo na minahal kita May mas magmamahal pa raw sa akin Mapapagod lang daw ako Sasaktan mo lang daw ako.
Pero alam mo, iba ang sabi Niya -- Na patawarin kita Na binura Niya na ang lahat ng sakit sa puso ko Na wag akong magtanim ng sama ng loob Na pinalaya Niya na ako Na higit na magtiwala ako sa Kanya Na muli akong magtiwala sayo Na wag akong matakot magmahal muli Na wag akong matakot masaktan Na lagi kitang ipanalangin.
Sa totoo lang, hindi ko alam Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng dahilan Kasi pag tinanong mo ako kung ba't kitang mahal, Wala akong masasagot sayo -- Basta, basta mahal kita At mas mahal ko Siya -- Doon Niya tayo ipinagbuklod ng pag-ibig Niya.