"Tao po?" unang beses akong naglakas ng loob,
Pero walang kibo ang nahihimbig na bantay.
Kinakatok ko gamit ang barya ang kahoy na bintana,
May rehas na yari sa metal pero madali namang masira.
"Tao po?" pangalawang pagsuyo
Habang pinagmamasdan ang dekorete sa bawat sulok,
Pero tila ba walang pakikisama ang may-ari,
Kaya't naisipan ko na lamang ibulsa ang pambili.
Halos maka-dalawang hakbang na ako
Nang bigla kong narinig ang kakaiba nyang tono,
"Ano yun?" magaspang ang boses niya
Kaya't napalingon akong bigla't niyari ang sarili pabalik.
Kinapa ko ang bulsa at kinuha ang barya,
At tinuro ang nakabalot na pangarap.
Dali-dali ko itong binulsa habang panakaw ang tingin.
Hanggang napansin niyang nakatitig ako.
Apat na hakbang buhat sa bintana ng pagsusuyuan,
Tinawag niya ako, pero hindi ko sya pinansin.
Puno ng kaba ang puso ko,
At kakaiba ang daing ng pag-iisip ko
Buhat sa pagtawag niya sa akin,
Hindi ko rin makalimutan
Ang malamlam niyang mga matang
Parang may nais ipahiwatig.
Sa pag-uwi ko,
Napatingin ako sa sariling repleksyon
At doon ko napagtagpi-tagpi ang lahat,
*"Nakakahiya, may tagos pala ako."
Tungkol sana ito sa pag-ibig pero habang sinusulat ko na, iba ang naging timpla ng eksena. Medyo nakakatawa. Isang akda para sa mga kababaihang magigiting sa kabila ng kanilang kabuwanang dalaw.
Bayani ang bawat dilag pagkat bahagi ito ng ating pagkatao.