Kahanay niya ang tambak
Ng basura ng lansangan
At sanlaksang mga matang
Naguudyok upang ihanay
Niya ang kanyang sarili sa
Naaagnas na pag-asa ng lipunan.
Siya ay puta. Sa dambana ng
Mga banal, kasabay niyang
Umuusal ng dasal ang mga
Paham ng pamantasa't
Pamantayan ng pagiging tao.
Siya ay tao sa paningin ng mga
Hayop. Siya ay hayop sa paningin
Ng mga tao. Siya ay puta. Ano mang
Anyo't samyo ang paulit-ulit niyang
Ipalit at ipilit sa nakapinid na
Pangunawa't awa ng mga nagsasabing
Sila ay hindi mga puta, ang katotohanan
Nga ay katotohanan. Siya ay sumasaatin.
Nasa simbahan. Nasa Pamahalaan.
Nasa paaralan. Nasa pamilihan.
Nasa ng laman. Siya nga ay sumasaatin,
Sumasalamin sa kalipunan ng mga
Kabulukan ng ating lipunan.
Mga puta.
"All that is solid melts into air; all that is holy is profaned..."---KARL MARX
University of the Philippines--Diliman
Quezon City, Philippines
December 10, 2013