Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sep 2016
Milyun-milyong mga blankong mukha,
pipintahan,  
papahiran ng pintora
ang iba’t ibang kastilyo ng pangarap.

Subalit sa paglipas ng panahon
ang mga kastilyong ito’y rurupok,
at sa isang ihip ng hangin  
ay pwede ‘tong gibain.  

Masasanay kang matalo,
para sa atin ‘tong mundo.
Para sa atin,
hindi para sa kanila,
kailanman hindi ‘to masasakop
ng mga mapapait na luha.  

Nasanay ka na sa panonood
ng mga teleserye o pelikulang
kung ano ang theme song
ay ‘yon din ang pamagat.  

Nasanay ka nang mag-abang
sa paiba-ibang kulay na buhok
ni Vice Ganda, o ni Yeng Constantino,
ang umasa rin sa paiba-ibang desisyon
ng mga tao sa paligid mo.

Nasanay ka nang magmahal ang gasolina,
at iba pang mga bilihin  
ngunit hindi ang magmahal ng totoo,  
dahil takot kang masaktan ulit,
ang iwanan, o umasa ulit,
sa isang relasyong pang-post lang
sa FB, IG o Twitter,
‘yong pang-“#relationshipgoals” lang,
nasanay ka na pero takot ka pa rin.  

Nasanay ka na sa mga surprise quiz.
Sa exams. Sa reporting. Sa thesis.
Sa Singko, INC, Withdraw o Drop.
Sa pag-jaywalking,
dahil late na naman sa 7:30 AM class.  
Sa paulit-ulit na sorry.  
Sa paulit-ulit ding pagpapatawad.
Sa paghahanap ng ka-red string.
Sa paghahanap ng ka-forever.
Sa mabagal na internet.
Sa job interview. Sa gobyerno.    

Masasanay ka ring matalo
dahil ganito ang konsepto ng mundo.
Patitikman ka muna ng pagkabigo,
bago ka ulit maging buo.      

Baka rin bukas-makalawa
maiisipan mo nang mag-aral ng mabuti  
at iwasang ang usapang mabote,
ang bumangon ng maaga
at hindi papatayin ang naka-set na alarm,
ang maging totoo
sa taong nagmamahal sa ‘yo,
o kaya subukang ipa-Photoshop
ang 2x2 picture mo sa resume
para sa paparating na job interview.  

Masasanay ka ring matalo,
masasanay ka rin sa mga peklat mo sa puso.
Dahil hindi ito matatapalan
ng pulga-pulgadang concealer ng Maybelline,
o kahit ubusin mo pa
ang stock sa AVON, sa Watson, sa HBC, o sa Lazada.  

Kaya tanggapin mo na lang  
na ang buhay ay puno ng pagkatalo,
dahil sa huli para sa atin din naman ang mundo,
kaya wala kang dahilan para sumuko,
dahil ang sumusuko lang ang natatalo,
at ang hindi takot sumubok ulit
ang tunay na panalo.
JK Cabresos
Written by
JK Cabresos  M/PH
(M/PH)   
Please log in to view and add comments on poems