Nagsisimula na namang lumamig ang dampi ng hangin sa aking pisngi, Parating na ang panahon ng Kapaskuhan na taun-taong ating hinihintay at tinatangi.
Palagi ko’ng hinihintay ang Disyembre para sa kasiyahang dala ng Pasko, Ngunit sa isang banda ri’y pinangangambahan ko ito.
Dahil tuwing Pasko ay may kakambal na lungkot din ako’ng nadarama sapagkat naiisip kita, At natatandaan ko pa ang mga huling sinabi natin sa isa’t isa nang huli tayong magkita.
Pinaghaharian tayo ng poot at panunumbat noon kaya’t nabalot ng pait ang ating mga salita; hindi natin napagtanto na minsan isang kahapon marubdob nati’ng minahal ang isa’t isa.
At hindi ko mapagtanto kung bakit tuwing magpa-Pasko, ito ang aking naaalala— Marahil sa aking kaluluwa’y may panghihinayang pa rin na ang malamig na hangin ang siyang nagpupunla.