Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Glen Castillo Jul 2018
Balanseng pakikibaka,
Ito ang araw araw na ipinamulat sa akin
Ng pang araw araw ko ding pagtira
Sa mundong hindi naman timbang ang hustisya

Magkabilang panig na inaasahan ng lahat
Na sana'y magpantay ang timbangan
Ngunit ang katotohanan?
Likas nang mas mabigat ang kabila
Kaysa sa nasa kabila.

Lahat daw ay pantay pantay
Sabi ng matandang kasabihan
Ngunit para sa akin?
‘Yan ay isang malaking kalokohan

Wala pa namang naging malinaw na paliwanag
Sa uugod-ugod na paniniwalang iyan
Nakakapagod pantayin ang mga bagay-bagay.
Sa kadahilanang hindi naman pantay pantay ang layunin ng bawat nilalang

Sa lipunang,
Kailanma'y hindi na magiging patas
Sa mundong,
Kailanma'y hindi na bababa ang mga nawili na sa itaas,
Sa daigdig,
Na ang nasa ilalim ay lalo pang nadidiin

Paano pang mag-aabot ang langit at lupa
Kung mananatiling bakante ang gitna
Kung ang biktima ay lalong inaakusahan
At ang may sala ay patuloy na hinahangaan

O lupa kong hirang, o Inang kong Bayan
Tayo ba’y ang mga walang kapaguran panaginip?
Hanggang kailan tayo maaaring maidlip?
Tayo ba’y ang mga hindi natutulog na batis?
Hanggang saan tayo padadaluyin ng mga agos ng hinagpis?
Tayo ba'y ang mga sigaw
Sa kwebang walang alingawngaw?
Hanggang kailan tayo magtitiis
Sa 'di makatarungang ''Mga Bulong ng Hapis''.




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
AK na Makulay Nov 2019
Sa kasaysayan ng aking bukas na pagkamulat
Hindi lamang kaalamang pang-ibabaw kundi pati panloob nami’y binulabog
Hindi lang hinayaang sumakay sa bangka kundi pati pagsagwa’y itinuro
Binuksan ang inaakalang hindi na mahihigilap o matatagpuan man
Pero higit pang liwanag ang iyong ipinadama, at ipinahamon sa dilim na nagtuturo

Binusog mo kami ng kasaganaang higit pa sa inaasahan
Sa yakap ng pag-irog, pang-unawa at pagtuklas
Pamilyang naging karamay sa bawat hirap, gutom at pagsubok
Tunay na tahanan ng mga propeta, tunay na naging huwaran sa aming kalagitnaan
Hinubog mo kami ng may pagkakakilanlan buhat sa aming pagkakaiba’t iba

Kinalampag mo hindi lamang ang aming tenga, bibig at mata
Ngunit buong pandama nami’y iyong ginigising
Pati ang kaibuturan ng aming mga laman at buto
Inilubog kami sa karanasang nakakapagpabago
Upang konkretong sumaksi na may tapang at dangal

At dahil dito, sama-sama’t magkaagapay tayong kumikilos
Nakikiisa sa tanging layon ng Kristong sinusundan
Ang bukal ng kasaganaan at kahulugan ng buhay
Patuloy na bibigyang kulay at padadaluyin sa ugat’ dugo ng pakikibaka
Hayagang ipalalaganap at isasabog sa buong sangnilikha
Na may pagkilala sa Diyos na Buhay, ng Kasaysayan, Kaayusan, at Pag-ibig

Pagpupugay sa Tahanan ng mga Propeta, Union Theological Seminary!
Sa Sampung Dekada at Labindalwang Taon
“Masaganang Nananahan,
Buong Diwang Sumasaksi,
Bukas-palad na Naglilingkod!”
Isang Pagkilala sa Union Theological Seminary!
AK Tadiosa|October 20, 2019

— The End —