Isa, dalawa, tatlo,
Lahat ng jeep ay puno.
Wala ni isang nag tangkang sa 'kin ay huminto,
Itinaas ang aking kamay at inunat ang hintuturo.
Sumenyas na manong pasabit nalang po,
At sa pag arangkada ng jeep mo ngayon,
Bakit maraming mata sakin ang nakatuon?
Inuusisa ang bawat parte ng aking katauhan,
Na para bang andami-rami nilang katanungan.
Bakit sumabit kapa?
P'wede namang mag abang ka nalang sa iba,
Magmumukha ka lang diyang tanga,
Kaya boy mabuti pang bumitaw kana.
Kahit maraming tutol sa aking pagpapasiya.
Kahit ang kamay ko ay medyo dumudulas na.
Kahit pa ang bisig ko ay nangangalay na,
Hinigpitan ko pa ang kapit dahil ayoko ng mahulog pa sa iba.
Kumapit ako sa bawat salitang sinabi mo,
At inabot ko ang bayad simbolo ng pag-ibig ko.
Tama naman ang sukli, barya at bawat sentimo,
Pero bakit tila walang pasahero ang nais mag-abot nito?
Marahil hindi pa sila handa,
Na hayaan kang suklian ang salitang "mahal kita",
Pero 'wag kang mag-alala,
Dahil maghihintay ako sa panahon na kung saan lahat ay tama na.
Kung sakali mang may bumabang pasahero sa may unahan,
At magkaroon ako ng puwang sa iyong sasakyan,
Handa akong iwanan ang pagkakasabit ko sa likuran,
Para samahan kang bumiyahe dito sa mundong walang kasiguraduhan.