Uso raw ang pilahan sa dilaw na hintayan. Aalis ako -- aalis nang panandalian. Hindi ako mamamahinga at oo, babalik at babalik ako sayo.
Ayokong maniwalang ito na ang huling sandali sa pinakasandaling pagkakataon ng una't huling pagpili. Kalilimutan ko muna ang kahapon at kasalukuyan at magsasabit ng bandila patungong kinabukasan -- paaalabin ang puso na may panalanging walang paghinto hanggang sa dulo ng pinakadulo'y pananampalataya'y di mabibigo.
Ikaw ang piyesang paulit-ulit na babasahin, ang tulang kakabisaduhin at kahit pa lumiko patungong Timog ang hanging mula Norte, sana'y sa pagbalik di'y ako'y iyong salubungin -- salubungin pagkat kakaiba ka -- iba ka sa kanila; oo, ibang-iba talaga.
Pansamantala -- ika'y di masisilayan ngunit mananatili sa bawat piyesa -- sa bawat piyesa kung saan tayo'y iisa. Tinig mo'y sapat na; tila nalalangoy na maging himpapawid; tila nalilipad na ang karagatan -- oo, parang hindi angkop, pero ganoon ang pag-ibig, minsa'y di mo wari kanyang pagsakop.
At oo, hindi kita bibitawan pagkat ang tayo'y nakatali -- nakatali sa sinulid ng ating pagmamahalan. Itago natin ang kanya-kanyang gunting pagkat ang ating antaya'y bukas na -- bukas at sa susunod na paggising.