Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
129.6k · Jul 2017
Unang Letra
renzo Jul 2017
Minsan ako'y napapaisip kung ako'y mamahalin mo,
At lalo na't nararamdaman ko sayo'y labis na totoo.
Higit pa nga ito sa iniisip mo.
Ano man ang mangyari masasabing 'di ako susuko.
Lalo na't nalaman ang kahulugan ng pag-ibig sa ngalan mo.

Kahit gumuho ang mundo, masira man ang daigdig,
Ipinapangako sayo ako'y mananatili.
Tignang maigi unang letra ng  mga taludtod
At nang makita ang mensahe nitong pusong iyong pinatibok.
9.0k · Apr 2020
Sa Entablado
renzo Apr 2020
Pumasok sa bulwagan, mga tao'y nagtipon.
Ang pagbukas ng kurtina ang siyang sa'kin sumalubong.
Mayroong isang dula, napukaw aking atensyon.
Nakamumulat ng mata at may malinaw na intensyon.

Tanaw ang isang dalaga, pagsalita niya'y mahinahon.
Nananawagan sa madla, naghahanap ng tulong.
Kumakalam daw ang sikmura, pansin kanyang tensyon.
Sigaw lang ng dalaga, "Pagkain para sa nagugutom."

Alagad ng batas ang nakakita, dalaga'y sinakay sa apat na gulong.
Minaltrato ng sistema, inabuso kanyang dunong.
Binaba kaniyang palda, rinig sa dalaga ang pag-ugong.
Dinala siya sa korte ang dalaga, makasalanan daw at siya'y nakulong.

Hanggang sa kasukdulan, pait ang kanyang dinaranas.
Sa kamay ng batas, sa kamay ng nakatataas.
Dalagang lumalaban hanggang mawalan na siya ng bukas,
Ang pag-gahasa sa bayan, ngalan ng dalaga'y Pilipinas.
6.6k · Sep 2020
Hungkag
renzo Sep 2020
Lantad 'sang digma, sakit laban sa masa.
Bungad sa madla, kalabang 'di makita.
Kailan ba bibisa? Babad sa pangamba,
Basag nang tiwala, saklolo pa'y wala?

Ang pobre'y pilit na tinatanikala,
Layang haring uri'y, 'di binabahala.
Mga biktima ay hindi inalintana.
Nakapagtataka ‘yong pangangasiwa!

Sino ba'ng salarin, sino ba'ng may lagda?
Ano ba'ng dahilan ng pamamayapa?
Corona bang sakit na nakahahawa?
O ang siyang Ulo na namamahala?

Lantad ang huwad nilang pakikisama,
Gobyerno'y siniwalat nitong pandemya,
Idilat ang mata, bibig ay ibuka.
Itanim 'tong aral na sana'y magbunga.
idilat ang mata, gising sa pagkabalisa. 'wag kang matakot magsalita, ikaw ang natitirang pag-asa.
1.8k · Dec 2020
sandali.
renzo Dec 2020
kahit sabihing sandali
hindi ako nag-atubili
bakas sa mga labi
ang aking mga ngiti

makasama ka'y nag pauwi
sa aking pighati
kaya kahit sa sandali
pangamba ko'y pinawi

kahit sabihing sandali
oras nama'y bumabagal
at gustong ulit-uliting muli
at sa iyo'y sumandal

kaya't sandali
huminahon ka man lang
wag mag madali
nais kang samahan

at nasa alaala ko parati
na bago umuwi
mga kamay nati'y nagdampi
kaya sa pagtalikod ay nakangiti

at ang puso ko'y humihikbi
sa tuwing ako'y iyong nilalapitan
kaya sa mga susunod na sandali
makasama'y aking aasahan
safe skies and calm winds.
1.5k · Jul 2020
Mirasol
renzo Jul 2020
Ang mirasol ay ang anak
Ng araw at nag-anyong bulaklak.
Kaya't dala mo ang halimuyak,
Ang ganda't liwanag.

Mula pagkabuo hanggang kasalukuyan,
Tagtuyo man o tag-ulan,
Mula pagsuko hanggang paglaban,
Munting mirasol ay binantayan.

Malapit man, hindi mahawakan.
Tanaw man, hindi malapitan.
Dinig man, hindi mapakinggan.
Masid na lang sa katahimikan, para sa'yong kabutihan.

Bagamat may kamandag mga kamay,
Kaya't ayaw kang dapuan,
Ako'y panatag naman basta'y,
Ika'y sa araw nasisinagan.
ang mirasol ay "sunflower" sa filipino
1.1k · Jul 2020
Sa Alon
renzo Jul 2020
Gumuhit ng tula at sa bote'y inilagay,
Inilapit sa dagat at sa alon ay isinibay.
Sa langit umasa na iyong matangay,
Itong apat na taludtod na sa'yo ay inalay.

Ako ay humihiling, na sana'y 'yong malaman,
At kahit na bitin, aking panghahawakan,
At aking dadamdamin ka at ipaglalaban,
Alon man ay dumating, ako ang makakapitan.

Bundok ay tatawirin, kahit na masugatan,
Dagat ay lalanguyin, pipilitin kong lumutang
Ikaw lamang ay marating, at aking masilayan
Sa mukha mo'y may ngiting, abot sa kalawakan.

Ikaw ay sasagipin, hindi ka pababayaan.
At kahit na palihim, ako'y maaasahan.
Sa'kin ay tumingin, ikaw ay maniwalang,
Na tuwing dumidilim ang karagatan, ikaw ang s'yang liwanag.
isabay mo ang buhay mo sa agos, kumalma't sakyan ang alon.
312 · Feb 2022
well, will you?
renzo Feb 2022
'til this day, i can't believe that you're mine,
hundreds of poems, still can't run out of rhymes,
indeed, i am glad, that we took our time,
forever you will be in my heart, in my eyes you'll always shine.

your beauty is timeless, never aging, truly refined,
your eyes truly speak, your desire is always kind,
now that the stars are aligned,
will you be my valentine?

— The End —