Meron akong labing-isang daliri
Ilang beses kong binilang noong bata pa ako,
sinigurado kung labing-isa nga ba talaga
at nagtataka,
nagtatanong kung bakit may sobra pang isa.
Meron akong labing-isang daliri
May kanya-kanya silang mga kwento.
Labing-isa,
Hindi ko alam kung biyaya ba 'to o sumpa
Hindi ko alam kung bakit ako naiiba
Hindi ko alam kung paano ko ba 'to itatago sa mga tao
Sabi nila, suwerte daw 'to, magiging mapalad daw ang buhay pag-ibig ko, yayaman daw ako.
Sabi nila, okay lang daw maging iba
Sampu,
Nakilala ko ang pagaalinlangan at inggit,
Umupo sila sa magkabilang balikat ko,
Hindi na sila umalis simula noon,
Hindi ko sila pinaalis.
Halos buong buhay ko, nanatili ako sa katahimikan,
Hindi ako magsasalita hangga't walang kakausap sa akin,
Hindi ko itataas ang kamay ko sa klase kahit alam ko ang sagot.
Maghihintay ako na tawagin ang pangalan ko,
na may pumansin sa akin,
Maghihintay na may pupuno ng katahimikan ko.
Kung sisiyasatin mo ang utak ko,
Mabibingi ka sa dami ng boses na hindi ko napalaya.
Nakakulong, sa kani-kanilang mga selda,
Kanilang susi ay nawala na,
Umaasa na sila'y mahanap at magamit para masabi ang mga dapat nasabi
Siyam,
Tsaka ko lang nalaman ang halaga ng mga salita,
Kung gaano sila katalim,
Kung gaano sila katamis,
Kung gaano sila kapait.
Kung gaano sila nakakapagpabago ng isang tao.
Walo,
Wala pa ring tumatawag ng pangalan ko.
Wala pang pumupuno ng katahimikan.
Pito,
Hindi ko na alam kung may tatawag pa ba,
Kung may makakapuno pa ba,
kung ilang salita pa ang makukulong hangga't sa buong katawan ko'y maging selda ng sigaw, pait, inggit, pagmamahal, rason, at galit.
Anim,
Sinubukan kong unang mag salita,
Magkwento tungkol sa buhay ko, sa nararamdaman ko.
Pero parang walang nakarinig.
Hindi ko alam kung mahina ba boses ko
o hindi lang nila ako napansin,
o kung pinili ba nilang hindi ako pansinin
o kaya wala lang talaga silang ****.
Simula noon, nakinig na lang ako.
Kaya ikaw, oo ikaw na may storya
Ikwento mo yung mga naaalala **** nangyari sa'yo noong bata ka pa
Yung mga bangungot mo,
yung pinakanakakahiyang, pinakamasaya at pinakamalungkot na mga sandali ng buhay mo,
yung una **** naramdaman ang kiliti sa puso mo noong naintindihan mo kung ano ang pag-ibig,
Ituring mo akong talaarawan mo,
Pakawalan mo yung mga salitang tinago mo nang nagalit ka.
Iiyak mo sa akin lahat ng luha na hindi mo nailuha nang iniwan ka.
Itatago ko 'to sa pagsara mo, at papakinggan kita muli sa pagbukas.
Papakinggan kita.
Papakinggan kita.
Sana pakinggan mo din ako
Lima,
Nananahimik at nakikinig pa din ako.
Apat,
Mananahimik na lang ako.
Tatlo,
Sa katahimikan ko,
Nakalimutan ko na kung paano magkwento,
Nakalimutan ko na kung paano umiyak
Nakalimutan ko na din yata kung paano magsalita.
Dalawa,
...
Isa,
Natuto ako sumulat ng tula,
Nakahanap ng makukwentuhan,
Naramdaman ang saya nang makatapos ng isang piyesang may parte ng mga salitang nakulong at nakalaya muli.
Nagkaroon ako ng matatakbuhan sa katahimikan.
Nagbabakasakali na maalala ko ulit kung paano umiyak,
kung paano magkwento muli, na may makikinig na sana sa akin.
Nagbabakasakaling maalala ko ulit kung paano magsalita.
Meron akong labing-isang daliri,
Hindi ko pa rin alam kung biyaya pa rin ba 'to o sumpa.