Paano kung sabihin ko sa’yong patapos na, Na ang dulo’y abot na ng aking mga mata? Ngunit sa bawat hakbang kong papalayo sa’yo, Tila ba ang loob ko’y napupuno ng bato.
Paano kung sabihin ko sa’yong ayoko na, Na hindi ko na kaya kung patatagalin pa? Sapagkat ga’no man kalalim akong nahulog, Natatapos din ang himig ng awit at tugtog.
Paano kung sabihin ko sa’yong panahon na, Para sa pagpalaya natin sa isa’t isa? Dahil kahit gusto ko mang kumapit pa sa’yo, Pareho tayong mapapako kung ‘di lalayo.
Paano kung sabihin ko sa’yong paalam na? Salamat sa mga ala-ala nating dal’wa, At patawad sapagkat hindi napanindigan, Ang unang pagsuyong ating inaalagaan.
Mahal, pa’no kung sabihin ko ang lahat ng ‘to, Nadarama mo rin ba ang sakit na taglay ko? Kung ang puso kong nasa iyo ay sugatan na, Pa’no ko pang masasabing— mahal pa rin kita.