Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pusang Tahimik Feb 2019
Sa bawat sandaling  pumapatak
Isa lamang ang tiyak
Mundo ay aking hawak
Bulong ng isipang may pakpak

Heto nanaman, heto nanaman
Baliktad na yata ang aking orasan
Puso't isip ay nagugulumihan
Sa ilalim ng matirik na buwan

Mga pangungusap ay di maawat
Parang pangarap na pilit inaakyat
Tumigil kana at ako'y napupuyat
Isip ko na sa gabi laging nakamulat

Ang nais niya ako ay diktahan
Lasunin ang isip ng kasinungalingan
Iwanang hubad at sugatan
Patayin ng unti-unti at marahan

Siya'y pilit na nakikipag-talo
Ngunit hinding-hindi ako magpapatalo
Sumikat na ang umaga't walang nanalo
Ngunit tila mata ko yata ang talo

JGA
JGA
Jor Sep 2016
I. Kilig
Unang kita ko palang sa'yo—
Gusto na kita maging parte ng buhay ko
Sinong hindi kikiligin sa tuwing
Ngumingiti ka rin,
Sa tuwing ngumingiti ako sa'yo.

II. Kaba
Sa tuwing kakausapin kita,
Nauutal ako.
Nagbubuhol-buhol ang mga salita—
Na enensayo ko pa kaninang umaga.
Kasi araw na ‘to ipagtatapat ko na—
Ang tunay kong nadarama.

III. Saya
Dahil sa wakas nasabi ko na!
Hindi ko akalain na pareho ating nadarama.
Sinong hindi sasaya?
Kapag nabigyan ka ng perbilehiyong—
Magkaroon ng “tayo” sa pagitan ng
Dating “ikaw” at “ako” lamang.

IV. Galak
Alam ng Diyos kung gaano nagagalak
Sa tuwing magtatagpo ang mga mata.
Alam ng Diyos kung gaano ako nagagalak
Sa tuwing hahawakan ko ang kamay mo.
Sa tuwing magkausap tayo magdamag
Alam ng Diyos kung gaano ako nagagalak
Nung simula kang maging parte ng mundo ko.

V. Inis
Naramdaman ko rin ang inis
Sa tuwing binabalewala mo ako,
Sa tuwing iba ang kasama mo,
At hindi ko namamalayang
Nagseselos na pala ako.

VI. Pangamba
Nangangamba ako,
Sa tuwing aalis ka ng walang permiso.
Sa tuwing hindi ko alam kung sino kasama mo.
Nangangamba ako,
Sa anong pwedeng gawin mo—
Sa tuwing nagkakaroon tayo ng pagtatalo.

VII. Takot
Takot ako na magsawa ka sa gaya ko.
Takot ako na baka makahanap ka ng iba
Yung kayang higitan ang isang tulad ko.
Takot na baka isang araw—
Hindi na ako ang iyong mahal mo.

VIII. Lungkot
Madalas malumbay na gabi ko.
Sabik na sabik ako —
Sa mga yakap mo,
Sa mga dampi ng mga halik mo,
Sa mga magagaan na haplos sa ulo ko.
At sa mga gabing natatakot ako.
Gusto ko lang na nandirito ka sa tabi ko.

IX. Pangungulila
Dumaraan ang mga araw, linggo at buwan
Na wala ka nang oras sa akin,
Gusto sana kitang puntahan
Ngunit alam kong—
Na mas importante ka pang gagawin.
Naiintindihan ko naman
Pero anong magagawa ko?
Nangungulila ako sa’yo.
derek May 2016
Napapagod na akong tumingin sa Facebook ko.
Sa dingding ng mga masasayang larawan ng mga kaibigan, katrabaho
Sa dingding ng mga opinyon na nagdudulot ng masalimuot na pagtatalo
Sa dingding ng mga tagumpay na nakamit mo sa pagsusumikap mo
Sa dingding ng mga narating **** lugar na sobra na ang layo
Sa dingding ng mga video ng pagbigkas mo ng tula sa harap ng maraming tao
Sa dingding ng mga sandaling iginapos mo para ipamukha sa akin na ang buhay ko ay pagkabaho.

Salamat sa mga larawan ng masasayang sandali kasama ng iyong kabiyak
ng inyong matamis na pagmamahalan, na sa sobrang tuwa gusto mo nang umiyak
Nang matuloy kayo sa simbahan, oo na, marami na ang nagagalak
Eto na ang puso ko, wag ka nang mahiya, tuhugin mo na ng itak.

Salamat sa mga opinyon mo tungkol sa paborito **** kandidato
Wala ka na atang ibang ginawa kung hindi halughugin ang Internet para sa bawat artikulo
Para isulat sa dingding mo kadikit ng mga opinyon **** walang humihingi, kahit na sino
Para kang teacher ko na may dalang nutri-bun na isinasaksak pilit sa akin kahit sukang-suka na ako.

Salamat sa mga salita ng pasasalamat na binibigkas mo
kung gaano kadaming biyaya ang ipinagkaloob ng Bathala sa iyo
Sa bawat tagumpay na nakamtan mo sa napili **** trabaho
Naitatanim ko tuloy sa aking isip, kung bakit ang layo mo gayong sabay lang tayo?

Pasensya na, malamang sa inyo ay may natatamaan ako
Wala akong planong durugin ang kahit na anong ugnayan ko sa inyo
Gusto ko lang banlawan, langgasin ang nalalasong utak at puso ko
na pinapatay ng Facebook sa tuwing titignan ko ang mga dingding ninyo.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na sa paninindigan ako ay wala
Na hindi ko kaya maglahad ng opinyon kasi walang papansin, walang maniniwala
Dahil maraming beses na akong naging tapat noong ako ay nasa highschool pa
Wala akong naging kaibigan. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na hindi na ako makakarating kahit saan pa.
Kasi pinili kong manatili, kahit mainit, kumpara sa ibang bansa
Dahil nanuot sa aking dila na hindi ko kayang makipag-usap sa kahit na sinong banyaga
Kasi palpak ang Ingles ko. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na mamamatay akong mag-isa
Na hindi ako magkakaroon ng pagkakataong lumigaya
Dahil sa pinalagpas kong sandali, ay hindi na mauulit pa
Dahil wala akong kwentang lalaki. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Sobrang baba na ng pagtingin ko sa sarili ko.
Ang tanikalang gamit sana para makipagugnayan sa mga kakilala ay tila naging isang angkla na humihila sa mga paa ko
pailalim sa karagatang puno ng mga pusong natalo
Nabigo sa pag-ibig, sa buhay, at sa kahit na ano.

Kaya lalayo na ako sa mga dingding ninyo.
Hindi na ako papayag na manatiling tumatanggap na lang ng kahit na anong ipapaskil mo.
Tatakas ako sa mga rehas na nilikha ng mga masasaya ninyong minuto
Magtatayo ako ng sarili kong dingding. Bubuuin ko ang aking pagkatao mula sa pagkakapira-piraso.
Joshua Feb 2019
Sa relasyon bawal ang makasarili.

Sa bawat pagtatalo, pilit kitang iniintindi
Sa bawat paglayo mo, pilit akong tatabi
Pero nakakasawa pala ang paulit-ulit.
Mas mabuti kung hindi ko na ipilit.

Hinayaan kitang lumayo,
Di dahil di na kita mahal,
Hinayaan kitang lumayo,
Upang puso mo ay di ko na masaktan.

Hinayaan kitang magmahal ng iba,
Di para ako'y kalimutan.
Hinayaan kitang magmahal ng iba,
Kasi sya ang iyong kasiyahan.

Hinayaan kita.
Ang tanga ko.
Michael Sep 2020
Napalitan na ng sigawan
Na dati’y isang malakas na tawanan
Nakaririnding bagsakan ng pintuan
Na nagbibigay kaba sa’king kalooban
Mabibigat na yabag ang bumabagtas paakyat at pababa ng hagdan
Na tila nagpapahiwatig na may nangyaring sagutan,
Nakakabinging katahimikan
Na minsan ay hindi ko ginustong maranasan

Walang katapusan na pagtatalo
Palaging nakalingon sa nakaraan, hindi magawang kalimutan
Ilang taon na ang lumipas ngunit palaging hinuhugot pabalik sa kasalukuyan,
Palaging mayroong argumento
Pero ano ba ang tunay na napapala?
Sino ang nanalo at sino ang natatalo?
Sino ang magdedetermina sa kanilang dalawa na tama na?
Sino sa kanilang dalawa ang unang magtataas at magwawagayway ng kanilang puting bandera?
Hindi lingid sa aking kaalaman na wala isang perpektong pamilya
Hindi maiiwasan ang pagkakaroon nang hindi pagkakaintindihan
Ngunit ang isang away at papatungan pa ng isang away, parang ibang usapan na yan.

Kaya minsan-
Mas pinipili ko na lamang ang mag-isa
Magkulong maghapon at magdamag sa kwarto habang sa’king kama’y nakahiga
Nakikinig sa mga luma’t bagong musika, o ‘di kaya naman nanunuod ng pelikula
Sapagkat iyon ang mga oras nawawala ang aking pangamba
Na baka mayroon sumabog na alitan sa pagitan ni ama’t-ina

Tahan na tahanan,
Napalitan na ng sigawan ang dating malalakas na tawanan
Hindi na ikaw ang munting bahay na masaya kong inuuwian
Punong-puno ka ng tensyon at ang enerhiya sa paligid mo’y hindi na kaaya-aya
Ang tanawin sa iyong apat na sulok ay hindi na maganda
Kung kaya’t tahan na tahanan,
Parehas tayong umasa na ang lahat ay babalik sa dati nating nakasanayan

— The End —