Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Stephanie Aug 2018
Para sa Pusong Iniwan
: A Spoken Word Poetry by Stephanie Dela Cruz

Umuulan na naman pala
Basa na naman ang kalsada
Malamig na naman ang dampi ng hanging nagmumula sa bukas na bintana
Gabi na rin pala, nalipasan na nang gutom,
Nakapatay ang ilaw sa kwarto, pero maya’t mayang binibisita ng liwanag ng kidlat
ang malungkot na gabi
Ang hirap pala ngumiti kung may luhang dumadampi sa mga pisngi
Nakakatawa kasi eh. Buti pa ang kidlat bumibisita
Buti pa ang kidlat, may hatid na liwanag, tapos yayakapin ka ng kakaibang lamig ng haplos ng hanging dala nito
Mabuti pa ang ulan, bumubuhos na parang malayang-malaya
Bumubuhos kasama ng mga luha
Bumubuhos kasama ng mga sakit na iniwan
Bumubuhos kasabay ng pagluha ng pusong iniwan.

Umaga na naman pala
Buti nalang nagising ng maaga
Haharap sa mesa, at kagaya ng nakasanayan, magtitimpla ng mainit na kape
Tatangkaing gisingin ang diwa, susubukang palitan ng init ang hatid na lamig ng gabi
Iba talaga ‘pag hinahatid ka ng sariling paghikbi sa kapayapaan ng mundo ng mga panaginip
Doon kung saan walang sakit, yung bang walang imposible
Heto na naman, panibagong araw
Araw-araw kong nasisilayan ang sigla ng sikat ng araw pero bakit dama pa rin yung dilim kinagabihan
Hindi pa rin matanaw ang liwanag
Tinangay mo kasi
Sinama mo sa pag-alis
Bakit naman kasi ang bilis? Hindi man lang ako nakapagpaalam

Tanghali na pala
Oras na ng kain.
At tulad ng dati, inaaya pa rin nila ko kumain
At tulad ng dati, tumatanggi pa rin
Kasi alam ko pupuntahan mo ko tapos sabay tayong kakain
Dun sa dati, sa paborito natin
Tanghalian na pala
Pero imbis na sa pagkain ay sa telepono ako nakatingin
Hindi man aminin pero sa loob loob ko’y naghihintay pa rin
Para sa iyong “kumain ka na ba?” o “Puntahan kita, kain tayo”
Hingang malalim, yung may kasamang matinding damdamin

Ilang tanghalian pa at malilimutan rin kita

Malilimutan ko rin yung ningning sa’yong mga mata kapag kausap kita
Yung mga biro **** corny pero tatawanan ko pa rin kasi habang binabanggit mo yun, natutuwa  ako
Natutuwa ako na kasama kita
Natutuwa ako na kausap kita
Natutuwa ako kasi akin ka
Natutuwa ako kasi ang cute mo, para kang batang masayahin
Natutuwa ako kasi magkasama tayo
Natutuwa ako kasi solo natin ang bawat sandali
Natutuwa ako kasi ikaw yan at mahal kita

Yun. Tumpak! Mahal pa rin kita.


Matagal na rin pala.
At hindi na tulad ng dati
Memoryado ko na lahat ng pasikot-sikot ng pagkatao mo
Ginawa kasi kitang mundo ko
Mahirap.
Masakit.
At para lang malaman mo, hindi kita kinabisado na tila mga salita sa paborito nating kanta para lang limutin
Mahirap.
Masakit.
Hindi naman kasi kita ginawang mundo para lang lisanin
Pero hindi naman talaga kita nilisan, mahal.
Ikaw yung nang-iwan
Ikaw yung sumuko
Ikaw yung bumitaw
At matagal na rin pala
Nung sinabi mo sakin na “Malaya ka na” alalang-ala ko pa. Yun yung panahon kung kalian ayaw kong lumaya. Ayaw kong lumaya sa pag-ibig mo. Gusto ko masintensyahan ng habang-buhay na pagkakulong dyan sa puso mo, sa buhay mo.

Pinilit ko kumapit pero kinalagan mo ako, pangako, pinilit ko pero pinalaya mo ako

Matagal na rin pala
Mahirap pa rin.
Masakit pa rin.
Ako nalang ang hinihintay. Siguro’y panahon na.
Para sarili ko naman yung palayain ko
Hindi naman siguro kailangang pilitin
Hindi naman kasi ganoon kadaling kalimutan ang isang taong naging parte na rin ng pagkatao ko
Pero para sa ikalalaya ng pusong iniwan
Para sa ikagagaling ng pusong lubos na nasaktan
Sisimulan ko na…..                makalimot.

Pero teka…


Umuulan na naman pala.
Wag naman sana pero ayan na, papatak na naman pala


Maaalala na naman kita.
I just have every pain and smiles enough to write this piece, not necessarily the experiences. Perhaps, with all my heart
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.

— The End —