Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
KRRW Aug 2017
Si Jamaeda:
Isa siyang matrona
na ang pangarap
ay ang wagas
na kagandahan.
Palagi siyang
nilalait ng kanyang
mga kaeskwela.
Maging mga kapatid niya
ay nilalayuan siya.
Samantala,
ang mga magulang niya
ay ikinahihiya
ang kanyang
kakatwang presensiya.

Isang araw,
kanyang natuklasan
isang natatanging pormula
upang makamtan
pinakamimithing kagandahan.

Mula sa laboratoryo
lumabas ang isang
mestisang diyosa
na siyang nagdulot
nang tiyak na pagkahulog
ng bawat panga
na nilalampasan niya.

Puri dito, puri doon.
Ang tainga niya
ay pumapalakpak.
Kaway rito, kaway doon,
hindi siya matigil
sa kahahalakhak.

“Sa wakas,”
ika niya,
kagandaha'y napasakanya.
Subalit,
ngunit,
datapwat,
langit biglang
kumulog,
kumidlat.

Habang ang diyosa'y pauwing
mahinhing naglalakad,
nakasalubong niya
ang isang matrona
na siyang nagpaalala
ng mapait na nakaraan niya.
Itsura ng matrona
sadyang kasuka-suka
mas masahol pa
sa dating muka ng diyosa,
wika ng marami
pinagsukluban ng langit at lupa
maging impyerno ay nakialam pa.

Hiling nito sa diyosa
ibahagi ang sikreto niya
sa pagbabago ng uling
at naging isang ginto,
ngunit ang kagandahan
ng diyosa'y panlabas lang
sapagkat kanyang budhi
lubos-lubos ang kaitiman.
Itinaas ang kilay
at saka pumanhik,
hindi niya namalayan
ang nagbabadyang panganib.

Plok! Plak!
Inay ko po'y kaysakit!
Ang diyosang marikit,
napasubsob sa putik.

Ngunit sa halip
na malambot ang lupang hahagip
'yon pala'y sa ilalim
may nakatagong talim.
Matigas niyang mukha
ginuhitan ng pait
ang maladiyosang matrona
nasiraan ng bait.

Lahat ng tao'y
naengganyong lumapit,
sa lakas ng kanyang sigaw
dahil sa sobrang sakit.
Imbis na tulunga'y
pinagtawanan, nilait.
“Hahaha! Buti nga sa 'yo,
mayabang ka kasi,”
ang kanilang sambit.
Luha niya'y nangingilid,
ngunit walang pasubali,
ang kutya nila'y sumasabay
sa ulang masidhi.

Sa hindi niya inaasahan,
dinamayan siya ng isa.
Isang pamilyar na mukhang
hindi rin naman
naiiba sa kanya.

Magbuhat noon,
natutunan niya
ang isang malaking
leksiyon:
“Mas masarap ang maging duryan,
kaysa maging isang mamon.”
Written
31 August 2013


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
AtMidCode Nov 2017
Sinabi ko naman sayo
Na may abandonment issues ako
Na dinaig pa ng pinandidirihan at kinatatakutan kong mga mahahabang bulate
Ang takot kong maiwan nalang basta basta

Para akong isang turistang naghahandang tumalon sa isang napakataas na bundok
Isa isang kinabit ang mga harness sa aking katawan
Maingat at ekspertong mga kamay ang siyang naninigurong ligtas ako sa gagawing pagsubok
Habang ako'y nanginginig at kinakabahan
Pinagpapawisan
Ang kamay, noo, paa, batok, likod, ilong at maging ang mga kili-kili
Malawak ang paligid at dapat ay maalwan ang paghinga
Ngunit ito'y tila kinakapos
Sige lang. Kaya ko to. Matatapos din to. Kasama naman kita, hindi ba?

Nagpaalala ang guide
Ngunit ako'y nag-aabang lang sa sinasabing signal
Tanda na magsisimula na ang pagbagsak

Ang lakas ng hangin
Hindi ba to makaaapekto mamaya sa amin?

Pinapwesto kami ng guide

'Pano kapag hindi ko kinaya?'

Nagbibilang na siya

'Matatapos ko ba?'

Ibaba na nila.

'Hindi na mahalaga. Kasama ko naman siya.'

Isa


Dalawa


Tat--

Teka. Teka. Asa'n ka na?

— The End —