‘Heto na naman tayo’t nagbabangayan
Parating nagtatapat na magkabilang panig
Sinusubukang amuhin ang galit na nadarama
Pinipilit ayusin ang matagal nang nasira
Nandiyan ka na naman sa iyong sulok
Hindi mapigilang umiyak at magmukmok
Ako nama’y nandito sa kabilang dako
Pinupulot ang mga bubog na iyong binato
Ang mga sugat na matagal nang naghilom
Muli na namang binuksan ng mga sakit ng kahapon
Bakit pa ba natin binabalikan ang nakaraan?
Ang gusto ko lang naman ay ang ‘tayo’ ng kasalukuyan
Ngunit sa bawat titig na iyong binibitawan
Para bang ramdam mo pa rin ang sakit na ako ang pinagmulan?
Ano pa ba ang dapat kong gawin?
Para tuluyan mo na akong patawarin?
Isang patawad na paulit-ulit na lang sinasambit
Isang patawad na matagal na dapat pumawi ng galit
Ngunit sadyang ganon yata talaga ang tindi ng sakit
Kung kaya’t ang pagsusumamo ay dadahan-dahanin at ‘di na ipipilit
Mula sa nakalalasong relasyon ika’y aking pinalalaya
Sige na’t humayo ka, bumangon at humanap ng ikasasaya
Mahirap para sa akin na ika’y bitiwan na parang wala
Ngunit ito’y ginawa dahil kahit ganon ay mahal pa rin kita
Isang rason lang ang aking sasabihin
Isang rason na sana’y di mo limutin
Sa pagdating ng tamang oras sana ako’y maalala mo rin
At ang pag-ibig na pinanghahawakan ang maging tulay para ika’y bumalik sa akin
First ever Tagalog poem. First time writing in my native language. I'm pretty much nervous but I hope it's well-received. :)