nang dumating ako sa kalyeng puno ng alaala
pinagmasdan ang kalsadang bagong gawa
bakas pa rito ang pagdaan ng mga pison na pilit na pinapantay ang baku-bakong landas ng aking kinabukasan
'di pa gaanong tuyo ang itim na aspaltong kalalagay lang
at sinusubukang takpan ang sementong 'di man lang nakatikim ng liwanag tulad ng aking puso
ang aking pusong sa bawat tibok ay binubuhusan ng malagkit na aspalto ng pagkalimot
at ang sementong balot na balot ng matigas at malutong na aspalto'y paulit-ulit na dinadaanan na tila walang pakialam sa kung gaano ba kasakit masagasaan nang paulit-ulit, paulit-ulit, paulit-ulit
hanggang sa magkawatak-watak ang aspaltong kalasag ng semento mula sa liwanag
at kung ito'y mangyari ay susubukan muling ayusin
at bubuhusan ng mainit na aspalto upang takpan ang mga sugat at butas na sumisilip sa liwanag
ngunit tulad ng pagdidilig sa patay na halaman o sa pagpilit na malimot ang minahal
ay imposible at walang katuturan
dahil ang nagagawa lamang ay baku-bakong kalsadang puno ng alaala
at kung pagmamasdan ang kalyeng bagong gawa
ay bakas ang paghihirap at pagpilit na ikubli ang itinatagong nakaraan