Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniel Dec 2017
Gusto ko ng panibagong balat.
Iyong maputi at makinis.
Mala porselana,
Na halos kuminang tuwing masisinagan ng araw.
Kabisado ko ang bilang ng araw,
Na ginugugol sa ilalim ng araw kakabanat.

Ngunit,
Ang panibagong balat,
Hindi nito ako kayang protektahan, alam ko.
Lilimitahan lamang nito ang mga nalalaman ko.
Ngunit,
Sa panibagong balat, nais ko magsimula.
Kilalanin at kalimutan ng halos magkasabay,
Ang imahe ng nakakadiri kong balat.

Bilang ang peklat.
Sukat ko kung gaano kalalim ito,
Noong sugat pa lamang.
Kaya ko gusto ng bagong balat para pagtakpan ito.
Baka sakaling iwasto ng bago kong balat,
Ang mga naimali ko.

Makikilala kaya ako ng ibang tao,
Sa bagong balat na suot ko?

Marahil hindi,
sana hindi,
panigurado hindi.

Nais kong magtago,
Sa paraan kung paano ako lulutang ng hubo't hubad.
Nang hindi ko na itatakip,
Ang aking palad sa aking dibdib,
Dahon sa ibaba ng puson.

Isisigaw ko ang salitang "PUTA!" ng napakalakas,
Halos magsisilabas
Ang mga putang mismong makakarinig,
At yayakapin ko sila.

Dahil bago ang balat ko, ito'y mainit.
Kumpara sa nahamugan kong balat kagabi.
Malinis,
Kumpara sa balat kong may dampi ng mabahong laway.
Mabango,
Kumpara sa mumurahing aficionado na nahaluan
Ng pawis ni Ricardo kagabi.

Bagong balat.
Ibebenta ko ang luma kong balat,
Sa gabing ito.
Bilhin mo ang aking balat.

May panibago bukas,
Pag-asa, hamon,
Mantikilya sa loob ng pandesal.

Gamit ang luma kong balat,
Makakabili pa ba ako ng bago?

Magkaiba ang bagong uri sa bagong palit.
Ang balat ko, nalaspag na.
Tulad ng puti kong damit,
Hindi na ito puti.

Marumi ang titig ko.
Marumihin ang aking naisuot.
Ang balat ko ay puno ng mantsa,
Ngunit bago ang aking suot ngayon, bagamat,
Iisa parin ng uri.

Balat na nakalaan para ulitin ang pagrumi at
Yurak sa puti kong suot.
Bagong balat, kulay puti.
Wala na akong maisuot.

Hubad na ang aking puri.
Hindi ko masuot ang salapi.
Magkano pera mo? Tara?
Nais mo bang makita ang aking balat?
Itong tulang ito ay patungkol sa prostitusyon. / This poem tackles prostitution.
Ź Nov 2015
Alam ko ikaw ay lilisan,
Iiwan ako ng walang pahintulot,
Ang pusong hindi pa handa,
Ikaw'y hahanap hanapin.

Pilit hinahanda ang sarili,
Upang pag ikaw'y lumisan,
Ito'y matanggap ng pusong,
Pilit isinasara mahalin ka.

Ngayon, ikaw'y lumayo na,
Bakit tila, hirap ang puson',
Iniwan tanggapin na wala ka na,
Sa aking piling.


Bakit kung kailan ako'y naghanda,
Dun naman labis ang sakit,
At dakot ng hapis sa aking puso,
Na iyong iniwan.*

J.D.P
reyftamayo Aug 2020
At sumibol ang mga mapagbunying isipan
sa makapal na balat ng lupa.
ang pinagtatakhan ko lang ay bakit
tila tinatangay tayo ng malakas na
daluyong ng karunungan patungo sa dagat
ng kalituhan?
ito ba'y matatawag na kamangmangan
sa sarili o sakit na nagdudulot ng
panghihinang tumayo sa paa,
na taas ang noo, at may pagkukusa?
ano nga kaya ang nagtatago sa likod
nitong makulay na isipan?

nanatili ang karamihan na pikit-mata
sa pagtanggap ng mga kaisipan ng kapwa
habang ang iilan ay abala sa
paghubog ng mga bagong panaginip
na syang lililok o lilipol sa
buong sanlibutan.
hindi man sinasadya, o inaasahan,
nagsilbing mantsa sa puso't puson
ang mga panaginip na ito.
kahit na sa mga pagkakataong
sarado tayo.
walang malay nating sinasagap
ang mga pakalat-kalat na talino
na para bang pagkain kung ito'y
manukso sa nagugutom na kalamnan.
kahit pa ito'y ikamatay,
mapagbigyan lamang
ang uhaw na nararamdaman.
hanggang sa tuluyan na itong
umalipin sa sinumang magtangka
na kumawala.

o sumpa ng galit na apoy
ng nagbabagang impyerno?
tayo lang ang inaasahang sumaksi,
maging alin mang panig
ay tama o mali.
malaya tayong mag-isip
at mawalan ng saysay na parang
alikabok sa higanteng pusod
ng mabangis na lipunan.
o kaya naman, palihim na sumibol
sa gitna ng disyerto
kahit na nag-iisa.

— The End —