Hanggang dito na lang ba tayo?
Hanggang dito na lang ba ako?
I.
Matagal na itinagong damdamin
Hiniling noon na mapansin
At dahil sa ihip ng hangin
Tinangay sa'yo ang pagtingin.
Sabay tayong lumaban
Upang mapatunayang pang-matagalan
Pagsuko ng isa'y 'di inaasahan
Paano na ang pagmamahalan?
Oras ang ipinagkait
Kaya ba ayaw nang kumapit?
Mahal, kay tinding sakit
Ito ba talaga ang kapalit?
Hanggang dito na lang ba tayo?
Hindi na ba madadaan sa suyo?
Hanggang dito na lang ba ako?
Pagmamasdan na lamang paglisan mo.
II.
Mahabang buhok na kulot
Wari ko'y hindi ka salot
Muntik na akong mabuslot
Sa butas ng pag-ibig na dulot.
Nakapagpalagayan, loob ay gumaan
Araw-araw kausap, hindi nagkasawaan
Dumating ang puntong nagkalokohan
Namumuong damdami'y pinaglaruan.
Sinabing mahal mo ako noong lasing ka
Akala ko'y totoo kaya naniwala na
Ganoon na siguro ako katanga
Kahit kasinungalinga'y pinaniwalaan na.
Hanggang dito na lang ba tayo?
Nasiyahan ka ba sa paglalaro?
Hanggang dito na lang ba ako?
Sasakyan na lamang ang mga biro mo.
III.
Sobrang lapit pero malayo rin
Kayang tanawin at lakarin
Inhinyero, hindi mo ba mapansin?
Na ang puso'y nais gapangin.
Sa pagdaan ay umaasa
Sa eskwelahan ay palinga-linga
At kapag natanaw na
Ibang saya ang dala mo, sinta.
Nguit dumating na ang panahon
Ang panahong hindi na makaahon
Pagtangi'y kailangan nang ibaon
Ito na ang huling desisyon.
Hanggang dito na lang ba tayo?
Na ayos lang kahit sa pagtango?
Hanggang dito na lang ba ako?
Aasa na lamang sa paglampas mo.
Alam kong walang magiging tayo
Kaya sawi na naman ako.