Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
AL Marasigan Jul 2016
1:40 am,
Ganitong oras mo ‘ko sinagot
Ganitong oras mo pinaramdam sa’kin na mahal mo rin ako
Ganitong oras ko narinig ang mga katagang mahal kita mula sa’yong mapupulang labi
Kaya naman, sa ganitong oras ko din isisiwalat kung gaano kita kamahal
Matagal ko na ‘tong pinaghandaan
Di ko nga tansya kung ilang letra, ilang salita o ilang talata ang nasulat ko
Di ko na tansya kung ilang araw ko ‘tong kinabisado para lamang maging perpekto sa harapan mo
Di ko tansya kung ga’no nga ba kita kamahal, nung tinanong mo ‘ko
Pero ngayon, ito na.
Ala-una kwarenta ng umaga, ginising ako ng isang panaginip
Panaginip na nagbigay init sa puso kong natutulog.
Ito din yung oras kung
kailan ako’y natataranta kasi nga may pasok na naman.
Ito rin yung araw
kung kalian kita unang nakita.
Di ko alam kung tadhana nga ba, na napaniginipan kita bago kita nakilala
Tandang-tanda ko pa…
Yung mga ngiting binigay mo sa’kin nung ika’y nasa panaginip ko pa lamang
Tandang-tanda ko pa…
Yung mga ngiti mo
Nung tinanong mo ‘ko kung
kailangan ko ba ng tulong
sa mga akdang-araling binigay sa’tin ng ating mga ****
Tandang-tanda ko pa….
Na hirap akong makatulog
kasi nga
di ako makapaniwala na ang babaeng napanigipan ko’y
Magiging kaklase ko
Kaya naman
Sinet ko na ang alarm sa 1:40 am simula nung araw na yun
Araw-araw
Para lamang itext ka ng goodmorning at gulat naman ako
Kasi nga, nagrereply ka pa sa ganoong oras
Destiny at meant for each other nga naging mantra’t mentality ko noon.
Di ko nga alam kung ako ba’y nasa loob pa ng isang panaginip
O ito ba’y kathang-isip na lamang
Masaya ako!
Hindi, Mali
Sumaya ako simula noon
Kaya naman ginagawa ko ang lahat ng gusto mo at pinipilit gustuhin ang mga ito
Para lamang matugunan ko ‘tong pag-iisip ko na
TAYO NGA’Y PARA SA ISA’T-ISA
Nakakatawa kasi nga dumating yung araw na para nalang akong tangang
Di ginagamit ang kokote dahil nagpakabulag na sa tinatawag nilang pag-ibig.
Tangang, pinabayaan ang sarili para lamang mapasaya ka
Tangang, pinaubaya ang lahat sa mga salitang *“Mahal kita”

Tangang, akala na ang lahat ng bagay na ginagawa mo at ginagawa ko ay
Si tadhana ang may pakana*
Ngunit di pala, ito pala’y purong katangahan na lamang
Ang akala kong nagpupuyat ka rin para lamang makareply sa text ko pagsapit ng 1:40 am
Ay di pala talaga para sa’kin
Ang akala kong panaginip na nagbigay init sa pusong malamig na natutulog
Ay panaginip pala na sinunog ang natunaw ko nang puso dahil sa malaanghel **** boses
Ang akala kong pananginip na nagbigay kulay sa buhay kong matagal nang matamlay
Ay panaginip pala na sa sobrang kulay ay nagbigay kadiliman na lamang
Ang akala kong perpektong panaginip
Ay panaginip palang maraming butas at naging isang masakit na bangungot na lamang
Mahal, sa ganitong oras mo ‘ko sinagot
Sa ganitong oras mo binigkas ang mga salitang matagal ko nang inaasam-asam
At sa ganitong oras mo din binigkas ang katagang
“Tapos na tayo”
1:40 am
Nagising ako sa isang panaginip
Panaginip na purong kadiliman na lamang
Panaginip kung saan ang kasiyaha’y naging purong kalungkutan na lang
Mahal, sa ganitong oras ko isisiwalat ang lahat
Kaya maghanda ka na,
Kasi di ko tansya kung ilang salita, ilang talata o ilang araw ko tong pinaghandaan
Para lamang maging perpekto sa harapan mo
Di ko tansya kung gaano nga ba mo ko minahal
O kung minahal mo ba talaga ako
Pero ngayon, ito na….
1:40 am
Malapit nang masira ang aking tainga dahil sa pagtunog ng orasan.
Ginising na ako ng katotohanang wala nang ‘TAYO’
Kaya naman ako’y
Bumangon, tumayo’t binago na ang alarmang inilagay,
Gising na ako, gising na gising.
Masaya, masayang-masaya!!
Kahit wala ng ‘TAYO’

Time Check: 1:41 am
Spoken Word Piece.
Copyrights Reserved.
                                                         -Alenz Marasigan
JK Cabresos Nov 2011
Nakatindig sa harap ng mga nangagdaan;
Sa pagtunog ng batingaw, ikaw ang s'yang naaalala,
na ikaw sana'y magbalik.
Ako ngayo'y nakabinbin sa bangin ng kalungkutan:
Nasa'n ka na nga ba?
Sadyang 'di kita matanaw kahit man lang ay saglit.

Nalulunod ako sa mga luha
sa bawat oras ng pagkadapa,
Nakapako sa krus ng pag-iisa't pighati;
'Sang pinsala dulot ng pag-ibig
na nawaglit lang ng bigla
Nasa'n ka na nga ba?
Hinahanap-hanap kita sa bawat sandali.

Nakakulong sa rehas ng iyong pagmamahal,
At sa pagdating ng hating-gabi,
ginagapos ng lubid ng karimlan:
Walang mahagilap na dahilan
sa paglayo mo mula sa 'king piling,
Bukod-tanging kahapon na lamang
ang aking sinusubukang gunitain.

Subalit gulo ang s'yang aking batid,
pait ang s'yang aking lasap;
Ni walang kapayapaan,
ni bigkis man lang ng galak.
Tayo sana'y ikakasal na, ba't ka pa lumisan?
Nasa'n  ka na nga ba?

At kung hindi ka pa rin darating,
sa panahong mundo na'y magdidilim,
Maghihintay pa rin ako sa 'yo
hanggang mayro'n pang akay na takipsilim.
© 2011 (Revised)
Itaas na ang bandera at iwagayway
Iharap pababa sa mga naglulupasay

Dito magsisimula
Ang pagkuha ng retrato
Dito magsisimula
Ang pagkuha ng “selfie”

Sa pagtunog ng isang “click”
Ay makukuha ang atensyon mo,
Maaaliw ka,
Mabibighani’t mapapatingin
At tila pag kumukuha ka ng retrato
Ay ikaw ang pinakamaganda
Sa naglalakihang lente na nasa screen

Sa pagtunog ng isang “click”
Ay mapapangiti ka
Photogenic daw, ika nga
At sa pagkatapos lagi ng mga ito
Ay mawawala nalang bigla
Na tila nagsusuot ka ng antipas
Tuwing nakangiti nagpapakuha ng retrato

Sa pagtunog ng isang “click”
Ay mag aayos ka
Magpapagwapo’t magpapaganda
At tila isa itong contest
At kailangan ikaw ang pinakamaganda
At sa pagkatapos nito
Ay titignan mo kung nadaig mo ba sila

Ngunit bakit ikaw na hindi naman kumukuha ng retrato
Ay tila nagiging isang kodak o kamera

Na sa tuwing tumitingin ako sayo ay tila makukuhanan ako ng retrato
Na tuwing nakikita kita, wala mang click, ay titingin ako sa mga mata mo na tila lente ng kamera

Sa paglapit mo saakin
Ay makukuha mo ang atensyon ko,
Maaaliw ako, mabibighani’t mapapatingin
At tila pag kasama kita
Ay wala akong mahiling
Kundi ang patigilin ang oras
Para manatili sa piling mo

Ngunit bakit kapag nasa iyo ang atensyon ko
Ikaw ay nakatingin naman sa iba
Hindi ang pagiging nandito ko ang tumatakbo
Sa munting isip mo, kundi siya

Sa paglapit mo saakin
Ay mag aayos akong bigla
Magpapagwapo o magpapaganda
At tila isa itong contest  
Na kailangan madaig ko siya
Pero parang hindi ko kaya

Dahil kahit kailan hindi ko madadaig siya
At kahit na gaano mo pa ako lapitan
Siya parin ang magiging malapit dahil sa kariktan
At ako ay maiiwan sa alon ng pag-iisa

Sa paglapit mo saakin
Ay mapapangiti ako
Lalabas ang mga ngipin
Na tila nasa isang patalastas ako ng colgate
Ngingiti
At ngingiti lang

Ngunit sa likod ng mga ngiting ito
Ang tinatago ko ay luha

Mga luha na hindi ko ninanais na makita mo
Sanhi ng simula mo ‘kong paasahin

Mga luha na pinili kong itago mula sa’yo
Dahil alam ko rin naman na hindi mo ito papansinin

Hindi ka naman kodak na itinataas ko
Ngunit bakit pakiramdam ko ay nakatingin ka saakin pababa
Habang ako’y nasasaktan at nagluluksa

At sa pagtapos ko ng piyesang ito
Ang tanging hiling ko lamang ay
Mga retrato na maaaring itabi
Dahil nag uumapaw na ang mga mata kong gusto nang matuyo

Itaas na ang bandera at iwagayway
Iharap pababa sa mga naglulupasay

Dito magtatapos
Ang pagkuha ng retrato
Dito magtatapos
Ang pagkuha ng “selfie”
This  poem is meant to be spoken
Sa pagdating **** napabalita
Unang sulyap palang namangha na

Gayak na sinauna
Sa paningin mahalina
Musikang kaytanda na
Sa pandinig mahiwaga

Mahalaga ang gabi
Simula ng pagsaksi
Kwento kong inabangan
Hatid niyang kasaysayan

Sa aking talambuhay
Gabing iyon may saysay
Nasa pagtitipon
Mga kaklase noon

Kapitbahay inuman
Masaya ang kwentuhan
Subalit ako’y saglit
Umuwi sa malapit

Iyon ay dahil batid ko
Simula na ng kwento
Ng kanyang unang yugto
Gabing Trenta ng Mayo

Mula nang araw na ‘yon
Pagsubaybay tradisyon
Naging makabuluhan
Likhang pampanitikan

Subalit ‘di naglaon
Nawalan telebisyon
‘Di hadlang gayunpaman
Sa radyo’y pinakinggan

Mula pagkabinukot
Hanggang aliping tulot
Babaylang naging ****
Mandirigmang pinuno

Nilupig at nanlupig
Inusig at nang-usig
Natulig at nanulig
Inibig at umibig

Nagtago at naglakbay
Namatay at nabuhay
Tinanggap at nagpanggap
Naghirap at nilingap

Sakay ng karakoa
Tinungo ibang banwa
Naghanda sa pagbalik
Upang ganti’y ihalik

Sa mabagsik na raha
Na pumatay sa ama
Sa pinunong baluktot
At sa harang nanalot

Mangubat at Angaway
Mga rahang kaaway
Lamitan na ninanay
Nais siyang maging bangkay

Sa kahuli-hulihan
Lahat sila’y talunan
Sa babae ng tagna
Walang iba – Amaya

Salamat, umalagad
Maging hanggang sa sulad
Salamat, kapanalig
Laban sa manlulupig

Salamat, Uray Hilway
Mga tinuran gabay
Salamat kay Bagani
Pag-ibig nanatili

Salamat sa Banal na Laon
Diyos ng mga ninuno noon
Kina Amaya’y panginoon
Tagapagpala ng kanilang nayon

Ang dulo ng epikong kapapanaw
Akala’y ‘di na matatanaw
Salamat sa unang Christmas bonus
May TV na bago taon ay matapos

Mahalaga rin ang gabi
Katapusan ng pagsaksi
Huling yugtong tinunghayan
Ang kamatayan ni Lamitan

Sa aking talambuhay
Gabing iyon rin ay may saysay
Nasa huling burol at lamayan
Bago at matapos subaybayan

Iyon ay kakaibang alaala ko
Sa katapusan ng kwento
Ng kanyang huling yugto
Biyernes – Trese ng Enero

Nagbrown-out pa nga
Habang oras ng balita
Buti nalang at umilaw
Sa tuwa ako’y napahiyaw

Sa pagtunog ng huling musika
At paggalaw ng katapusang eksena
Bukas TV at radyo
Sa makasaysayang mga tagpo

Ngayong gabi ng paglikha
Ng tulang handog sa programa
Unang gabing kapani-panibago
Dahil wala na sa ere ang paborito ko

Subalit ang Alaala ni Amaya
Mga gayak, musika, tauhan at kultura
Mga aral, tinuran, inspirasyon at ideya
Mananatiling buhay sa aking diwa!

-01/16-17/2012
(Dumarao)
*missing my favorite program
My Poem No. 93
15 Ikalabingwalong kaarawan na
Ng binukot na prinsesa

16 Ang pagiging dalaga niya’y ganap
Isang prinsipe ang ihaharap

17 Panahon na upang lumabas sa palasyo
Humarap sa mga mamamayan at mga dayo

18 Ngayong nasa harapan na ng madla
Ipakikilala sari-saring mga binata

19 Tangan ang mga regalo
Sa prinsesang sinusuyo

20 At pagtunog ng mga tambol at plawta
Si Dara’y makikisayaw na

21 Sa mga lalaking napupusuan
Na sa mga pagsubok idadaan.

-06/23/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 143
Prince Allival Mar 2021
Nakatindig sa harap ng mga nangagdaan
Sa pagtunog ng batingaw, ikaw ang s'yang naaalala, na ikaw sana'y magbalik.
Ako ngayo'y nakabinbin sa bangin ng kalungkutan: Nasa'n ka na nga ba?
Sadyang 'di kita matanaw kahit man lang ay saglit.

Nalulunod ako sa mga luha
sa bawat oras ng pagkadapa,
Nakapako sa krus ng pag-iisa't pighati;
'Sang pinsala dulot ng pag-ibig
na nawaglit lang ng bigla
Nasa'n ka na nga ba?
Hinahanap-hanap kita sa bawat sandali.

Nakakulong sa rehas ng iyong pagmamahal,
At sa pagdating ng hating-gabi,
ginagapos ng lubid ng karimlan:
Walang mahagilap na dahilan
sa paglayo mo mula sa 'king piling,
Bukod-tanging kahapon na lamang
ang aking sinusubukang gunitain.

Subalit gulo ang s'yang aking batid,
pait ang s'yang aking lasap;
Ni walang kapayapaan,
ni bigkis man lang ng galak.
Tayo sana'y habangbuhay na, ba't ka pa lumisan?
Nasa'n  ka na nga ba?

At kung hindi ka pa rin darating,
sa panahong mundo na'y magdidilim,
Maghihintay pa rin ako sa 'yo
hanggang mayro'n pang akay na takipsilim.

— The End —