Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
G A Lopez May 2020
Ilang Huwebes at Linggo na ba ang nagdaan?
Ang aking mga bestida na nakalagay sa aparador ay laging pinagmamasdan.
Sa oras ng alas singko'y tumutunog na ang aking selpon
Magiinat at babangon.

Sinisikap kong laging makapunta sa kapilya
Doon sa tahanan Mo'y laging nadarama
Ang pag-ibig mo at pagyakap sa akin sa tuwina
Doon sa tahanan Mo'y naidudulog lahat ng aking nadaramang sakit at problema

Hindi na po kami makapaghintay Ama
Nais na po naming makabalik sa mahal **** Iglesia
Kung saan itinuturo sa amin ang iyong totoo at mahahalagang aral at salita
Ngunit alam kong darating ang araw, kami'y muling magsasama samang sa Iyo'y sasamba.

Nagkaroon man ng isang pandemya
Ngunit hindi nito napigil ang aking pananampalataya
Narito pa rin at masigla
Tunay na maawain at magpamahal Ka.

Kahit sa aming sambahayan ay iginagawad pa rin ang pagsamba
Sapagkat hangad naming Ika'y bigyan ng papuri at awitan ng kanta.
Ang laging panalangin ay 'wag sana kaming kalilimutan, o Mahal kong Ama
Kaming Iyong hinirang na sa Iyo'y lubos na nagtitiwala.

Nasasabik na ang puso't kaluluwa ko
Ang magpunta sa tahanan Mo
Sa madaling araw na pagsamba
Bumabangon ng maaga at mapapasabing,
"Oras na upang maghanda, hinihintay na ako ng Ama."
Stum Casia Aug 2015
May paligsahan ng palakasan ng palakpakan sa Batasan Complex.
May pabuyang naghihintay
sa mapuputulan ng kamay
kakapalakpak kahit palpak at sablay.  
Pabayaang maglaway ang mamamayan sa kaunlarang  ibabandila.
Hayaang mabilaukan ng kathang-isip ang mga pasilyo,
wawalisin na lang ito mamaya
o bukas kapag iba na ang usong balita.  
Kapag kasuotan na ang pinag-uusapan.

Madulas kayong lahat sa nasayang na laway.
Naghahanap ng away ang hindi pupuri.
Ang hindi sasamba.

Ang ayaw sumama sa pagsimba sa katedral ng kasinungalingan
pagugulungin sa labas ng bulwagan.
Walang puwang ang katotohanan kaninong palad man ito nakasulat.  
Kaya’t huwag itong iladlad.
Huwag itong itambad.

Huwag hubaran ang matagal nang nakahubad.

Ibibilad kayong mga bastos.
Iiwas sila sa pakikipagtuos,

dahil mas matigas pa sa mukha nila ang inyong katwirang
huwag sumali sa paligsahan.

Dahil ang masigabong palakpakan ay nakalaan sa sambayanang lumalaban.
Jun Lit Nov 2019
Noong musmos pa’y sabaw
sa isang malukong na pinggan
puno ng kaning may kaunting tutong
pagkaliban ko ng bakod, ika’y nakasalubong
kalooban ko’y kimi, dila ko noo’y urong

wala sa aking hinuhà,
walang sinangguning manghuhulà
sino ba’ng mag-aakalà
marmol **** bantayog
gatô palang kahoy ang loob
nang katotohana’y nabantog
sa kaunting yanig, gumuho ang moog

huwag daw sasamba sa mga d’yos-d’yosan
ngunit tila larawan ka ng may-kabanalan
haliging inasam na masasandalan
sa ilaw ko pala’y naging tampalasan

imaheng nadurog ay dagok sa aking likod,
at tila balisong na sa puso’y kumadyot
kulang ba ang hikbi ng pusang malambot?
labis bang nagmahal ang asong malikot?

Mahabang panahon ginugol, dumaan
Ang kapeng mainit lumamig,
Napanis na’t nakalimutan

Sa paglalakad, dinampot, hinimay
ang duming iniwan ng mga alamid
matiyagang pinagyaman
Isinangag ng paulit-ulit sa nagmumuning isipan
Giniling sa puso tumanaw sa pinagmulan
Tinimplahan ng matam-is na kapatawaran
Paglagok ng mainit, aking naramdaman
Tiwasay ang dibdib, may kapayapaan.
My ninth in my Brewed Coffee Poems series - poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.

— The End —